Inday TrendingInday Trending
Sa Likod ng Mabibigat na Kamay

Sa Likod ng Mabibigat na Kamay

“Umuwi ka doon! Wala ka nang ibang ginawa kung ‘di maglaro sa ilalim ng sikat ng araw! Hindi mo man lang tulungan ang nanay mo na maglaba ng mga damit mo! Wala ka talagang silbi!” sigaw ni Mang Rodolfo sa anak tsaka ito hinampas ng patpat sa pwet. Agad namang napahiyaw sa sakit ang binata.

“Tay, tama na po! Kakalabas ko lang naman po!” pagpapaliwanag ni Ernesto sa kaniyang tatay ngunit tila mas lalo pa itong nagalit sa kaniya.

“Aba, sumasagot ka pa? Umuwi ka doon! Hindi ka na nahiya ang laki-laki mo na naglalaro ka pa dito!” bulyaw ng ama tsaka hinampas ulit ng patpat si Ernesto na natamaan sa bandang likuran. Napahiyaw naman ang binata sa sakit na naramdaman.

Nagsimula na namang magbulungan ang kanilang mga kapitbahay na agad namang sinigawan ni Mang Rodolfo. “Ano? Masaya na naman kayong makita na pinalo ko na naman ang anak ko? Hala, sige, pagpiyestahan niyo kami!” Bigla namang nagsialisan ang mga tsismosang nanonood sa gilid.

Kilala sa pagiging istrikto si Mang Rodolfo. Palagi niya kasing hindi pinapayagan ang kaniyang anak na makipaglaro sa mga bata sa kanilang lugar noon pa man. Ngunit tila matigas talaga ang ulo ng kaniyang anak dahil kahit pa binata na ito ay hindi niya pa rin ito maawat sa paglalaro.

“Ikaw, Ernesto, ha. Binata ka na pinapahirapan mo pa akong magsaway nang magsaway sa’yo! Napakatigas talaga ng ulo mo! Wala ka na ngang silbi dito sa bahay puro sakit pa sa ulo ang ibinibigay mo sa akin! Kailan ka ba magtitino ha?” sermon ni Mang Rodolfo sa binatang umiiyak habang nagsasampay ng mga damit. Wala namang magawa ang ina ni Ernesto kung ‘di pakalmahin ang kaniyang asawa.

“Tay, matino naman po ako, eh. Tumutulong naman po ako dito sa bahay. Naghuhugas, naglalaba. Kapag wala si nanay nagluluto. Pero bakit lagi niyo po akong pinipigilang maglaro?” hindi na nakapagtimping sagot ng binata.

“Tumigil ka nang kakasagot sa akin! Makakatikim ka na talaga ng kamao!” bulyaw ng ama upang mapatahimik na ang nagmamaktol na anak.

Ngunit tila hindi talaga papaawat sa paglalaro ang binata. Kinahapunan ay patagong tumakas si Ernesto para makipaglaro ng basketbol sa mga kabataang naglalaro sa may tambakan.

Nang mapansin ng Mang Rodolfo na wala na naman ang kaniyang anak ay agad na nag-init ang ulo nito. Kumuha siya ng dos por dos at pinuntahan ang anak sa tambakan. Doon ay nakita niya ngang naglalaro ang anak. Agad niya itong nilapitan at hinambalos ng hawak niyang kahoy ngunit tila napuruhan niya ang binata dahilan para bumagsak na lamang ito at mawalan ng malay.

“Diyos ko! Anak ko! Tulungan niyo ako! Ang anak ko!” sigaw ni Mang Rodolfo habang karga-karga sa kaniyang bisig ang walang malay na anak.

Agad naman siyang nilapitan at tinulungan ng mga kalaro ng anak at dinala ito sa pinakamalapit na ospital. Sa kabutihang palad ay hindi naman ganoon kalala ang tama ng anak ni Mang Rodolfo. Bahagya lamang niyang napuruhan ang bandang likuran nito dahilan para mawalan ito ng malay. Agad niyang niyakap ang anak nang magkamalay ito.

“Anak ko, pinakaba mo ako. Akala ko mawawala ka dahil sa’kin.” iyak ni Mang Rodolfo habang hawak ang kamay ng anak.

Bahagya namang iniwas ng binata ang kaniyang kamay kaya ipinaliwanag ng ama ang dahilan kung bakit nito pinaghihigpitan ang anak

“Anak, ayoko lang namang mahusgahan ka nila katulad ko at damdamin mo iyon. Noong bata pa ako ay sinasabihan nila akong matanda na tuwing naglalaro ako noon. Na hindi ako magtatagumpay sa buhay. Hindi ko alam kung bakit dinibdib ko iyon. Ayokong mangyari sa iyo ‘yon. Ngunit sa kagustuhan kong hindi mo maranasan iyon nalagay ko sa panganib ang buhay mo. Patawarin mo ang tatay, anak.” hagulgol ni Mang Rodolfo.

Nagulat ang lalaki nang bigla siyang yakapin ng anak.

“Kaya naman pala ganoon ka na lang kahigpit sa akin, tay. Ngayon naiintindihan ko na. Pangako gagawin kong inspirasyon iyong mga panghuhusga nila upang magtagumpay tayo sa buhay.” sambit ng binata sa kaniyang tatay tsaka niya tinapik-tapik ang likuran nito.

Ang pangyayaring iyon ang naging dahilan upang maayos ang relasyon ng mag-ama na tila napuno ng lamat. Tinupad ng binata ang kaniyang sinabi sa kaniyang tatay. Nagpursigi siya sa pag-aaral at nang makapagtapos ay agad siyang humanap ng trabaho sa Maynila.

Hindi niya inalintana ang mga tsismis na naging dahilan upang bumagsak ang kaniyang ama. Dahil sa determinasyong taglay ay agad nakakuha ng magandang trabaho si Ernesto at unti-unti nang nakakatulong sa kaniyang mga magulang.

Sa lahat ng mga aksyong ating ginagawa lahat ng ito ay may pinag-ugatang pangyayari. Mangyari lamang na maging maingat tayo at harapin ang responsibilidad na kaagapay nito.

Advertisement