Inaapi Siya ng Kaniyang Amo Ngunit Hindi pa rin Niya Kayang Umalis sa Poder Nito; Nakita na lang Siyang may Busal sa Bibig
“Patricia, may mga pasa-pasa ka na naman,” awang-awa na wika ni Jean, ang kaibigan n’yang katulad niya’y katulong rin sa kabilang bahay. “Ano na naman ba ang nangyari?” usisa nito.
Mangiyak-ngiyak na nagkibit balikat si Patricia. “Mainit ang ulo kahapon ni ma’am, at gaya ng dati, ako na naman ang sumalo sa inis niya sa mundo,” ani Patricia.
“Isumbong mo na kaya iyang amo mo? Namumuro na ‘yan sa kakapanakit sa’yo, baka mamaya niyan matuluyan ka na at sa muli nating pagkikita, b*ngkay ka na,” nag-aalalang wika ni Jean sa kaibigan.
Hindi mapigilan ni Patricia ang paghagulhol ng iyak. Kung siya lang ang masusunod, gustong-gusto na niyang umalis sa poder ng kaniyang amo. Ang kaso’y malaki pa ang utang na hindi niya nababayaran, dahil noong nakaraang buwan ay nagkasakit ng malala ang kaniyang ama at kinailangan nila ng malaking pera upang ma-operahan ito. Sa tulong ng kaniyang amo ay naipagamot at naging maayos na ang lagay ngayon ng kaniyang ama. Iyon rin ang dahilan kaya hindi niya pa kayang umalis.
“Hayaan mo na, Jean, kaya ko pa namang tanggapin ang pananakit niya sa’kin. Kapag isang araw hindi na ako nagpakita rito at wala na akong paramdam, ikaw na ang bahala ah. Isumbong mo siya sa mga pulis. Kung susuwertihing buhay pa ako, utang ko sa’yo ang buong buhay ko,” nakangiting wika ni Patricia.
Nangilabot ang balahibo ni Jean sa sinabi ng kaibigan kaya agad niya itong nasiko at umusal ng “simbako” salitang bisaya na ang ibig sabihin ay huwag naman sana. Naaawa siya sa kaibigan ngunit wala siyang magawa. Alam niya ang dahilan kung bakit nagtitiis ito sa salbaheng amo. Kung may pera lamang siya, siya na mismo ang magbabayad sa naging utang ni Patricia, para makaalis na ito sa amo.
Dalawang linggo na ang nakakalipas mula noong huli silang nagkausap ng kaibigan. Sa labis na pag-aalala rito ay araw-araw niya itong sinisilip sa bakuran ng amo upang pasimpleng kumustahin ang lagay nito. Palagi namanh nakangiti si Patricia at sinasabing ayos na ito at hindi na mainit ang ulo ng amo.
Ngunit tatlong araw na ang nakakalipas mula noong hindi niya nakikitang lumalabas ng bakuran si Patricia, kaya hindi niya maiwasang hindi mag-alala. Ano na kaya ang nangyari sa kaibigan? Kapag sinisilip niya ang bahay ng amo nito ay mukhang walang tao. Kapag naman tinatawagan niya ang selpon ni Patricia ay naka-off. Sobra na ang kaniyang pag-aalala sa kaibigan, kaya humingi na siya ng tulong sa kaniyang amo.
“Ano ba naman ‘yang kapraningang inisip mo, Jean? Baka naman nagbakasyon ang pamilya kaya walang tao sa kabilang bahay,” ani Kaye, ang kaniyang amo.
“Ma’am, masama talaga ang kutob ko para sa kaibigan ko ma’am. Imposibleng hindi magpaalam sa’kin si Patricia, kung talagang isinama siya ng mga amo niya sa bakasyon. Siguro ang mga amo niya nagbakasyon, pero si Patricia, iniwan nila d’yan sa bahay,” nag-aalala niyang kausap sa amo.
Mataman siyang tinitigan ng kaniyang among si Kaye at saglit na nag-isip, tungkol sa sinabi niyang pangmamaltr*to ng amo ni Patricia sa kaibigan. Kilala niya ang kaniyang amo at alam niyang ayaw nitong mangialam sa mga ganyang bagay, ngunit dahil sa pamimilit niya’y napilitan itong tulungan siya.
