Inday TrendingInday Trending
Laging Late ang Bida

Laging Late ang Bida

“Bakit ho ang tagal ninyo, Aling Barang? Kanino ko pa ho kayo hinihintay. Mahuhuli na po ako,” reklamo ni Albert sa matandang ginang bago nito nilingon ang kapatid. “JR, magpapakabait ka rito kay Aling Barang, ha. Aalis muna ang kuya. Uuwi rin ako kaagad,” bilin ng lalaki bago ito nagmamadaling umalis

Si Albert ay isang aktor sa teatro. Noon pa lang ay hilig na ng binata ang umarte kaya nang mabalitaan niyang naghahanap ng bagong miyembro ang isang theater company ay agad siyang nag-audition. Dahil sa kaniyang husay ay natanggap siya. Laking pasasalamat ni Albert sapagkat ngayon ay may permanente na siyang mapagkakakitaan bukod pa doon ang kaniyang magiging trabaho ay ang kaniyang hilig gawin, ang pag-arte.

Si Albert ang mag-isang bumubuhay sa kaniyang kapatid na may kapansanan. Matagal na kasing namapaya ang kanilang ama. Inatake ito sa puso nang sumama ang kanilang ina sa ibang lalaki. Mula noon ay inako na ni Albert ang responsibilidad na maging magulang ni JR.

“Huli ka na naman, Albert!” galit na wika ng kanilang direktor. “Araw-araw ka na lang bang mahuhuli! Aba, mahalaga rin sa amin ang oras, noh,” panananarkastiko ng direktor. “Hindi na ho mauulit,” tugon ni Albert. “Talagang hindi na mauulit sapagkat sa susunod ay tatanggalin na kita!” galit namang sagot ng direktor.

Hindi na sumagot pa si Albert dahil alam niya ang kaniyang kamalian. Mahalaga ang araw na ito sapagkat ngayong araw iaanunsyo ang mga karakter na kanilang gagampanan. Magsisimula na kasi ang ensayo para sa pinakamalaking play na gaganapin ngayong taon.

“Albert!” wika ng direktor. “Ikaw ang gaganap sa bidang karakter.” Nalulugod si Albert ngunit hindi pa rin makapaniwala. “Ikaw naman, Alex, ang kaniyang understudy. Hahalili ka sa kaniya kung sakali mang may mangyari at hindi niya kayang gumanap sa palabas.

Sa totoo lamang ay malaki ang inggit ni Alex kay Albert. Sa loob kasi ng buong karera niya sa teatro ay hindi pa siya nakukuha para gumanap bilang bida. Kung hindi siya kontrabida ay panghalili lamang siya sa bida katulad ngayon.

“Si Albert na naman!” bulong ni Alex sa sarili. “May araw ka rin sa’kin, Albert. Sa susunod ay ako naman ang magiging bida. Panonoorin mo akong agawin ang posisyon mo.” wika ni Alex.

Kinabukasan ay nahuli na naman nang dating si Aling Barang, ang kapitbahay nila Albert na napapakiusapan ng lalaki na magbantay sa kapatid. Hindi mapagalitan ni Albert si Aling Barang sapagkat hindi naman niya ito pinapasahod. Inaabutan lamang niya ito dahil hindi naman ganoon kalaki ang kaniyang kinikita. Tulad ng dati ay nahuli na naman ang lalaki sa kanilang ensayo buti na lang ay napakiusapan pa niya ang direktor na huwag siyang tanggalin.

Tuwing walang ensayo si Albert ay siya ang nag-aalaga sa kaniyang kapatid. “Alam mo ba, JR, napili si kuya na gumanap na maging bida sa play. Kapag ipapalabas na ito isasama kita para mapanood mo si kuya,” sambit ni Albert habang nililinis ang kapatid bago matulog. Tuwang-tuwa naman si JR dahil makikita niya ang kaniyang kuya na umarte sa entablado.

Sumunod na araw ay nahuli na naman si Albert sa kanilang ensayo.

“Huli ka na naman, Albert! Huli na talaga ito. Palalampasin ko ito pero sa susunod ay pasensyahan na tayo!” Napupuno na ang kanilang direktor. Tulad din nang nakagawian ay muling humingi ng patawad si Albert.

“Direk, napapansin ko na marami nang nasasayang na oras sa pagiging huli palagi niyang si Albert. Baka hindi niya magampanan ang kaniyang papel ng maayos,” panunulsol ni Alex. “Oo, alam ko. Pero kailangan ko siyang bigyan ng pagkakataon sapagkat magaling talaga siya at naibibigay niya ang kailangan sa eksena,” sagot naman ng direktor.

Lalong nainis si Alex sa kaniyang narinig. Ginagatungan kasi niya ang pagkainis ng direktor upang tuluyan nitong tanggalin si Albert at nang sa ganun ay makuha niya ang papel ng bida ngunit pinagbibigyan ito palagi kaya naisipan niyang gumawa na lamang ng paraan.

Noong sumunod na ensayo ay maagang nakarating si Aling Barang kaya maaga ring nakaalis si Albert. Laking tuwa ng lalaki sapagkat sa pagkakataong ito ay hindi na iinit ang ulo ni direk sa kaniya.

Habang naglalakad patungong sakayan ay tumunog ang telepono ni Albert. Sinagot niya ang telepono at narinig niya si Alex sa kabilang linya.

