Inday TrendingInday Trending
Lumipad na Pangarap, Tinupad na Pangarap

Lumipad na Pangarap, Tinupad na Pangarap

“Pasensya ka na, Ayesha. Pero hindi ko maaaring panagutan iyang dinadala mo. Alam mong nag-aaral pa ako at marami pa akong mga pangarap sa buhay. Siyempre kapag naging tatay na ako hindi na ako makakapag-aral. Kinakailangan ko nang magtrabaho. Isa pa, ayoko ring madismaya sa akin ang mga magulang ko.” pagpapaliwanag ni Mikoy sa nobya nang malaman nitong nagdadalantao ang babae.

“Mikoy, naririnig mo ba iyang mga sinasabi mo? Ikaw lang ba ang nag-aaral at may pangarap dito? Ako lang ba ang may kagustuhan nito? Mikoy, naman. Paano naman ako at ang batang dinadala ko? Ni hindi na nga sumagi sa isip ko ang sasabihin ng mga magulang ko kapag nalaman nila ito tapos ikaw na lalaki pa ang siyang mag-iinarte nang ganiyan?” inis namang tugon ng dalaga. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya sa kapareha.

“Pasensya ka na talaga pero hindi ko iyan mapapanagutan. Ipalaglag mo na lang kung hindi mo kayang buhayin mag-isa. Sasamahan na lang kita pagkatapos nun ay tapos na tayo.” saad ng binata. Bahagya na itong naiinis sa inaasta ng dalaga.

“Mikoy, para namang wala kang kaluluwa sa mga pinagsasabi mo! Hindi mo man lang naisip na walang kasalanan ang bata dito!” galit na sigaw ni Ayesha.

Napahawak na lamang sa ulo niya ang binata. Gusto niya talagang ipalaglag ang bata.

“Bahala ka na, Ayesha. Sabihin mo ang gusto mong sabihin. Gagawin ko kung ano ang sa tingin kong mas makakabuti sa buhay ko!” sigaw ni Mikoy sa dalaga tsaka naglakad palayo.

“Makasarili kang bwisit ka!” pahabol na sigaw ng dalaga tsaka siya nagsimulang umiyak.

Hindi inaasahan ng dalawang kabataan na makakabuo sila ng bata sa murang edad. Dahil nga sa parehas pang nag-aaral at dumidepende sa magulang parehas silang namomroblema sa nararapat na gawin. Ngunit tila nakapagdesisyon na agad ang binata na iwan na ang dalaga at hindi panagutan ang dinadala nito.

Labis na nadismaya at nagalit ang dalaga dahil sa kagustuhan ng kaniyang nobyo. Ngunit kahit pa inutos nito na ipalaglag na lamang ang bata buo pa rin ang loob ng dalaga na dalhin ito hanggang sa abot ng kaniyang makakaya.

Takot man at kinakabahan ay matapang na ipinagbigay alam ni Ayesha sa kaniyang mga magulang ang kaniyang ipinagbubuntis. Labis na nagalit at nadismaya ang mga magulang ng dalaga lalo na’t noong nalaman nilang ayaw siyang panagutan ng kaniyang nobyo. Ngunit kahit pa ganoon dahil nga hindi rin talaga siya matiis ng mga ito ay tinulungan pa rin siya ng kaniyang mga magulang hanggang sa nakapagsilang siya ng isang malusog na batang lalaki na pinangalanan niyang Stephen.

Hindi naging madali para sa dalaga na buhayin ang anak nang mag-isa. Hindi naman niya magawa pang humingi ng tulong sa kaniyang mga magulang dahil nahihiya na siya. Napilitan siyang tumigil sa pag-aaral simula noong ipinagbuntis niya ang bata. Pagkasilang niya naman dito nung bumalik na ang kaniyang lakas ay naghanap na agad siya ng trabaho para pangtustos sa pangangailangan ng bata.

Lumipas ang mga taon at matagumpay na naitaguyod ni Ayesha ang kaniyang munting anghel na ganap na ngayong binata. Nagawa niya itong pagtapusin sa kolehiyo. Masipag at masinop rin kasi ang binata. Rumaraket ito para makatulong sa kaniyang ina.

“Mama, ang galing mo, noh. Kahit pa sobrang hirap ng buhay natin hindi mo ako sinukuan. Maraming salamat, mama! Para sa iyo ito.” matamis na sambit ni Stephen tsaka inabot sa kaniyang ina ang kaniyang pinaghirapang diploma. Mangiyak-ngiyak naman si Ayesha dahil sa sobrang tuwa.

Hindi nagtagal at nakahanap ng trabaho si Stephen. Lumipas lamang ang dalawang taon, dahil sa kagalingan at kasipagan ng binata ay nabigyan niya ng bahay at lupa ang kaniyang ina. Labis naman ang kasiyahan ni Ayesha dahil nagbunga na ang lahat ng kaniyang pagsasakripisyo.

“Hindi talaga ako nagkamaling buhayin ka. Napakaswerte ko dahil nagkaroon ako ng isang anak na katulad mo.” sambit ni Ayesha sa anak na papasok na sa trabaho.

“Mas maswerte ako dahil may isa akong inang katulad mo, mama. Sinakripisyo mo ‘yong sarili mong pangarap para lang mabuhay ako. Pangako, mama, hindi ko gagayahin ang tatay ko. Hindi kita iiwan at lalong hindi ko gagawin ang ginawa niya sa magiging pamilya ko.” tugon naman ng anak na labis ikinatuwa ng babae bago ito nagpaalam na aalis na.

Wala mang tulong mula kay Mikoy ay nagawa ni Ayesha na buhayin mag-isa ang anak nila na ngayo’y isa ng matagumpay na binata. Hindi man natupad ng babae ang kaniyang pangarap natupad naman ito ng kaniyang anak na patuloy na nagmamahal at sumusuporta sa kaniya.

Advertisement