Humingi sila ng tulong sa mga awtoridad at hindi naman sila nabigo. Tinawagan ng mga ito ang numero ng amo ni Patricia ngunit hindi nila ito makontak. Labis na ang kabang nararamdaman ni Jean para sa kaibigan kaya nakiusap siyang humanap ng paraan ang mga awtoridad na pasukin ang bahay ng amo ni Patricia, magbakasakali sila kung naroroon sa loob ang kaibigan o wala.
Ilang oras din ang lumipas bago nabuksan ng mga pulis ang pintuan ng bahay. Agad na tumakbo si Jean at hinanap ang kaibigan. Sana nga’y mali ang kaniyang hinala, sana nga’y wala rito ang kaibigan, mas matatanggap niyang sumama ito sa bakasyon ng mga amo.
Kanina pa niya iniikot ang malaking bahay nang may marinig siyang umaalulong na para bang taong nakabusal ang bibig. Pinakiramdaman niya kung saan iyon nanggaling, naramdaman niyang nanggaling iyon sa ilalim ng lababo. Binuksan niya ang nakasarang kabinet at doon nakita ang kaibigang si Patricia. Nakabusal ang bibig nito, nakatali patalikod ang kamay at panay ang iyak.
“Patricia!” sigaw ni Jean ng sa wakas ay nakita ang kaibigan. Agad niyang tinanggal ang busal nito sa bibig at niyakap. “Salamat sa Diyos at buhay ka pa,” humahagulhol niyang wika.
“Akala ko katapusan ko na, Jean,” tangis rin ni Patricia. “Dem*nyo sila…”
Umiiyak na nagyakapan lamang silang magkaibigan. Nalaman niyang nagbakasyon nga ang amo ni Patricia, sa takot ng among babae na magsumbong si Patricia sa awtoridad, o sa mga kapitbahay nila ay ginapos niya ang kawawang katulong at itinago sa ilalim ng nakasarang kabinet ng lababo. Mag-iisang linggo na rin ang nakakalipas mula noong umalis ang kaniyang amo, mag-iisang linggo na ring nakatago si Patricia sa loob – walang kain, walang tubig, at naliligo sa sariling dumi.
Ang amo ni Jean na si Kaye na mismo ang nagsampa ng kaso sa amo ni Patricia. Handa itongbgumastos ng malaking pera upang pagbayarin ang salbaheng amo ni Patricia. Awang-awa ang lahat ng nakaalam sa kwento ng katulong na si Patricia kaya maraming tulong ang dumating sa dalaga.
Ilang araw nang makita si Patricia sa ilalim ng lababo ay dumating naman ang kaniyang amo. Agad itong hinuli ng mga pulis at pinagbayad sa kasalanang ginawa sa kawawang katulong. Balak pa nitong bayaran ang batas, ngunit dahil kay Kaye, hindi umobra ang maduming laro ng amo ni Patricia. May kailangan itong pagbayaran sa batas, magdusa ito.
“Salamat Jean ah, kung hindi dahil sa’yo baka kinakain na ako ngayon ng uod,” mangiyak-ngiyak na wika ni Patricia sa kaibigan.
“Ayokong isipin na hanggang doon na lang ang buhay mo, Patricia. Mabait kang tao, alam ng Diyos at nakikita Niya ang lahat ng ginagawa mo. Kaya siguro hindi Niya hinayaan ang masamang plano ng amo mo. Salamat rin kay Ma’am Kaye, kung hindi dahil sa tulong niya baka nabalewala rin ang pag-aalala ko noong araw na iyon,” ani Jean at niyakap ang kaibigan.
Hindi karapat-dapat ang mga kasambahay na magkaroon ng salbaheng mga amo. Hindi basta-basta ang isinakripisyo nila. Kinailangan nilang mapalayo sa pamilya nila at kumayod upang suportahan ang kanilang pamilya. Tao rin sila, hindi hayop, kaya itrato sila nang maayos.