Inday TrendingInday Trending
Gigil na Gigil ang Ale Dahil sa Simpleng Pagtatakip ng Ilong ng Dalaga sa Loob ng Bus; Ano ba ang Pinaglalaban Nito?

Gigil na Gigil ang Ale Dahil sa Simpleng Pagtatakip ng Ilong ng Dalaga sa Loob ng Bus; Ano ba ang Pinaglalaban Nito?

Sinilip ni Maricris ang kaniyang relong pambisig upang tantiyahin kung anong oras siya makakauwi sa bahay nila. Matapos tingnan ang oras ay nagdesisyon siyang isandal sandali ang ulo sa upuan ng bus at ipikit saglit ang kaniyang mga mata, iidlip na muna siya, tutal malayo-layo pa naman ang sa kanila. Inilabas niya ang kaniyang panyo at itinakip sa kaniyang ilong at nagdesisyong umidlip.

Paidlip na siya nang biglang may sumiko sa kaniya. No’ng una’y hindi niya iyon pinansin, baka hindi sinasadya. Maraming pasahero sa bus, kaya malamang nagkakadikit-dikit at nagkakasikuhan na ang mga taong nasa loob. Nanatili siyang nakasandal sa upuan, nakapikit ang mga mata at nakatakip ang panyo sa kaniyang ilong.

Dahan-dahan nang lumalalim ang kaniyang pag-idlip nang bigla na namang nagising dahil sa muling malakas na pagsiko ng kaniyang katabi. Hindi na pinalampas iyon ni Maricris, dumilat na siya at tiningnan ang kaniyang katabing pasahero. Ano bang problema nito?

“May problema po ba?” takang tanong ni Maricris sa katabi.

“Ikaw, may problema ka ba?” balik tanong naman nito.

Siya pa ngayon ang may problema? Gayong nananahimik siya sa sulok at pinipilit ang sariling umidlip saglit tapos panay siko ito sa kaniya, siya pa ang may problema?

“Bakit ka ba nagtatakip ng ilong, hija? Mababaho ba kaming lahat dito?” tanong ng aleng katabi.

Hindi maiwasan ni Maricris ang magsalubong ang kaniyang kilay sa malisyosong tanong ng ale. Hindi por que nagtatakip siya ng panyo sa kaniyang ilong ay mababaho na ang kaniyang mga katabi. Paraan niya iyon upang kahit papaano’y nasasala ng panyo ang hanging dumidiretso sa kaniyang ilong.

“Mukha ba kaming may mga baktol para magtakip ka ng ilong mo? Nakakainsulto naman masyado ‘yang kaartehan mo!” inis na wika ng ale.

Matapos nitong magsalita sa kaniya’y humarap ito sa iba pang mga pasahero na para bang naghahanap ito ng kakampi. Kinukumbinse nito ang iba na masama ang pagtatakip niya ng ilong, na nang-iinsulto siya sa pasimpleng pagtatakip ng panyo sa kaniyang ilong.

Gusto niya itong patulan, pero naisip niyang may edad na ito kaya mas pinili na lamang niyang unawain ang ale. Ibinaling niya sa may bintana ang paningin at mariing ipinikit ang mga mata. Malayo-layo pa ang bahay nila kaya iidlip na lamang siyang muli. Bakit ba may mga taong sobrang sensitibo, sa sobrang sensitibo, kaunting ginagawa ng kapwa ay pinapalaki na nila?

“Talagang nagtatakip ka pa rin ng ilong mo! Hoy! Hija, wala kaming mga baktol rito ah! Tanggalin mo nga iyang takip mo sa ilong!” anito sabay hawi ng braso niyang nakatakip sa kaniyang ilong.

Pakiramdam ni Maricris ay umakyat ang kaniyang dugo sa ginawa ng ale! Sinusubok talaga nito ang kaniyang pasensya.

“Ang lungkot po siguro ng buhay niyo ale, kaya kaunting ginagawa ng kapwa mo’y binibigyan mo ng bigat at malisya,” mahinahon at nagpipigil niyang wika. “Sa’yo po ba ako nakaharap para isipin niyong ikaw ang dahilan kung bakit ako nagtatakip ng ilong? Dito ako sa bintana nakaharap, kaya malabong maamoy ko ang baktol mo.”

“Sinasabi mo bang may baktol ako!?” Naglalabasan na ang ugat nito sa leeg, kitang-kita na sa mukha nito ang galit.

“Hindi ako, ale, ikaw,” aniya sabay turo rito. “Wala namang may nakakaalam na may baktol ka, pero dahil sa sobrang pakialamera mo, alam na nila ngayon na may baktol ka,” dugtong niya.

“Wala akong baktol! Nakakainsulto lang talaga ang ginagawa mong pagtakip sa ilong na para bang ang babaho naming lahat dito,” aniya sabay lingon sa mga pasaherong gusto niyang kumampi sa kaniya. Kaso nanatiling tikom ang mga bibig ng mga ito at mas piniling huwag makisali sa away nila.

“Matanda ka na po pero mukhang kulang pa rin kayo sa kaalaman, ale,” mahinahon niya pa ring kausap rito.

Kung tutuusin ay ayaw niya itong patulan, ngunit hindi matatahimik ang ale kung babalewalain niya ito. Kaya mas maigi na ring harapin niya ito at makipagpalitan ng maanghang na salita.

“Pero hindi ako guro upang pangaralan ka. Ang simpleng masasabi ko lang ay huwag kang maglako ng karma, baka makahanap ka ng katapat at bilhin ang nilalako mo. Matanda ka na, at sigurado akong nakakarma ka, pero dahil d’yan sa sensitibo mong ugali, baka mapatulan ka ng mga batang kagaya ko. May edad ka na, pakibagayan ng edad mo ang utak mo,” ani Maricris at tumayo.

Lilipat na lang siya ng upuan… sana sa susunod niyang katabi ay hindi kagaya ng sensitibong ale na wala sa lugar kung manita. Itinanim sa isip ng mga magulang natin na huwag papatol sa mga nakakatanda, pero minsan, ang mga matatanda pa mismo ang susubok ng iyong pasensya.

Advertisement