Inday TrendingInday Trending
Labis na Hinangaan ng Lalaki ang Bago Niyang Kapitbahay; ‘Di Niya Inasahan na Mapapa-Ibig Din Siya Nito

Labis na Hinangaan ng Lalaki ang Bago Niyang Kapitbahay; ‘Di Niya Inasahan na Mapapa-Ibig Din Siya Nito

Isang hapon, kararating lang ni Joven mula sa kaniyang pinagtatrabahuhan nang mapadungaw siya at napatingin sa katapat-bahay.

“May bagong lipat pala sa kabila. Aba, napakaganda naman nung babae,” sambit niya sa isip nang makita ang bagong lipat.

Nasa kabilang bahay na ang mga bagong lipat nang ang babae’y mapagawi rin sa may bintana at…

“Nginitian niya ako ng ngiting kay tipid-tipid,” kinikilig pa niyang sabi nang mapansin nakatingin ito sa kaniya.

Maya maya ay tumalikod na ng bintana ang babae ngunit hindi pa rin binabawi ni Joven ang pagkakatingin doon.

“Saan ko man sipatin ay maganda talaga siya.”

Gusto sana niyang magpahinga kahit kaunting oras ngunit hindi siya dalawin ng antok dahil sa bago niyang kapitbahay kaya nanaog siya at nagtungo sa katabing tindahan at nagtanong sa kapitbahay niyang si Aling Doray.

“Hoy, Joven, pinagmamasdan kita kanina, parang ang lagkit ng tingin mo sa babaeng bagong lipat sa tapat ng tindahan ko ha?” natatawang sabi ng ale.

“Kayo talaga, pati iyon ay napansin niyo pa, Aling Doray?” aniya.

“Oo naman, Joven. Sino ba naman ang hindi mapapatingin sa maganda nating kapitbahay. Kanina nga ay nakipagkuwentuhan na ako sa mag-ina na baging lipat diyan. Jessa ang pangalan ng magandang dalaga at Magda naman ang pangalan ng nanay niya.”

“Naku, mabilis pa kayo sa akin ha, Aling Doray! Salamat po sa impormasyon,” tugon niya.

Dahil nalaman na niya ang pangalan ng magandang babae ay saka siya bumalik sa kaniyang bahay at noon lamang nakatulog. Habang natutulog ay hindi maalis sa labi niya ang ngiti.

Kinaumagahan, nakatagpo ni Joven ang babae sa kantong hintayan ng mga sasakyan.

“Ikaw yung bagong lipat sa kabilang bahay, ‘di ba? Ikinagagalak kitang makilala, ako nga pala si Joven,” bungad niya sa babae.

“Hi, ikinagagalak din kitang makilala, Joven. Ako si Jessa. Papasok ka na rin ba sa trabaho?” sagot nito.

“Oo. Sa Ortigas ako nagtatrabaho bilang marketing staff, ikaw, saan ka pumapasok?”

“Sa Ortigas din ako nagtatrabaho, sa isang lending company naman,” tugon ng babae.

Isang dyip ang dumating ngunit isang pasahero na lang ang kailangan nito kaya…

“Una ka na, Jessa. Sa susunod na dyip na lang ako sasakay,” ani Joven.

“Naku, thank you, Joven. Sige ha? Una na ako,” sagot ni Jessa.

Nasa opisina na si Joven ngunit hindi pa rin maalis sa isip niya si Jessa.

“Kung hindi punuan ang dyip kanina sana’y nakasabay ko sana si Jessa. Nakakuwentuhan ko sana nang matagal-tagal,” nanghihinayang sa sabi niya sa isip. “Mamayang gabi’y sasaglit ako sa kanila, dadalawin ko siya,” dagdag pa niya.

Ngunit kinagabihan, kita niyang may bisita si Jessa.

“Ang bilis naman ni Anton! Naroon na kaagad,” wika ni Joven sa sarili nang makitang dumalaw ang kapitbahay niya sa bahay ng babae.

Ilang oras ang lumipas bago nanaog ang lalaki. Napansin niya na masaya ang mukha nito. Napabuntung-hininga na lamang siya.

Hindi nawalan ng pag-asa si Joven, binalak niya ulit na dalawin si Jessa sa bahay nito ngunit hindi siya nagkakaroon ng tiyempo pagkat ginagabi-gabi ni Anton ang pagpunta roon.

Hanggang isang gabi’y nagkausap sina Joven at Anton sa tindahan ni Aling Doray at ikinagulat ni Joven ang sinabi nito.

“Iyon na ang huling dalaw ko kay Jessa para manligaw, pare. Talagang hindi ko siya mapa-ibig, dahil may katipan na raw siya,” bunyag ng lalaki.

