Inday TrendingInday Trending
Nanginginig ang Tuhod ng Dalaga sa Bagong Pakilalang Kaibigan ng Nobyo; Paanong Nangyaring Nagkaroon ng Ganitong Kaibigan ang Mabait Niyang Nobyo?

Nanginginig ang Tuhod ng Dalaga sa Bagong Pakilalang Kaibigan ng Nobyo; Paanong Nangyaring Nagkaroon ng Ganitong Kaibigan ang Mabait Niyang Nobyo?

Nakangiting nagmamaneho si Aljun ng kaniyang sasakyan patungo sa lugar kung saan niya dadalhin ang mga binalot na ulam mula sa kasal ng kaniyang matalik na kaibigan. Naiinis man sa nobyo ay tahimik lamang na pinapakiramdaman ni Ruth ang lalaki.

Sino ba naman kasi ang matutuwa kung nasa kalagitnaan kayo ng kasiyahan at bigla-bigla itong mag-aayang lumabas muna saglit at may pupuntahan lamang? Kanina pa niya ito tinatanong kung kanino sila pupunta, ngunit lilingunin lamang siya nito saglit at ngingitian nang nakakaloko.

Siguro may kabit ito at doon ang punta nila ngayon. Nahihiya siguro itong isama sa okasyong iyon ang kabit nito kaya nagbalot na lang ito ng pagkain at ngayon nga’y ihahatid ng nobyo. Matalim ang tinging nilingon niya ito.

Maya maya lamang ay tumigil na ang sasakyan nito sa tapat ng isang convenience store, bahagya pa siyang natakot dahil may grupo ng kabataang sabay-sabay na nagsitayuan sa harapan ng sasakyan, at mukhang hinihintay ang kanilang pagbaba.

“Baba na tayo, babe,” ani Aljun.

Inabot ang mga pagkaing kinuha mula sa handaan at akmang bubuksan na ang sasakyan nang kaniyang pigilan.

“Teka lang! Baka kung ano’ng mangyari sa’tin. Baka holdapin nila tayo at baka kung ano’ng gawin nila sa’tin,” nanginginig sa takot niyang wika.

Isang malakas na tawa lamang ang isinagot ni Aljun sa pagiging praning na nobya.

“Hindi sila masasamang tao, hali ka na. Baba na tayo, malamang kanina pa nila ako hinihintay,” ani Aljun. “Ipapakilala kita sa kanila.”

Natatakot man ay napilitan si Ruth na sundin ang nobyo. Bumaba siya habang nanginginig sa takot ang kaniyang mga tuhod. Hindi siya sanay na makakita ng mga taong mukhang rugby boys, at iyon ang itsura ng mga kabataang sinasabi ni Aljun na mababait.

Nang makita ni Aljun na bumaba siya’y agad naman siyang inalalayan nito at ipinakilala sa tatlong lalaking mukhang gumagamit ng dr*ga sa klase ng katawan ng mga ito. Paano naging kaibigan ni Aljun ang mga binatang ito? Kung kaniyang huhusgahan sa isang tingin ay mga masasamang tao sa kalye na palaging hanap ay rambulan.

“Babe, siya si Harry,” pakilala ni Aljun sa lalaking nakasumbrerong matangkad na mapayat. “Ito naman si Brian.” Itinuro naman niya ang lalaking kalbo at gaya no’ng una’y payat rin at matangkad. “Ito naman si William,” turo ni Aljun sa lalaking medyo maliit sa dalawang nauna.

May mga itsura ang mga lalaki, ang kaso nga lang ay ang papayat ng mga ito, animo’y walang pagkain sa mga bahay kaya ganoon ang katawan. Unang tingin pa lang ay mukha nang mga ad*k sa lansangan. Kaya paanong nangyaring naging mga kaibigan ni Aljun ang mga ito?

Nakita ni Ruth na matapos iabot ng nobyo ang dalang mga pagkain ay binigyan niya ito ng tig-iisang libong pera, saka sila nagpaalam upang muling bumalik sa kasal. Labis-labis ang pasasalamat ng mga ito sa nobyo at sa kaniya.

Habang nasa loob ng sasakyan ay hindi na kayang pigilan ni Ruth ang mag-usisa kay Aljun. Isa-isa niyang tinanong sa nobyo ang mga tanong na kanina pa niya nais isatinig.

“Nakilala ko sila isang beses nang masiraan ako ng sasakyan sa lugar na iyon, papauwi na ako noon sa Maynila,” panimulang paliwanag ni Aljun. “Gaya ng iniisip mo kanina ay iyon rin ang unang akala ko sa kanila, babe. Akala ko rin mga masasamang tao sila na anumang oras ay pwede akong lusubin at saktan, pero mali ako. Madaling araw na noon at wala nang talyer ang bukas, kaya kinailangan kong magpalipas ng gabi sa lugar na iyon dahil malabo nang makauwi ako ng Maynila. Saktong dumating silang tatlo at nag-alok ng tulong,” nakangiting wika ni Aljun habang ang buong tingin ay nasa daan.

“Anong tulong naman iyon?”

“Inalok nila akong tatlo na tumuloy muna sa bahay nila upang kahit papaano ay makapagpahinga naman ako nang maayos, kaysa sa loob lang ako ng sasakyan magpalipas ng gabi. Saktong sa tapat ng daan kung saan ako nasiraan, kaunting lakad lang ay bahay na nila,” aniya.

“Magkakapatid sila?” takang tanong ni Ruth.

“‘Yong dalawang payat na matatangkad, magkapatid sila, ‘yong medyo maliit, pinsan nila ‘yon. Pero iisa lang ang bahay na tinitirhan nila. Doon ko nakilala ang mga magulang nila, matatanda na, ang papa nila, hindi na nakakakita dahil sa sakit na diabetes, ang mama nila ay kumuba na sa katandaan. Kung huhusgahan mo sila sa mga itsura nila, katatakutan mo talaga silang tatlo, pero kung titingnan mo ang mga puso nila, babe, promise ang gaganda ng puso nila at ang babait. Kaya ko sila naging kaibigan,” puno ng paghangang wika ni Aljun.

“Isang beses lang nila akong tinulungan, pero ipinangako ko sa sarili ko na hanggang kaya kong magbigay ng tulong sa kanila ay tutulungan at tutulungan ko sila palagi, dahil ang isang beses na tulong na iyon ay sobrang nagpabago ng paningin ko sa mga kagaya nila. Sila ang buhay na katotohanan ng salitang huwag mong husgahan ang libro base sa balat nito, husgahan mo ang nasa loob. Dahil kahit ganoon lang ang mga panlabas nilang itsura, sobrang ganda’t busilak naman ng mga puso nila,” nakangiting paliwanag ni Aljun.

Pakiramdam ni Ruth ay biglang nagkaroon ng pakpak si Aljun at naging anghel sa kaniyang paningin. Hindi niya lubos akalain na ganoon pala ang ginagawa nito, pinagdudahan pa naman niya ito kanina, tapos wala naman pala itong ginagawang masama. Maingat niyang ginagap ang kamay nito at mahigpit na hinawakan. Kung mahal na mahal niya noon pa man si Aljun, mas minahal niya pa ito nang sobra-sobra ngayon.

“I love you, babe!” matamis niyang wika sabay halik sa pisngi nito.

Tama ang nobyo niya! Huwag basta-basta mag-isip ng masama sa kapwa, hindi lahat ng pangit sa iyong paningin ay totoong pangit – tingnan mo muna ang puso nito bago ito husgahan.

“I love you more, babe!” nakangiting tugon ni Aljun.

Advertisement