“Albert, si Alex ito. Pinapasabi ni direk na hindi matutuloy ang ensayo ngayon sa teatro. May pulong daw kasi tayo sa Hyatt Hotel kasama ang mga investors para sa ating palabas. Huwag ka raw mahuhuli,” saad ni Alex. “Sige, salamat. Alam ko ang lugar na iyon kaso ay dalawang sakay pa iyon mula sa amin. Pero tamang-tama dahil maaga ako. Makakarating ako ng sakto sa oras,” tugon ni Albert.

Nang makarating si Albert sa Hyatt Hotel ay hindi niya nadatnan doon ang direktor at iba pang miyembro ng teatro.

Dahil sa ibang lugar nagtungo si Albert hindi ito nakarating sa ensayo kaya nagalit na naman ang direktor sa kaniya. “Araw ng ensayo at huli na naman siya. Ginagalit niya talaga ako! Wala siyang respeto sa akin! Sabihin niyo sa kaniya na hindi na siya ang gaganap na bida! Ikaw, Alex, ang gaganap na bida!” inis na inis na wika ng direktor.

Lubusang natuwa si Alex sa kaniyang narinig dahil sa wakas ay bidang karakter na ang kaniyang gagampanan! “Kay tagal kong hinintay ito! Sa wakas ay nakamit ko na!” tuwang-tuwang wika ng lalaki.

Naiinis si Albert nung dumating siya sa teatro at nalaman niyang hindi na siya ang gaganap sa karakter ng bida kung ‘di si Alex. Nadismaya ang lalaki dahil kailangan pa naman niya ng trabaho. Hindi rin siya binigyan pa ng pagkakataon ng direktor na magpaliwanag. Nanlulumong umuwi si Albert sa kanilang bahay.

“Albert mabuti naman at maaga ka ngayon. Kailangan ko rin kasing umuwi ng maaga dahil may gagawin ako sa aming bahay. Sige, aalis na ako!” sambit ni Aling Barang.

Sa kabila ng kalungkutan at panghihina muling nabuhayan ng loob si Albert nang masilayan niya ang kaniyang kapatid. “Hindi nga pala ako puwedeng sumuko dahil kailangan ako ng aking kapatid,” wika niya sa sarili.

Nagpatuloy ang ensayo. Damang-dama ni Alex ang kaniyang pagiging bida. Minsan nga ay sumosobra na ito at lumalaki na ang ulo. Masayang-masaya siya na wala ng Albert na hahadlang pa sa kaniyang inaasam.

Isang araw habang naglalakad si Alex ay natanaw niya si Albert. Lalapitan na sana niya ito para magmayabang at inggitin ang binata pero laking gulat niya nang makitang may bitbit itong isang batang may kapansanan.

“Albert!” tawag ni Alex sa binata. “Kumusta ka na nga pala?” tanong nito. Kahit na naiinis si Albert kay Alex hindi niya ito ipinakita sa harap ng kaniyang kapatid. “Ayos naman. Ito ipinapasyal ko ‘tong kapatid ko,” tugon ng lalaki.

“Kapatid? Kapatid mo siya?” gulat na tanong ni Alex. “Oo, Alex. Ito si JR, ang aking kapatid. Kaya ako nahuhuli palagi sa ating ensayo ay dahil hinihintay ko pang dumating iyong taong titingin sa kaniya habang wala ako. Ayaw ko man siyang iasa sa iba at iwanan pansamantala ay kailangan kong iyong gawin upang matustusan ang aming mga pangangailangan,” sagot ni Albert.

Hindi nakaimik si Alex dahil sa kaniyang nalaman. Napagtanto niya na mali ang ginawa niyang panloloko kay Albert upang makuha ang inaasam niyang papel ng bida. Ngayon ay lubusang naghihirap ang magkapatid sapagkat kailangan na namang maghanap ni Albert nang mapapasukang trabaho.

“Kailangan kong itama ang mga kamalian ko!” wika ni Alex sa sarili.

Agad na pumunta si Alex sa teatro at kinausap niya ang direktor tungkol sa kaniyang ginawa. “Tinawagan ko ho siya noong araw na iyon at sinabi kong pumunta siya sa hotel. Hindi sana siya mahuhuli kung hindi ko sana siya niloko. Patawarin niyo po ako, direk. Hindi ko alam na nakakasakit na pala ako. Nang dahil lang sa kagustuhan kong maging bida ay nawalan ng pantustos si Albert sa kaniyang kapatid. Kasalanan ko po. Ako na lang po ang tanggalin ninyo imbes na si Albert,” pagmamakaawa ng lalaki.

Dahil sa mga ipinagtapat ni Alex ay agad namang pinatawag muli ng direktor si Albert. Muli niya itong pinasali sa kanilang palabas at binigyan niya rin ito ng pagkakataong gampanan ang karakter ng bida.

Pinatawad ni Albert si Alex sa mga nagawa nitong kasalanan at dahil na rin sa pagtatapat ng binata ay hindi na siya tinanggal ng direktor sa halip ay binigyan niya ito ng isa pang pagkakataon. Naging malapit na magkaibigan sina Albert at Alex. Lubusan naman ang tuwa ng bawat isa nung maging matagumpay ang kanilang theater play.

Advertisement