Dinala na naman ni Rolly sa ospital ang asawang si Leonora.
“O, Rolly…ang baby natin, Rolly, nawala na naman siya. Kinuha na naman siya sa atin,” umiiyak na sabi ng kaniyang misis.
Pangalawang beses na kasing nawawala ang sanggol sa sinapupunan ni Leonora kaya labis na ang paghihinagpis ng babae.
“Tama na, sweetheart. Makakasama sa iyo ang umiyak,” nag-aalalang sagot ni Rolly.
Pero hindi mapigilan ni Leonora ang mangamba.
“Natatakot ako na baka hindi ulit tayo magkaroon ng baby. Sabi kasi ng doktor, mahihirapan na tayong makabuo,” sambit ng misis.
“Huwag mong isipin iyan, sweetheart. May awa ang Diyos. Bibigyan pa rin Niya tayo ng anak. Manalig ka lang,” tugon niya.
“Bakit tayo ginaganito ng Diyos, Rolly? Ano bang kasalanan natin bakit Niya tayo pinapahirapan?” tanong ni Leonora na hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak.
Napabuntung-hininga na lamang si Rolly, hindi rin niya alam kung ano ang dahilan kung bakit nangyayari iyon sa kanila.
“Ewan ko, sweetheart. Ewan ko, hindi ko rin alam,” aniya.
Nang makatulog ang kaniyang asawa ay palihim siyang umalis sa ospital. Gamit ang sasakyan ay nagmaneho siya, may pupuntahan siya. Hindi niya dapat dayain ang sarili dahil alam niya kung ano ang dahilan ng nangyayari ngayon sa kanilang mag-asawa.
“Hindi ako maaaring magkamali, malamang ay tumatalab na ang sumpa ni Bibeth. Pinagbabayad na niya ako sa aking kasalanan sa kaniya,” wika ni Rolly sa isip.
Si Bibeth ay ang dati niyang kasintahan. Sa una ay naging masaya naman ang kanilang relasyon ngunit napagtanto niya na hindi pala niya masyadong mahal ang babae. Noong panahong iyon ay nakilala niya si Loenora at ito ang mas minahal niya, kaya nagdesisyon siya na makipaghiwalay kay Bibeth. Maayos naman niya itong kinausap ngunit galit na galit ang dating nobya nang malamang gusto na niyang makipaghiwalay. Humantong pa sa punto na isinumpa siya nito.
“Isinusumpa kita, Rolly. Hinding-hindi ka kailanman magkakaroon ng katahimikan. Hinding-hindi ka magiging maligaya, isinusumpa ko!” galit na galit na sabi noon ni Bibeth sa kaniya.
Tandang-tanda niya pa rin ang bawat malulutong na salita na lumabas sa bibig ng dating nobya.
“Galit na galit siya noon kaya niya nasabi iyon pero hindi ko akalain na tatalab na ang sumpang iyon sa akin, sa amin,” napapailing na sabi niya sa sarili.
Sa mga oras na iyon ay hahanapin niya si Bibeth. Hihingi ulit siya ng tawad sa ginawa niya noon. Pinuntahan niya ang address kung saan ito nakatira ngunit…
“Naku, hijo, wala na siya rito. Lumipat na siya ng bahay, pero nag-iwan naman ng forwarding address. Sandali lang at kukunin ko ha?” sabi ng isang matandang babae na baging nakatira sa dating tinitirhan ni Bibeth.
“Salamat po, manang,” aniya.
Matapos na ibigay sa kaniya ang bagong address ng dating kasintahan ay agad niya itong pinuntahan hanggang sa narating niya iyon. Buo na ang loob niya na muling harapin ang babae dahil iyon lamang ang magpapatahimik sa kaniyang kunsensiya.
Sa pagpunta niya roon ay maayos naman siyang hinarap ni Bibeth. Hindi nga makapaniwala ang babae na dumalaw siya.
“B-Bibeth,” sambit ni Rolly.
“R-Rolly? I-ikaw nga ba, Rolly?” gulat na sabi ng babae.
