Inday TrendingInday Trending
Masyadong ‘Bida-Bida’ ang Ginang na Ito sa Kaniyang mga Kapitbahay; Ikapapahamak Pa Pala Niya Ito

Masyadong ‘Bida-Bida’ ang Ginang na Ito sa Kaniyang mga Kapitbahay; Ikapapahamak Pa Pala Niya Ito

Kung ‘Bida-bida ng Taon’ ang pag-uusapan, ang magiging kinatawan ng kanilang barangay ay walang iba kundi si Aling Julieta.

Kilala si Aling Julieta na mapagbida at mapagmalaki sa mga bagay na mayroon siya ngayon, dahil sa kaniyang mister na OFW na si Mang Protacio. Lagi niyang iniinggit ang mga kapitbahay na malaki ang perang ipinadadala sa kaniya ng mister mula sa pagtatrabaho nito sa ibang bansa bilang karpintero.

“Hay naku, nagpadala na naman sa akin si Protacio ng pagkarami-raming tsokolate! Ang dami-dami! Halos hindi na magkasya sa refrigerator namin, kaya sabi ko, sana naman bilhan kami ng bagong refrigerator para naman mas maraming mapaglagyan ng mga pagkain!”

“Binilhan nga ako ni Protacio ng mga alahas eh, hindi ko naman masyadong nagagamit. Nakakatakot naman magsuot ng alahas sa palengke at baka mahablot. Pero… pag-iisipan ko sa mga susunod na araw.”

“Dumating na yung pinabibili kong stove kay Protacio… sa susunod nga induction stove ang ipabibili ko kasi mas sosyal ‘yon at mas ligtas.”

Minsan ay tumatango na lamang ang mga kapitbahay ni Aling Julieta kapag nagbibida na siya. Kahit hindi naman nila tinatanong at wala naman silang pakialam dito, hindi nila mapigilan ang ginang na idaldal at iyabang ang mga kasangkapan nito sa loob ng bahay.

Isang araw, may nag-tao po sa bahay nina Aling Julieta. Nasa paaralan ang mga anak niya at siya lamang ang naiwan, na karaniwan namang nangyayari.

“Ano ‘yon?” usisa ni Aling Julieta sa lalaking nagpakilalaang ahente.

“Magandang umaga po. Nagsusurvey lang ho kami Ma’am kung ano ho ang ginagamit ninyong brand ng LPG kapag nagluluto kayo,” saad ng lalaki.

Mukhang maayos naman ang pananamit nito at may hitsura kaya nakampante naman si Aling Julieta. At rumatata na ang kaniyang bibig. Sinabi ni Aling Julieta ang brand ng LPG na madalas niyang ipadeliver at gamitin.

“Puwede ko po bang makita? Kukuhanan ko lang po ng larawan para sa dokumentasyon,” sabi ng lalaki.

“Ay sige, halika pasok ka,” siyang-siyang sabi ni Aling Julieta at pinapasok niya ang lalaki. Makakapagbida-bida na naman siya.

“Bago nga lang yung stove namin, galing Dubai ‘yan. Pinabili ko sa mister ko na nagtatrabaho doon. Matagal na siya roon at malaki na ang suweldo niya,” at sinimulan niyang ibida ang mga mamahaling kasangkapang makikita sa loob ng kanilang bahay. Tatango-tango naman ang lalaki. Kinuhanan nito ng larawan ang LPG, maging ang mga kasangkapang ibinida ni Aling Julieta.

“Bakit mo pala kinukuhanan ng larawan ang mga muwebles ko rito sa bahay? Hindi ba’t sabi mo ay LPG lang?” untag ni Aling Julieta.

“Ang ganda kasi Ma’am. Ipakikita ko po sa misis ko at baka gayahin din namin ang ayos ng bahay ninyo. Bagong kasal lang po kasi kami. Ma’am, maraming-maraming salamat po sa pagpapaunlak,” saad ng lalaki.

Tuwang-tuwa naman si Aling Julieta dahil nakapagmalaki na naman siya ng kaniyang bahay.

Kinagabihan, matapos makipag-video call kay Mang Protacio ay nakatulog na si Aling Julieta.

Mga bandang alas dos ng hapon ay may nararamdaman siyang kakaibang kaluskos sa bandang sala. Panay rin ang tahol ang aso ng kapitbahay.

Hindi na niya sana papansinin ang mga kaluskos dahil naisip niya na baka mga daga lamang, subalit may nabasag na babasaging muwebles na nakapagpaalarma sa kaniya.

Agad siyang bumaba upang silipin ito, at laking-gulat niya nang makita ang isang lalaking naka-bonnet na inilalabas na ang kanilang mga mamahaling kasangkapan. May kasama siyang isa pang lalaki, na namukhaan niya.

Ito ang lalaking nagpakilalang nagsu-survey sa brand ng LPG na ginagamit ng mga tao.

Agad na nagpulasan ang dalawang lalaki subalit nabitbit na nila ang kanilang LED TV, rice cooker, oven toaster, at microwave oven. Mga kasangkapang naipundar ng kaniyang mahal na mister sa ibang bansa at ipinadala sa Pilipinas.

Kinabukasan ay naging usap-usapan ang nangyaring pagnanakaw sa bahay nina Aling Julieta. Hindi lamang pala siya ang nakaranas nito kundi ang iba pang mga kabahayan na nagtiwala sa naturang lalaking nagsu-survey kuno, pero isa palang modus operandi.

“Akala ko pa naman, maayos na tao. Kawatan pala,” nausal ni Aling Julieta. Agad niyang ikinuwento sa mister ang mga nangyari at siya pa ang napagalitan.

“Bawas-bawasan mo nga ang pagiging pabida mo, Julieta. Sa susunod, huwag ka basta-basta magpapapasok ng mga taong hindi mo naman lubusang kakilala. Mabuti na lang at iyan lang ang nakuha sa inyo, puro pa naman kayo mga babae diyan!” paalala ni Mang Protacio.

Simula noon ay binawasan na nga ni Aling Julieta ang pagiging bida-bida at nagtanda na siya sa kaniyang karanasan.

Advertisement