Inday TrendingInday Trending
Nilamon ng Inggit

Nilamon ng Inggit

“Oy, Glaiza, may bago na namang tablet si Adora. Alam mo balita ko nga ang mahal nun kasi bagong labas na Samsung iyon, eh,” naiinggit na wika ni Cherly sa katrabahong si Glaiza.

“Anong model daw?” napapaisip na tanong ni Glaiza. Ang galing naman ni Adora dahil may bago na naman itong gadget samantalang siya ay tatlong taon na niyang pinagtiyatiyagaan ang kaniyang selpon na ngayon ay madalas nang nagloloko.

“Tab S5e, iyon ang sinabi niyang model. Ang bongga, Glaiza, kasi ang ganda,” wika ni Cherly.

“Talaga? Hayaan mo papalitan ko na rin itong selpon ko. Medyo matagal na rin kasi ito,” saad ni Glaiza habang iniisip kung saan siya kukuha ng malaking halaga upang makabili ng bagong gamit.

“Ikaw ba, Glaiza, sigurado ka sa sinasabi mo na uutang ka sa’kin ng fifty thousand? Malaki ang tubo nun,” wika ni Angkong Lito ang Chinese na inuutangan ng kaniyang mama tuwing kailangan nito ng pera. “Oo nga, angkong. May bibilhin kasi ako. Kaya kong bayaran iyan. Bigyan mo lang ako ng six months,” pagmamalaki ni Glaiza.

Pinautang ni Angkong Lito ang babae sa halagang hinihingi nito kaya nabili nito agad ang bagay na nais nitong bilhin. Iyong mas maganda at mas bagong labas na modelo ang binili nito upang mas mapansin ito ng lahat.

“Wow! Ang ganda naman ng bagong selpon na binili mo, Glaiza,” buong paghanga na wika ni Cherly.

“Siyempre.” pagmamayabang ni Glaiza.

Dahil bago na ang kaniyang selpon dapat ay bago na rin ang lahat ng gamit niya. Kung ano ang makita ni Glaiza na bagong bili ng kaniyang mga kasama ay bibili rin siya ng mga ito. Ang fifty thousand na utang niya kay Angkong Lito na hindi pa kasama ang interes ay nadagdagan nang nadagdagan.

“Glaiza, baka ikaw hirap na akong bayaran. Malaki na masyado utang mo sa’kin,” angal ng matandang Chinese. “Angkong, naman. Wala ka bang tiwala sa’kin? Malaki kaya ang nakukuha kong komisyon kada buwan dahil ako ang pinakamagaling magbenta ng insurance sa aming kompaniya.” pagmamalaki ng dalaga. Napapailing na lang ang matanda sa babae.

Habang abala sa trabaho ay biglang may narinig siyang maingay sa paligid.

“Hala! Grabe, Jenny, ang ganda-ganda naman ng mga gamit mo. Ang ganda ng bagong bili mong relo at mga bags na halos araw-araw ay paiba-iba. Ang yaman mo siguro,” buong paghangang wika ng isang katrabaho ni Glaiza.

Si Jenny at Glaiza ay magkasabay na natanggap sa trabaho at halos sabay din silang na-promote. Parehong malaki ang sahod nila pero mas natutustusan ni Jenny ang kaniyang mga luho kaya inggit na inggit dito si Glaiza.

Nais ni Glaiza na matalbugan ang babae kaya matapos ang oras ng trabaho ay binuklat niya ang kaniyang pitaka para alamin kung may sapat ba siyang dalang pera para bumili ng mamahaling relo at bag. Sa kasawiang palad ay ilang tig-iisang daang piso lamang ang laman nito.

Naalala ng babae na hindi pa pala kinokolekta ng kanang kamay ng kanilang boss ang kita ng kompaniya ngayong linggo at alam niya kung saan nakatago ito.

“Hindi naman siguro mahahalata kung kukupit ako ng kaunting halaga sa kinita ng kompaniya.” isip-isip ni Glaiza.

Noong araw ding iyon matapos palihim na kumuha ng pera ang babae ay agad siyang dumiretso sa pinakamalapit na mall para bumili ng mga bagong kagamitan na maipagyayabang niya kinabukasan.

Isang umaga’y nagkakagulo ang lahat sa kanilang kompaniya dahil dumating ang kanilang boss na madalang bumisita. Bigla nakaramdam ng kaba si Glaiza. Anong ginagawa nito dito?

“Glaiza, naparito ako dahil gusto kitang makausap,” mataray na wika ni Anna, ang boss ni Glaiza.

“Ano po ba iyon, ma’am?” kinakabahang wika ni Glaiza. “Matagal na kitang empleyado at lubos ang tiwalang ibinigay ko sa’yo kaya hindi ko akalain na magagawa mong kumupit ng ganito kalaking halaga sa kompaniya ko.”

Ipinanood ni Anna kay Glaiza ang video na nakuhanan ng CCTV kung saan kitang-kitang ang ginawang pangungupit ng babae.

“Hindi mo inakalang may CCTV sa kwartong iyon, ano? Naging maluwag ako sa’yo dahil ang akala ko’y mapagkakatiwalaan kita. Kung nangangailangan ka ng pera sana ay lumapit ka sa’kin. Pababalihin naman kita. Alam mo, Glaiza, kahit gaano kahalaga at kagaling ang isang empleyado mabubura ang lahat ng iyon dahil sa isang pagkakamali lang.”

Huminga muna ng malalim si Anna bago muling nagsalita. “Hindi ko na sisingilin ang halagang nakuha mo. Sabi ng iba ay puwede kitang ipakulong sa kasong estafa. Hindi ko na gagawin ang bagay na iyon. Palalampasin ko ang lahat ng ito pero ito na ang huling araw mo sa kompaniya ko, Glaiza.”

Naiwang umiiyak si Glaiza. Bukod sa napahiya siya dahil siguradong alam na ng lahat ang ginawa niya ay nawalan pa siya ng trabaho. Dahil sa pagpapasikat niya ay nagawang niyang kumupit ng pera sa kompaniya. Ngayong wala na siyang trabaho paano pa niya mababayaran ang malaking halagang inutang niya kay Angkong Lito. Dahil sa kaniyang ginawa may kompaniya pa kayang tatanggap at magtitiwala sa kaniya lalo na kung malalaman nila ang nagawa niyang kasalanan sa kompaniyang dati niyang pinagtatrabahuan?

“Paano na iyan, Glaiza? Malaki pa kulang mo sa’kin, mga sixty thousand,” napapakamot sa ulong wika ni Angkong Lito.

Gusto nang umiyak ni Glaiza dahil hindi niya alam kung paano niya mababayaran ang kaniyang utang. Saan siya ngayon kukuha ng pera?

Para mabayaran ang malaking halagang inutang ay nagtinda na lang si Glaiza ng mga kakanin sa palengke. Salamat kay Angkong Lito dahil pinahiram siya ulit nito ng ipangpupuhunan para sa maliit niyang negosyo. Nagtiyatiyaga kahit na nahihirapan dahil sa matinding sikat ng araw makabayad lang ng utang. Natatakot kasi siya na baka ipakulong siya ni Angkong Lito kung hindi siya magpupursiging makabayad.

Lahat tayo ay may inggit sa katawan pero nasa atin pa rin ang kontrol. Matutong makuntento at huwag umaktong mayaman kahit wala naman talagang maibubuga. Huwag gumaya kay Glaiza, huli na para pagsisihan niya ang nagawa.

Advertisement