“Ha? May katipan na siya?”

Hindi makapaniwala si Joven na may kasintahan na si Jessa kaya nang sumunod na araw ay tinawagan niya ito sa opisina.

“Good morning po. Maaari po bang makausap si Ms. Jessa Capistrano?” bungad niya sa sumagot na operator.

‘Di nagtagal ay sinagot ni Jessa ang tawag niya.

“Hello? Ikaw pala…Ha? Yayayain mo akong lumabas mamayang hapon paglabas ko? Pasensya na, pero hindi puwede, eh, marami akong gagawin pag-uwi ko. Kahit bukas…hindi rin ako available kasi may pupuntahan kami ng boyfriend ko,” sagot nito sa kaniya nang yayain niya itong magkita sila.

Natitigilang tinapos ni Jessa ang pag-uusap nila ni Joven sa telepono.

“Mukhang mabait at mapagkakatiwalaan si Joven. Unang pagkakita ko pa lang sa kaniya’y magaang na ang loob ko. Sayang at huli na,” malungkot na sabi ni Jessa sa isip.

Samantala, maghapong hindi nakapagtrabahong mabuti si Joven kakaisip kay Jessa.

“May katipan nga siya. Tama si Anton, ngunit kukuyumin ko na lamang ba sa dibdib ko ang damdamin kong ito sa kaniya?” malungkot na wika niya sa sarili habang nakatitig lang sa harap ng kaniyang kompyuter.

Kaya kinagabihan, naglakas loob na siya na sabihin kay Jessa ang nararamdaman niya.

“Sorry, pero may boyfriend na ako, Joven,” tahasang sabi ng babae sa kaniya.

“H-hindi na ba maaaring magbago ang isip mo? Hayaan mong magpatuloy akong umasa sa iyo hangga’t hindi ka nakakasal sa nobyo mong sinasabi,” hayag niya.

“I-ikaw ang bahala, Joven,” tanging tugon ni Jessa.

Mula noon ay hindi nga tumigil si Joven sa pagdalaw kina Jessa na ang laging baon sa pag-alis niya’y kabiguan.

“Hindi ako susuko. Magbabakasakali akong maibig niya kahit na kaunti,” sambit ni Joven sa sarili.

Kahit bago siya matulog ay si Jessa pa rin ang laman ng isip niya.

“Bakit ba labis kong iniibig si Jessa? Wala rin naman mararating ang pagbabakasakali ko kundi lubusang kabiguan.”

Isang gabi, pagdungaw niya sa bintana ay may nakita siyang lalaki na kausap ng babaeng iniibig niya.

“Sino ang lalaking kausap ni Jessa? Ngayon ko lamang siya nakita. Baka siya ang sinasabi ni Jessa na katipan niya,” bulong niya sa isip.

Hindi na niya natagalan at tumalikod na sa bintana.

“Nakangiti ‘yung lalaki at mukhang masaya, pinag-uusapan na kaya nila ang kanilang kasal?”

Nang sumunod na gabi ay pumunta ulit si Joven sa bahay nina Jessa.

“Yung bisita mo kagabi, siya ba ang sinasabi mong katipan?” tanong niya.

Bumuntung-hininga muna ang babae bago nagsalita.

“Oo, Joven. Siya nga. Siya si Ernest at matagal ko na siyang hinihintay na pumarito. Noon ko pa nararamdaman na pinanlalamigan na siya ng damdamin sa akin. Kaya siya pumunta rito kagabi ay para makipagkalas na sa akin. Tinanggap ko ang gusto niyang mangyari ‘pagkat wala naman akong dapat na ipaghabol sa kaniya dahil noon pa’y pinanlalamigan na rin ako ng damdamin sa kaniya,” bunyag ni Jessa.

Sa ipinagtapat ni Jessa ay nagkaroon ng kislap sa mga mata ni Joven. Nagagap niya ang kamay ni Jessa na hindi naman tumutol.

“Kung gayon, may pag-asa na ako? May pagkakataon na ba ako na mapalapit diyan sa puso mo, Jessa?” tanong niya sa masayang tono.

“Noon pa, Joven. Unang pagkakita ko pa lamang sa iyo ay may pagtingin na rin ako sa iyo. Mahal din kita,” tugon ni Jessa.

“O, pinasaya mo talaga ako, Jessa. Mahal na mahal kita,” sambit pa ni Joven saka niyakap nang mahigit ang babaeng pinakamamahal niya.

Tuwang-tuwa ang puso ni Joven dahil nalaman niyang pareho pala sila ng nararamdaman ni Jessa sa isa’t isa. Masasabi niya na sila talaga ang itinadhana.

Advertisement