“Ako nga, Bibeth. Wala ka na pala sa dati mong bahay. Ibinigay sa akin nung bagong nakatira roon ang bago mong address,” bungad ni Rolly.
“Oo, matagal na akong wala roon. Dito na ako nakatira ngayon. So what brings you here? Kumusta ka na?” sagot ng dating nobya.
“Mabuti naman ako, ikaw, kumusta na?” tanging naisagot ng lalaki.
“Eto nagpakasal na rin ako last September. May two months old baby na rin ako. Ikaw, ilan na ang anak ninyo ni Leonora?”
“Ganoon ba? I’m happy for you, Bibeth. Mabuti pa kayong mag-asawa, w-wala p rin kaming anak ni Leonora, eh,” malungkot na sagot ni Rolly.
“Wala pa? Bakit naman, Rolly? Ang hina mo naman,” gulat at natatawang sabi ni Bibeth.
Ikinagulat din ni Rolly ang sinabi ng dating nobya.
“H-hindi ka na ba galit sa akin, Bibeth? Ang totoo’y nagpunta ako rito para humingi ulit ng tawad sa nangyari sa atin noon. Dalawang beses na kasing nakukunan ang asawa ko dahil sa sumpang binitawan mo sa akin noon,” hayag ni Rolly.
“Ano? Diyos ko, ikinalulungkot ko ang nangyari sa inyo ni Leonora. Patawarin mo ako, wala akong intensyon na masama. Matagal na kitang napatawad, Rolly, at matagal ko na ring kinalimutan ang nangyaring iyon. Bakit pa ako magagalit sa iyo? Wala nang dahilan para magbitbit pa ako ng sama ng loob. Nagpapasalamat pa nga ako dahil kung hindi tayo nagkahiwalay, hindi ko makikilala ang asawa kong si Desmond. You know, he’s a very wonderful man, at mahal na mahal niya ako. Huwag kayong mag-alala, pagsubok lang ang nangyayari sa inyo ni Leonora. Kami rin naman ni Desmond ay marami ring pinagdaanang hirap bago kami lubusang naging masaya. Hayaan mo, ipagdarasal ko na magkaanak na kayo ni Leonora. Hangad ko ang inyong kaligayahan, Rolly,” wika ni Bibeth.
Hindi napigilan na maluha ni Rolly sa mga sinabi ni Bibeth.
“Maraming salamat, Bibeth. Maraming salamat. Gusto kong makilala ang asawa mo, gusto kong sabihin sa kaniya na napakasuwerte niya dahil ikaw ang minahal niya.”
“Naku, huwag ka ng umiyak diyan, Rolly, pati ako’y pinapaiyak mo rin. Hayaan mo, one time we will invite you and Leonora for dinner para makilala niyo naman si Desmond.”
“I shall look forward to that, and I’m very happy for you, Bibeth,” pangwakas na sabi ni Rolly.
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ni Bibeth, napagtanto ni Rolly na walang sumpa. Ang sumpa ay nasa isip lamang pala nilang mag-asawa. Makalipas ang ilang buwan ay muling nagdalantao si Leonora.
“O, mag-iingat na mabuti, misis ha? Complete bed rest. Huwag na huwag magwo-worry,” payo ng doktor nang magpakonsulta sila.
“Malaki ang pag-asang maka-full term ito, Rolly. Hindi na siguro ito delikado,” masayang sabi ni Leonora.
“Oo, sweetheart. Basta’t mag-iingat ka pa rin,” sagot niya.
Naging maayos ang pagdadalantao ni Leonora hanggang sa maayos din nitong naisilang ang kanilang anak.
“Congratulations, Mr. Reyes! It’s a boy!” wika ng doktor.
“Yahooo! Tatay na ako, tatay na ako!” tuwang-tuwa niyang sabi.
Mula noon ay naging masaya na ang mag-asawang Rolly at Leonora dahil sa pagkakaroon nila ng anak na pinangalanan nilang Joseph.
Ipinakita sa kuwento na ang kasalanang itinatago sa isip ay nagsisilbing multo ng ating buhay, upang magkaroon tayo tayo ng katahimikan, matuto natin itong harapin at tanggapin.