Inday TrendingInday Trending
Alang-alang sa Trabaho

Alang-alang sa Trabaho

“Rita, balita ko baka mapalitan ka na raw ni Dylan. Puro palpak ka raw ngayong buwan eh. Naiinis na raw si Boss sayo. Hindi raw siya makapagtrabaho ng maayos kapag ikaw ang katuwang. Mas mabuti raw kung nagpapahinga kana muna bilang kanang kamay niya,” nguso ni Kyla sa kanyang katrabaho.

“Ha? Hindi maaari yon! Hindi ba dalawang linggo pa lang nagtatrabaho sa atin yung babaeng iyon? Paanong siya ang papalit sa akin? Saka hindi ko naman kagustuhan yung mga kapalpakan ko, dahil rin iyon sa mga business partners ng kompanya natin!” inis namang depensa ni Rita, bakas sa mukha niya ang pagkadismaya sa narinig na balita.

“Yun ang hindi ko alam, Rita. Narinig ko lang ‘yun sa usapan ng ibang nakatataas. Malay mo naman hindi matuloy. Basta ipakita mo lang yung lahat ng makakaya mo ngayon para hindi ka masisante. Iba rin kasi ang kagalingang mayroon ang dalagang iyon,” pagpapaliwanag naman ng katrabaho, saka tinapik-tapik ang balikat ng dalaga.

“Nakakainis naman yan!” sigaw naman ng dalaga at saka umalis sa silid.

Tatlong taon nang nagtatrabaho sa nasabing kompanya bilang sekretarya si Rita. Sa loob ng tatlong taong iyon, ginawa niya ang lahat upang mapanatili ang posisyon, dahil sa ganda ng sweldo. Ngunit tila nangamba siya noong dumating ang isang kaka-graduate lamang na dalaga dahilan para pumalpak siya sa kanyang trabaho. Tumaas rin kasi ang ekspektasyon sa kanya ng kanilang boss kaya ganoon na lamang siya natataranta.

Mas lalo pang tumindi ang kanyang pagkadismaya nang malaman ang kagustuhan ng kanilang boss na ipalit sa kanya ang bagong empleyado. Kaya naman ginawa niya ang lahat upang mapabagsak ito at mapanatili ang kanyang posisyon.

Ang dalagang si Rita ang siyang umaalalay sa kanya sa kanyang trabaho, kaya madali na lamang para sa kanya na siraan ito. Madalas ibinibigay niya sa dalaga ang mahihirap na gawain katulad ng pagsusulat ng mga napag-usapan sa mga meeting ng kanilang boss. Ngunit tila sumobra na ang kagustuhan niyang masisante ito.

Pinapunta niya si Dylan sa isang bigating meeting kasama ang kanilang boss. Binilinan niya ito na isulat ang mga mahahalagang detalyeng napag-usapan at ilagay sa kanyang lamesa.

Sinunod naman ito ng dalaga ngunit nang makita niyang inilagay na nito ang dokumento sa kaniyang lamesa, patago niya itong itinago at sinabing walang pinapasa ang dalaga sa kanya. Kaya naman labis na lamang ang pagkadismaya ng kanilang boss sa bagong empleyado.

“Ms. Rita, ‘di ba po ipinatong ko dito sa lamesa niyo yung papel na naglalaman ng mga importanteng detalye noong meeting namin ni Boss? Galit na galit po kasi siya sakin. Kailangan niya raw po yun. Hindi raw po ‘yun pwede mawala kundi mapipilitan siyang tanggalin ako…” mangiyak-ngiyak na sambit ni Dylan.

“Hay, Dylan, wala kang inilagay sa lamesa ko. Kung mayroon man sana naipasa ko na kay Boss iyon. Pati kaya ako nasermonan din!” sagot naman ni Rita, dahilan para magsimula nang umiyak ang dalaga.

Lumipas ang ilang araw at tila hindi na nagpakita sa kompanya ang bagong empleyado. Napanatag naman si Rita sa pangyayaring ito, sabi niya pa, “Mukhang umaayon sa akin ang tadhana ha. Mapapatagal pa ata ako sa trabaho. Wala naman kasi silang mahahanap na kasing galing ko.” Ngunit laking gulat niya nang lumapit sa lamesa niya ang kanilang boss at binuksan ang isa sa mga drawer niya sa lamesa.

“Hindi ba ito ang hinahanap kong dokumento kay Dylan?” paninigurado nito, namutla naman sa takot ang babae.

“Ay, o-opo. Paano kaya napunta yan dito sa drawer ko?” kunwaring tanong niya habang kinakamot ang ulo.

Tumigil naman ang mundo niya nang ipapanood sa kanya ng boss niya ang CCTV video ng kompanya. Kitang-kita niya ang kanyang sarili kung paano niya inilagay ang dokumentong inilagay ng bagong empleyado sa kanyang drawer.

“S-sir magpapaliwanag po ako…” nauutal-utal niyang sagot.

“Ms. Rita, hindi makakatulong sa pag-unlad ng kompanya ko ang isang katulad mong hinihila pababa ang isang bagong empleyado, dahil lang sa maari ka nitong maungusan.

Balak ko lamang na pagpahingahin ka dahil nga nakikita ko ang pagod mo sa kompanya kaya tinanggap ko siya at ilagay ka sana sa mas mataas na posisyon, pero simula noong nagtrabaho siya dito, tila nag-iba ang ugali’t trabaho mo.

Hindi ko mahahayaang manatilo ang ganitong pamamaraan sa kompanya ko, pasensya ka na…” puno ng awtoridad na sambit ng lalaki, wala namang nagawa ang dalaga kundi umiyak at magsisi sa kanyang ginawa.

Tuluyan ngang natanggal sa trabaho ang dalaga dahil sa kanyang ginawa. Masakit man para sa kanya ang pangyayari, natauhan naman siya dahil dito at ipinangako sa sariling magbabago na siya. Nag-umpisa siya muling maghanap ng trabaho at sinigurado niya sa pagkakataong ito, na hindi na muli siya gagawa ng masama sa katrabaho para lamang mapanatiling nasa taas.

Mas mabuti nang gawin mo ang lahat ng iyong makakaya upang tumaas kasya hilahin pababa ang iba. Hindi biro ang karma, matakot ka!

Advertisement