Inday TrendingInday Trending
Para Sa’yo Mama

Para Sa’yo Mama

Pangarap ni Miles noon pa man ang maging isang sikat na singer, kaya sa kahit saang kompetesiyon ay sumasali siya. Manalo man o matalo, hindi pa rin siya sumusuko. Naniniwala si Miles na darating ang araw na matutupad niya rin ang kaniyang pangarap. At syempre kasama niya lagi ang kaniyang Mama Julie sa lahat ng laban.

Ang kanyang ina ang pinakaunang taong naniwala sa kakayahan niya. Ito rin ang nagpapalakas ng loob niya lalo na kapag pinanghihinaan na siya at nawawalan na ng pag-asa. Kung masaya siya ay mas masaya ang kaniyang mama. Kaya ginagawa niya ang lahat para dito.

“I love you, Ma,” mahina niyang sambit at mahigpit itong niyakap.

“I love you too, anak,” nakangiting tugon naman nito sabay yakap nang mahigpit.

“Salamat Mama, ah? Kasi hindi mo ako iniiwan. Lagi kang nakasuporta sa’kin at naniniwala sa galing ko,” malambig na sambit ng dalaga.

“Kasi alam kong balang araw ay makakamit mo ang pangarap mo anak. Hindi nga lang ganun kadali, pero darating ang panahon na makakamit mo rin iyon, dahil magaling ka at kahit anong manyari ay nandito lang lagi si Mama,” wika naman ng ina habang naglalambing din.

Muli na naman siyang sumali sa isang sikat na kompetisyong nakikita sa telebesiyon. Habang kumakanta sa gitna ng entablado ay wala siyang kaalam-alam na inaatake na ng high blood ang kaniyang mama sa likod ng stage. Agad naman itong nabigyan ng paunang lunas at nadala ng ospital, ngunit masama pa rin ang lagay nito. Pumutok pala ang ugat sa ulo nito at ngayo’y nasa comatose state na. Kung wala ang mga aparatong katawan nito’y baka wala na ang kaniyang mama.

“Ma, lumaban ka ah? Alam mo bang nanalo ako, Ma? Lalaban na naman tayo sa next round papuntang finals at sisiguraduhin ko na ako ang magiging champion, kaya dapat magising ka na at magpagaling, kasi hindi pwedeng hindi kita kasama. Alam mo naman na ikaw ang lakas ko ‘di ba? Kaya dapat huwag kang sumuko!” naluluhang saad ng dalaga habang nakahawak sa kamay ng ina.

Dumating ang araw ng kaniyang laban. Ang ate niyang si Miya ang kaniyang kasama, dahil ang Kuya Manny niya at ang kaniyang papa ay binabantayan ang kaniyang mama.

Inihandog niya ang kantang Wind Beneath My Wings, para sa kaniyang inang nag-aagaw buhay sa hospital. Madamdamin niyang kinanta ang naturang kanta, dahil sabik na sabik na siyang masilayan muling nakangiti ang kaniyang ina.

Si Miles ang hinirang na kampiyon sa laban kaya masayang-masaya siya, ngunit dagli ring nawala ang sayang iyon nang maaalala niya ang kaniyang mama. Agad siyang pumunta sa ospital upang makita ang kaniyang mama, suot-suot ang gown at hawak-hawak ang tropeo.

Nais niyang ibalita rito ang nakamit na tagumpay. Ngunit nang marating ang kwarto nito ay agad siyang napahagulgol ng iyak nang makitang nakatakip na ito ng puting kumot at wala na ang mga nakakabit na aparato sa katawan.

“Ma…” humahagulohol niyang tawag rito. “Nanalo ako, Ma! Nanalo tayo! Pero bakit mo kami iniwan Ma?!” panay ang kaniyang iyak habang yakap-yakap ang malamig na nitong katawan.

“Sino na ang sasama sa’kin sa lahat ng laban ko? Sino na ang magpapalakas ng loob ko kapag pinanghihinaan na ako? Sino na ang yayakap sa’kin ng mahigpit lalo na kapag natalo ako? Ma, sino na ang makikipaghati sa’king kumain sa karinderya kasi nagtitipid tayo?

Sino na ang kasabay kong maglakad pauwi, kasi wala na tayong perang pamasahe? Sino na, Ma? Miss na miss na kita mama…” patuloy niya sa pag-iyak. “Mahal na mahal kita mama, para sa’yo ang lahat ng laban ko. Pero paano mo pa iyon makikita ngayong wala ka na?” labis na paghagulgol ni Miles.

Lumipas na ang maraming taon mula noong iniwan sila ng kaniyang mama, ngayon ay isa na siyang sikat na singer. Bukod sa pagkanta ay pinasok na rin niya ang pag-aartista.

Natupad na niya ang kaniyang pangarap, ngunit hindi na niya kasama ang kaniyang ina, ang kaniyang pinakamamahal na Mama Julie. Sa tuwing kakanta siya sa entablado, iniisip niyang nandun ang kaniyang ina, nakangiti at proud na proud na nakatingin sa kaniya. Ang ngiting bumubuo ng araw niya at nagpapalakas sa loob niya. Ang ngiti nitong matagal na niyang hindi nasisilayan…

Hindi niya makakamit ang tagumpay na nararanasan niya ngayon kung hindi naniwala sa kaniya ang kaniyang Mama Julie. Matagal na niya sigurong naisuko ang pangarap kung hindi iyon pinanindigan ng kaniyang mama. Ang swerte niya dahil nagkaroon siya ng isang inang hindi siya sinukuan na ipaalala sa kanya na kaya niyang maabot ang pangarap niya.

Mahalin natin ang magulang natin, hangga’t nabubuhay pa sila at nararamdaman pa nila ang pagmamahal natin para sa kanila. Isang salitang: “I Love You” lang sa kanila ay taglay na nun ang libo-libong saya.

Para sa mga kabataan ngayon, mas madaling sabihin ang salitang mahal kita kung ang kausap mo ay ang iying nobyo/nobya, pero hirap na hirap tayong sabihin iyon sa mga magulang natin. Ngunit hangga’t kaya naman nating iparamdam na mahal natin sila ay huwag magdalawang isip na ipaalam at iparamdam kanilang mahal natin sila, hindi natin alam kung hanggang kailan natin sila makakasama sa mundo.

Isa si Miles sa pinalad na maramdaman ang pagmamahal ng isang ina at maswerte din naman ang kanyang Mama Julie na magkaroon ng anak na sobrang mapagmahal. Mananatiling buhay ang alaala ni Mama Julie sa puso ni Miles at pag-aalabin pa ito hanggang sa dulo ng kanyang buhay.

Advertisement