Inday TrendingInday Trending
Ginamit ng Babaeng Ito ang Kaniya Umanong ‘Talento’ Upang Makapanloko at Makapamera; Likod Pala ng Selda ang Kahihinatnan Niya

Ginamit ng Babaeng Ito ang Kaniya Umanong ‘Talento’ Upang Makapanloko at Makapamera; Likod Pala ng Selda ang Kahihinatnan Niya

Laki sa hirap ang babaeng ito na mas kilala sa tawag na ‘Madam Katalina’ na bansag sa kaniya ng mga tao. Kaya naman nakahahangang ngayon ay maganda na ang kaniyang buhay. Mayroon siyang malaking bahay, mga sasakyan, magagarang damit at kung anu-ano pa.

Ngunit hindi naman iyon nakapagtataka lalo pa at ngayon ay isa na siyang kilalang personalidad na palaging naiimbitahang mag-guest sa iba’t ibang TV shows lalo na kapag may mga bali-balitang patungkol sa mga kwentong…kababalaghan.

Kilala si Madam Katalina sa kaniyang ‘talento’ na maituturing namang hindi pangkaraniwan ng maraming tao. Ayon kasi sa kaniya, ’di umano ay nakakakita siya ng mga bagay-bagay na hindi kayang makita ng normal na mga mata, at nakakakausap siya ng mga nilalang na hindi naman basta nakikipag-usap sa mga tao. Ngunit bukod doon ay kilala rin siya sa kakayahan niyang makagamot—’di umano—ng mga sakit sa pamamagitan lamang ng kaniyang kapangyarihan!

Kilalang faith healer si Madam Katalina, at talaga namang dinarayo siya ng maraming tao sa pag-asang magamot niya ang mga ito. Halos araw-araw ay napakahaba ng pila sa labas ng kaniyang tahanan kahit pa sa totoo lang ay may kamahalan naman ang kaniyang singil. Noong una ay ginagawa lamang niya ito upang makatulong kunwari sa mga tao, ngunit nang mag-umpisa na siyang makilala ay unti-unti nang nagmahal ang presyo ng kaniyang talento!

Isang libong piso sa mahihirap, habang limang libo naman sa mga taong alam niyang may kaya sa buhay. Sampung libo naman sa mga desperado na at talagang milagro na lang ang hinihingi, dahil sa sakit na kanilang nilalabanan. Ganito ang kalakaran ni Madam Katalina, kahit na ang totoo ay wala naman talaga siyang tunay na kakayahan!

“Tiba-tiba na naman tayo, Madam! Ang laki ng kinita natin ngayon. Napakaraming pumila lalo na nang mai-post na natin ’yong scripted nating session. Ang bilis kasing nag-viral n’on dahil maraming tao sa social media ngayon na mabilis maniwala sa mga nakikita nila!” hiyaw ng isa sa mga tauhan ni Madam Katalina sa kaniyang bahay kung saan niya rin isinasagawa ang kaniyang mga pekeng panggagamot.

“Sinabi mo pa! Ang gagaling n’yo rin kasing um-acting!” natutuwang sagot naman ni Madam Katalina na halos maghugis pera na ang mga mata sa pagbibilang ng hawak niyang makapal na halaga! Talagang napakalaki ng kinita niya sa ilang araw mula nang magsagawa sila ng pekeng faith healing session sa isa sa kunwari nilang pasiyente.

Dahil sa usapang iyon ay napailing na lamang ang bagong pasok na kasambahay ni Madam Katalina. Si Andrea, isang working student. Wala pa man siyang isang linggo ay tila gusto na niyang umalis dito kung hindi niya lang talaga kailangan ng trabaho, dahil sa awa sa mga nauuto ni Madam Katalina. Karamihan pa naman sa mga ito ay iyong talagang may malulubhang sakit na kahit ang mga doktor ay hirap nang malunasan. Hindi kinakaya ng konsensiya ni Andrea ang mga tagpong halos magmakaawa na ang mga ito kay Madam Katalina na sila ay tulungan dahil sa sobrang pagkadesperado.

Dahil doon ay naisipan ni Andrea na maghanap na lamang muna ng ibang trabahong malilipatan, bago siya opisyal na umalis sa pangangamuhan kay Madam Katalina, at nang sa wakas ay makatakas na siya sa poder nito ay doon niya na isiniwalat ang lahat ng baho nito. Sinabi niya sa lahat, sa pamamagitan ng pagpo-post ng isang video niya, ang tungkol sa pang-ii-scam ng mga ito sa mga tao!

Naglakas loob lang si Andrea upang tulungan ang mga tao na huwag nang pauto pa kay Madam Katalina na ngayon ay binansagan na ng mga tao bilang ‘fake healer.’ Sa wakas ay natapos din ang kaniyang panloloko para lang makapamera, dahil mas pinaniwalaan ng karamihan si Andrea lalo’t marami itong hawak na ebidensiya. Naharap sa iba’t ibang mga kaso si Madam Katalina, mula sa mga taong noon ay kaniyang nabiktima. Hindi niya akalain na dahil doon ay babagsak pala siya kalaunan sa selda!

Ngunit hindi pa roon natatapos ang karma ni Madam Katalina, dahil makalipas lang ang isang linggo buhat nang siya’y mabilanggo sa likod ng mga bakal na rehas, nalaman niyang mayroon na pala siyang sakit at nakuha niya iyon mula sa isa sa mga taong ginamot niya! Ngayon ay huli na para pagsisihan niya pa ang panlolokong ginawa niya sa kanila!

Advertisement