Inday TrendingInday Trending
Sikretong Raket

Sikretong Raket

“Mama, ito po kaunting pera pandagdag sa pananghalian natin,” sambit ni Ronnie sa kanyang inang katatapos lamang maglaba.

“O anak, may pera ka na naman? Hindi pa swelduhan ngayon ah? Itago mo na iyan pandagdag sa baon mo. Hindi na nga kita nabibigyan ng baon eh, tapos bibigyan mo pa kami ng pangkain. Itabi mo na iyan para makaipon ka sa pagtatrabaho mo,” sagot naman ng ginang habang isinasalansan ang mga nilabhang damit sa sampayan.

“Ayos lang po mama, kasya pa naman po ang pera ko pangbaon ko sa loob ng isang linggo,” depensa naman ng binata, saka pinilit ang kanyang ina na kunin ang inaabot niyang pera.

“Saan galing ang pera mo, anak? Wala pang katapusan diba? Hindi pa rin naman kalagitnaan ng buwan para sumweldo ka. Bumwelta ka ba kay Aling Perly?” pag-uusisa ng ale sa binata, tila nagtataka ito kung saan galing ang pera ng anak.

“Basta po mama, ako pa ba? Parang hindi niyo naman po ako kilala,” natatawang sagot ni Ronnie. “O sige na po mama, papasok na po ako. Mamaya po pala ay medyo gagabihin ako ng uwi, pinag-oovertime po ako ni Aling Perly eh,” paalam ng binata sa kanyang ina at saka siya tuluyang umalis.

Panganay sa tatlong magkakapatid si Ronnie. Kasalukuyan rin siyang nasa ikalawang taon sa kolehiyo kaya naman todo kayod siya upang itaguyod ang sarili na makapagtapos. Pumasok siya bilang isang waiter sa lugawan ni Aling Perly at kung minsan kapag may mga takdang-aralin o proyekto sa paaralan, inaalok niya ang kanyang mga kamag-aral na siya na ang gagawa kapalit ng maliit na halaga. Ito ang dahilan kaya nakakaipon ang binata at nakakapagbigay ng pera kahit papano sa kanyang ina.

Isang kasambahay kasi ang kanyang ina at kung minsan naman tuwing wala itong pasok, tumatanggap ito ng mga labada upang ipandagdag sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Tila mapaglaro talaga ang tadhana, dahil hindi inaasahang natanggal sa trabaho ang kanyang ina kamakailan lang. Napagbintangan itong kumuha ng pera, dahilan para masisante siya. Dumalang na rin ang mga nagpapalaba, dahil naging usap-usapan na baka raw magkulang ang kanilang mga damit kapag ipinalaba pa sa ale.

Labis ang dinamdam ito ng ale. Madalas naaabutan ni Ronnie ang kanyang ina na umiiyak sa pagtulog. Kaya naman upang mapagaan ang kalooban ng ina, inaabot niya dito ang mga kinikita niya sa paggawa ng mga takdang-aralin ng kaklase.

Pero isang araw tila tumigil ang mundo ng binata nang minsan siyang mahuli ng kanyang guro na gumagawa ng takdang-aralin para sa mga kaklase. Agad siya nitong kinausap at pinangaralan.

“Ronnie, wala namang kaso sakin kung gusto mo kumita habang nag-aaral ka, ngunit ginagawa mong tamad at iresponsable ang iyong mga kaklase sa tuwing ginagawa mo ang kanilang takdang-aralin.

Napapansin ko rin na minsan ikaw pa ang walang naipapasa dahil sa kanila. Maaaring nababayaran ka nga nila, ngunit napapabayaan mo naman ang sarili mo,” sermon ng guro sa binata, nakatungo lamang siya at tila napapa-isip.

“Maaari ka namang kumita nang hindi naaapektuhan ang pag-aaral mo at ng mga kaklase mo. Alam ko namang gusto mong tumulong sa nanay mo. Maganda siguro kung magtinda ka ng mga pananghalian o kahit anong mga pagkain, tutulungan kita,” alok naman ng guro, dahilan para mapaluha ang binata.

Tinulungan nga ng kanyang guro ang binata. Maaga silang nagkikita upang maghanda ng mga paninda. Pinakiusapan na rin nito ang mga nakakataas upang pahintulutang magtinda ang binata sa loob ng paaralan. Saktong tuwing lunch break ng mga estudyante, inilalako ng binata ang kanyang mga paninda sa buong paaralan. Sa kabutihang palad naman, araw-araw itong nauubos, kaya napakalaking tulong nito para sa kanilang mag-ina.

Ikinuwento na rin ng binata ang kanyang sikretong raket sa kanyang ina. Sobra naman itong natuwa sa determinasyong mayroon ang anak.

“Hindi ko akalain na lalaki kang ganyan kasipag anak. Salamat, kasi kahit nag-aaral ka pa natutulungan mo na agad ako. Pero tama rin ang guro mo, hindi mo kailangang gawin ang mga takdang-aralin ng iba para kumita, parang tinuruan mo na rin kasi silang maging tamad kahit hindi mo intensyon,” mahinahong pahayag ginang, at saka mahigpit na niyakap ang anak.

Nagpatuloy ang pagtitinda ni Ronnie ng pananghalian sa kanilang paaralan. Tumigil na rin muna siya sa pagpasok sa lugawan upang matutukan ang kanyang pag-aaral. Kaya naman labis ang saya ng kanyang guro na wala pa rin sawang tumulong sa kanya.

Hindi nagtagal tuluyan nang nakapagtapos ng pag-aaral ang binata. Napagdesisyunan niyang magtayo ng maliit na kainan sa may gilid ng paaralan. Dahil nga sa kilala na sa paaralan ang mga lutuin niya, wala pang dalawang taon, nakapagpatayo na siya ng sariling restawran. Hindi pa rin natatapos ang suporta ng guro dahil hanggang sa ngayon, tinutulungan niya pa rin ang binata sa pamamagitan ng pagiging isa sa mga suki nito.

Kung minsan sa kagustuhan nating makatulong sa pamilya, hindi natin sinasadyang makaapekto sa iba. Ngunit ang mahalaga ay kung paano tayo matututo at maitama ang mga pagkakamaling iyon.

Advertisement