Nagulat at Natakot ang Babaeng Ito Dahil sa Natanggap na Mensahe mula sa Kaniyang Pinagkakautangan; Litrato kasi Iyon ng Manyika ng Mangkukulam
Kanina pa tunog nang tunog ang telepono ni Emma, ngunit hindi niya ito pinapansin. Wala siyang balak na sagutin ang tawag ng kaniyang dating kumareng si Lanie, dahil sigurado siyang sisingilin lamang sya nito sa kaniyang utang.
Tatlong buwan na ang nakalilipas buhat nang mangutang siya rito ng sampung libo, ngunit ngayon lamang ito tumawag upang singilin na siya dahil hindi naman niya nagawang magkusang magbayad. Ni hulugan ang utang niya ay hindi niya naisip kaya naman nang mabalitaan ni Lanie na siya’y nakakuha na ng 13th month pay ay nagkukumahog ang paniningil nito sa kaniya ngayon, lalo pa at magpa-Pasko ngunit nasa ospital ang anak nito.
Bagama’t hindi lingin sa kaalaman ni Emma ang sitwasyon ng dati niyang kumare ay wala pa rin siyang balak na bayaran ito. Nanghihinayang siyang ibayad ang hawak niyang pera ngayon lalo pa at napakaraming sale sa mga online shopping apps na sikat na sikat ngayon magmula nang mag-pand*mic.
“Ate Emma, ano ba ’yang cellphone mo kanina pa tunog nang tunog! Ang ingay. Pakihinaan naman. Panggabi kasi ako at kailangan kong matulog,” maya-maya ay reklamo ng kapatid niya kay Emma. Magkasama kasi silang nangungupahan bilang mga bed spacers sa isang dormitoryong malapit sa kanilang pinagtatrabahuhan kaya naman dinig na dinig nito ang pagtunog ng kaniyang telepono.
Dahil doon ay napilitan tuloy si Emma na buksan na lamang ang kaniyang telepono upang i-silent lamang sana iyon, ngunit nagulat siya nang makita ang isang notipikasyon. Ayon kasi doon ay may ipinadala raw na litrato si Lanie sa kanilang chat kaya naman na-curious siyang buksan iyon at tingnan… at ganoon na lang ang gulat niya nang makitang ang litratong iyon ay litrato ng manyika ng mangkukulam!
“Magbabayad ka ba o hindi?!” galit na tanong pa ng nasabi niyang kumare sa ibaba ng litratong iyon.
“Sinabi ko naman sa ’yo na kailangan ko ng pera ngayon dahil nasa ospital ang anak ko! Wala ka bang puso, Emma?” dugtong pa nito.
Agad namang kumalabog nang malakas ang dibdib ni Emma. Tubong probinsya kasi siya kaya naman talagang naniniwala siya sa mga ganitong klaseng bagay. Hindi niya naman kasi inaasahan na gagawin pala ni Lanie sa kaniya dahil kilala niya ito bilang isang mabait at mapagbigay na kaibigan. Kaya nga naisipan niya itong abusuhin dahil alam niyang kalaunan ay titigil na lang ito sa paniningil sa kaniya, ngunit mukhang desperado na talaga itong makuha ang kaniyang pera!
Ngunit sa kabila ng takot na nararamdaman ni Emma ay hindi pa rin niya nagawang bitiwan ang mahigpit na pagkakahawk niya sa kaniyang pera. Hanggang sa kakaisip niya ng mangyayari sa kaniya ay nagsimula niyang mapansing napakarami palang butlig na tumutubo sa kaniyang katawan!
Makati iyon at halos hindi siya patulugin. Dahil doon ay hindi na rin siya gaanong makapasok sa trabaho at ni hindi rin siya makalabas ng bahay. Tatlong linggo pa ang lumipas bago niya naisipang dalawin si Lanie sa bahay nito upang sa wakas ay magbayad ng kaniyang utang…
“Tanggalin mo na ang inilagay mong kulam sa akin, Lanie. Nabayaran ko naman na ’yong utang ko sa ’yo,” halos maglumuhod na sabi niya rito. Agad namang tumaas ang kilay ni Lanie sa kaniya pagkatapos nitong hablutin mula sa mga kamay niya ang pera.
“Wala akong ginawa sa ’yo. Joke lang naman ’yong picture na i-s-in-end ko sa ’yo dahil ayaw mong magbayad. Subukan mo kayang ipatingin sa doktor ’yang mga butlig mo dahil baka dahil lang ’yan sa libag!” naiinis pang sabi sa kaniya ni Lanie bago siya nito sinaraduhan ng pintuan.
Noon din ay naisip ni Emma na sundin ang sinabi nito. Bagama’t malaki ang paniniwala niyang ipinakulam talaga siya ng kaniyang dating kaibigan ay naisipan niya pa ring magpadoktor, at doon ay napag-alaman niyang allergy nga lamang ang sanhi ng kaniyang mga butlig at iyon ay nakukuha sa maruming kapaligiran at maruming pangangatawan.
Napahiya pa si Emma. Dahil doon ay malaking pagsisisi ang naramdaman niya. Bagama’t hindi siya sigurado kung totoo nga bang may kinalaman sa nangyari sa kaniya si Lanie ay buo na ang desisyon niyang hindi na muling mangutang pa kailanman. Hindi na rin siya mang-aabuso ng kabaitan ng mga taong gusto at handang tumulong sa kaniya sa kagipitan, dahil iba kung gumanti ang karma.