Inday TrendingInday Trending
Anak, Nasaan Ka na?

Anak, Nasaan Ka na?

“Mario, nasaan na kaya yung anak natin ngayon no? Labing tatlong taon na ang nakalipas noong mawala siya. Sana nasa maayos siyang pamilya. Sana pinalaki siya ng maayos, ano?” sambit ni Aling Julia nang minsang maalala ang kanilang nawawalang anak.

“Oo nga eh, sigurado ako masama ang loob niya sa atin,” matipid na tugon ng kanyang asawang si Mang Denver.

“Naku, sana naman ay hindi. Ginawa naman natin ang lahat para mahanap siya. Pumunta tayo kung saan-saan. Nangutang tayo para makapunta sa malalayong lugar kung saan tayo tinuturo ng mga tao, pero wala pa rin eh. Siguro itinadhana talagang mabuhay siya sa ibang pamilya. Kung may nakakuha nga sa kanya at kung buhay pa siya,” sabi ng ginang habang malayo ang tingin sa kanilang bintana, tila lubos siyang nagsisisi sa pagkawala ng anak.

“Kung may sapat lang talaga tayong pera, malaki ang porsyentong makakapiling ulit na natin siya. Pero alam mo, hindi pa naman huli ang lahat eh. Malay mo naman, makita pa natin siya,” pagbibigay lakas loob naman ng kanyang asawa saka siya mahigpit na niyakap.

Limang taong gulang pa lamang ang kanilang anak na si Julian nang mawala ito sa palengke noong araw ng kapistahan sa kanila. Bigla siyang nabitawan ng kanyang ama habang nakikipagsiksikan sa dagsa ng tao dahilan para hindi na siya muling matagpuan.

Ginawa nila ang lahat upang mahanap ang kanilang anak. Nagpaskil sila ng mga karatulang nawawala ang kanilang anak kung saan-saan. May mga nagsasabing nakita raw nila ang bata sa isang lugar, agad naman nila itong pinuntahan kahit pa malayo. Ngunit pagdating nila sa nasabing lugar, ika ng mga tao doon, may amerikano raw na umampon sa bata at dinala sa ibang bansa.

Labis ang kanilang kalungkutan noong mga araw na iyon. Hindi nila matanggap ang biglaang pagkawala ng kanilang anak. Pakiramdam nila wala silang kwentang mga magulang.

Ngunit kahit pa ganoon pinilit ng mag-asawang magpakatatag. Hindi man nila mahabol ang kanilang anak, patuloy naman silang nananalig na nasa mabuti itong mga kamay.

Isang araw habang abala sa pagdidilig ng halaman si Aling Julia, may biglang lumapit sa kanyang lalaki. Mataas ito kaysa sa kanya, may kaputian ang balat at malapad ang balikat.

“Sino pong kailangan nila?” tanong niya sa lalaking nakatingin lamang sa kanya.

“Kilala niyo po ba si Julia at Denver Inocencio?” tanong ng lalaki, tila hirap itong magsalita ng tagalog.

“Ah, ako iyon at ang asawa ko, bakit hijo?” tugon ng ginang, habang patuloy sa pagdidilig.

“M-mama…” mautal-utal na sabi ng lalaki, agad namang napatigil ang ginang sa pagdidilig saka dahan dahang napatingin sa lalaki. Pilit niya itong minukhaan at nagsimula nang tumulo ang kanyang luha.

“K-kay tagal ka naming hinanap, anak…” mga unang salitang lumabas sa bibig ng ginang nang malamang nasa harapan na niya ang nawawala niyang anak. Agad naman siya nitong niyakap.

Agad na binalita ng ginang sa asawa na umuwi na nga ang kanilang anak. Umuwi naman ito agad at masayang-masayang sinalubong ang anak.

Doon rin ay nagkwentuhan na sila sa mga nangyari nang minsang mawala ang binata. Humingi ng tawad ang mag-asawa sa anak. Laking tuwa naman ng mag-asawa nang malamang hindi masama ang loob ng anak sa kanila.

“Alam ko naman pong ginawa niyo ang lahat para mahanap ako. Ang kaso lang, dinala ako ng mga nakapulot sa akin sa Canada kaya po naiintindihan ko kayo. Nag-ipon nga po ako para makauwing Pilipinas at makita kayo,” nakangiting ika ng kanilang anak saka sila mahigpit na niyakap, “Sobrang na-miss ko po kayo,” iyak nito sa kanila.

Buti na lamang talagang mabubuting tao rin an nakapulot sa kanilang anak. Inalagaan ng mga itong mabuti si Julian, pinag-aral at binigyan ng magandang buhay. Ngunit hindi pa doon nagtatapos ang kanilang kabutihan, hinayaan rin nila ang binata na ibigay sa kanyang mga tunay na magulang ang pagkakataon na muling makasama ito.

Ipinaayos ng binata ang bahay na tinitirhan ng kanyang mga tunay magulang. Binili rin niya ang mga ito ng bigas at mga grocery items na kinakailangan ng mag-asawa sa pang-araw-araw.

Nangako rin ang binata na magsisipag sa Canada upang makapagpadala sa kanila. Dahil sa hirap ng buhay, napagpasyahan rin ng binata na manatili sa ibang bansa at doon magtrabaho upang matulungan ang kanyang mga magulang. Pero sinigurado niya na muli siya babalik sa Pilipinas upang mag bakasyon ng mas matagal, nang sa ganoon ay mahaba ang panahon na makakasama niya ang tunay na mga magulang.

Labis na lamang ang kasiyahang bumalot sa puso ng mag-asawa. Ipinakita rin nila an labis na pasasalamat sa kumupkop sa kanilang anak at syempre sa Maykapal dahil hindi nito pinabayaan ang binata.

Tunay nga namang walang imposible kapag ang tadhana na ang kumilos.

Advertisement