Inday TrendingInday Trending
Mahal Ko ang Apo Niyo, Peksman

Mahal Ko ang Apo Niyo, Peksman

Kumaripas nang takbo ang magkasintahang Lydia at Santino habang bitbit nila ang mga gamit ng dalaga. Magtatanan ang dalawa. Humahangos sila na magkahawak ang mga kamay upang takasan ang napakaraming bodyguards ng dalaga na itinalaga mismo ng lola nito upang hindi ito makatakas.

Balak kasing ipakasal ni Donya Alma si Lydia sa apo ng kaniyang business partner. Hindi niya gustong makatuluyan ng kaniyang apo ang nobyo nito dahil mahirap lamang ito. Ngunit hindi makapapayag si Santino na makasal sa iba ang dalaga. Mahal na mahal niya ang babae kahit pa ayaw sa kaniya ng pamilya nito.

Matapos itanan ni Santino si Lydia ay itinira niya ito sa isang apartment. Doon ay panandalian silang nagsama. Ang akala ng dalawa ay wala na silang aalalahanin pa ngunit hindi pa pala nagtatapos ang kanilang kalbaryo.

Dahil sa dami ng koneksyon ni Donya Alma ay walang mahanap na trabaho si Santino. Hinaharang ng matanda ang pagtanggap sa lalaki sa lahat ng kompaniyang in-applyan nito kaya nga ganoon na lang ang panlulumo ng magkasintahan dahil halos wala na silang makaing dalawa dulot ng ginagawang pagpapahirap sa kanila ng matandang matapobre.

“Babalik na lang ako sa amin, mahal, para hindi ka na pahirapan ni lola,” umiiyak na sabi ni Lydia kay Santino. Labag man sa kalooban ng babae ang kaniyang sinabi ay iyon lang ang tanging paraang nakikita niya para matigil na ang pagdurusa nila.

“Kakayanin ko kung ako lang. Pero kung pati ikaw kasama kong malalagutan ng hininga dahil sa gutom mas gugustuhin ko na ikasal ka sa iba basta’t maging maayos lang ang buhay mo. Mahal na mahal kita, Lydia,” sagot naman ni Santino.

Nang gabing iyon ay halos hindi na sila humiwalay mula sa pagkakayakap sa isa’t isa. Kung maaari lang sana na manatili na lang silang ganoon ay ginawa na nila. Nahiling pa nila na sana’y tumigil na lang ang oras.

Puno ng hinagpis ang kanilang naging paghihiwalay dahil sa patuloy na paghadlang ni Donya Alma sa kanilang pagmamahalan ngunit ang pag-ibig nilang dalawa ay napakapuro kaya naman kahit anong gawin ng maatanda ay nakakagawa sila ng paraan para magkita.

Dahil dito isang masamang balak ang nabuo sa isipan ng donya.

“Iligpit niyo ang bwisit na Santinong iyan! Isa siyang perwisyo!” utos ni Donya Alma na talagang nakapagpanginig kay Lydia nung aksidente niya itong marinig pagdating niya sa kanilang bahay mula sa pakikipagkita niya sa kaniyang nobyo.

Agad na sinabi ni Lydia ang kaniyang nalaman sa kasintahan upang ito’y lumayo at hindi na mapahamak pa ngunit maging ang kam*tayan ay handang harapin ng binata para sa kaniya.

“Mahal, nakikiusap ako sa iyo. Umalis ka na! Iwan mo na lang ako,” umiiyak na pagsusumamo ni Lydia sa binata ngunit mariing iling lang ang isinagot ni Santino.

Nasa harapan sila ngayon ng mansyon ni Donya Alma. Sumigaw ng malakas si Santino.

“Donya Alma, nandito na ho ako! Hindi na ninyo ako kailangang hanapin pa para ipaligpit. Ako na mismo ang pumunta dito para patunayan kung gaano ko kamahal ang inyong apo!” hiyaw ng lalaki na lalo pang nagpahagulgol ng matindi kay Lydia.

Samantala, hindi naman makapaniwala si Donya Alma sa narinig. Gulat na gulat siyang handang harapin ni Santino ang anumang mangyayari sa kaniya para lang sa kaniyang apo. Hindi niya akalaing ganito pala katindi ang pagmamahal nito na handa itong mawala sa mundo mapatunayan lang hanggang sa huling sandali ang pagmamahal nito kay Lydia.

Doo’y tila natauhan ang matanda. Bakit niya pa kailangang pumili ng ipapakasal kay Lydia para lamang pahirapan ang dalawa? Gayong mali pala ang inaakala niya na pera lang ang habol ng binatang si Santino sa kaniyang apo.

Sa pagkakataong iyon ay lumabas ang donya na umiiyak upang harapin ang magkasintahan. Labis-labis ang pagsisising nararamdaman niya at kasabay nito ay umusbong din ang paghanga niya para kay Santino dahil wagas ang pag-ibig nito sa kaniyang apo. Pakiramdam niya’y bumalik siya sa kaniyang nakaraan kung saan may isang lalaki na handa rin siyang ipaglaban tulad ng ginagawa ngayon ng binata para sa kaniyang minamahal. Ito ay walang iba kung ‘di ang lolo ni Lydia.

Naantig ang puso ni Donya Alma. Humingi siya nang kapatawaran sa dalawa at sa huli’y pinayagan niya na pormal nang manligaw si Santino sa kaniyang apo.

Hindi pa doon nagtatapos ang pagpapakatotoo ni Santino. Naghanap ito ng trabaho at bumalik sa kolehiyo upang patunayang kaya niya ring umangat sa buhay kahit pa galing siya sa hirap.

Sa totoo lang ay napakasuwerte ng apo niyang si Lydia kay Santino kaya’t masaya si Donya Alma na natauhan siya bago pa man mahuli ang lahat. Ngayon ay nakikinita na niya ang maganda at masayang kinabukasan ng apo sa piling ng lalaking ito.

Advertisement