“O, anak, huwag daw nating bubuksan ‘yong pintuan na iyon, ha. Nandoon daw mga ari-arian ng may-ari ng bahay. Mahirap na kapag tayo ang napagbintangang kumuha pag nagkulang iyon,” bilin ni Aling Milyn sa anak na dalagang naglilinis ng sala.
“Opo, ina, grabe po pala sa yaman ang mang-ari nito, ano?” sambit naman ni Frances habang pinagmamasdan ang mga mamahaling gamit sa loob ng bahay.
“Oo, talaga. Dating alkalde raw ang huling tumira dito, eh. Hindi naman maikakaila sa ganda ng bahay na ito, ‘di ba? Swerte nga tayo na mura lang itong ipinaupa sa atin.” kuwento naman ng ginang sa anak. Tinulungan na niya itong maglinis.
“Pero, ina, bakit po kaya umalis dito ‘yong alkalde? Eh, napakaganda na nga nito. Hindi kaya may misteryosong nagmumulto dito?” pag-uusisa naman ng dalaga. Napakamot naman sa ulo ang kaniyang ina.
“Ano ka ba namang bata ka? Kung anu-ano na lamang talaga iyang mga sinasabi mo palagi. Ang pagkakarinig ko kasi sumakabilang buhay na ‘yong alkalde na may-ari nito. Ayaw namang tirhan ng mga anak niya kaya pinaupahan na lamang sa mababang presyo kaysa walang manirahan. Basta sundin na lamang natin ang bilin nila na huwag bubuksan iyong pintuan para hindi tayo mapaalis!” sagot ng ginang tsaka kumuha ng basahan sa kusina. Naiwan namang nakatulala sa pinagbabawal na pintuan ang dalaga.
Napaalis sa dating tinitirhan ang mag-ina dahil sa kakulangan nila sa pangbayad. Sakto namang nabalitaan nila na pinapaupahan na ang bahay ng dati nilang alkalde sa murang halaga lamang kaya naman agad nila itong pinatos. May kaisa-isang bilin lamang ang anak ng alkalde bago sila hayaang manirahan dito, “Huwag na huwag niyong bubuksan ang pintuang iyon. Nandoon ang lahat ng kayamanan ni daddy.”
Ngunit hindi naniniwala ang anak ng ginang na si Frances na kayamanan nga ang nasa loob nito. Lagi kasi siyang may naririnig na kaluskos sa loob ng silid na iyon tuwing mapapadaan siya dito.
Isang araw mag-isang naiwan sa bahay ang dalaga. Nagpunta kasi ng palengke ang kaniyang ina. Maglilinis na sana siya nang bigla na lang siyang nakarinig ng kalabog sa loob ng silid na iyon. Natatakot man at kinakabahan ipinagpatuloy ng dalaga ang paglilinis ngunit bigla na namang may kumalabog sa pangalawang pagkakataon dahilan para mapatili na siya sa takot at isubsob ang kaniyang mukha sa sofa. “Sabi ko naman kasi kay ina may multo talaga dito, eh!” bulong niya sa sarili.
Lalo naman siyang napasigaw nang may kumalabog ulit sa pangatlong pagkakataon. Nakarinig pa siya ng tinig na tila humihingi ng tulong.
Puno man ng takot at pangamba unti-unting lumapit ang dalaga sa nasabing silid. Hindi na niya inintindi ang bilin ng kaniyang ina at binuksan niya ang pintuan. Laking gulat naman niya dahil wala ni isang kayamanan siyang nakita. Tumambad lang sa kaniya ang isang hinang-hinang babae na nakaposas sa loob ng silid. Hubo’t hubad ito at puro galos ang katawan. Bigla itong tumingin sa kaniya at sinabing, “Parang awa mo na. Bigyan mo ako ng maiinom.”
Dahil nga sa takot ay agad na sumunod ang dalaga. Kumuha siya ng tubig at tela pangtapis sa katawan ng babae. Nahanap naman niya sa lalagyan ng mga susi ang susi sa posas ng babae kaya naman naidala niya ito sa sala.
Kahit pa kinakabahan ay naglakas loob ang dalaga na tanungin ang babae kung ano ang ginagawa nito sa loob ng silid na iyon.
“Dati akong katulong dito. Nakursunadahan ako ng yumaong alkalde at pinakasalan ako. Pero nang mawala na ito pilit akong ikinulong ng kaniyang mga anak diyan sa silid. Binubugbog at hindi pinapakain. Walang may gustong umupa dito dahil nga daw may multo sa silid na iyan. Hindi nila alam totoong tao akong humihingi lamang ng tulong.” mangiyak-ngiyak na kuwento ng babae. Nagulat naman ang dalaga sa mga nalaman.
Nadatnan ang dalawa ng ina ni Frances sa sala. Kaagad ikinuwento ng anak sa ina ang mga nalaman. Wala silang sinayang na oras. Dumulog agad sila sa mga pulis. Pinakita ng babae ang kaniyang pinakaiingatang dokumento ng kanilang kasal ng alkalde, kaniyang mga ari-arian mula sa alkalde at iba pang dokumentong makakapagpatunay sa kaniyang pagkakakilanlan.
Dahil nga kilala ng ginang ang mga anak ng kinakasama naging madali para sa mga pulis na matunton ang mga ito. Noong una ay nagmamaang-maangan pa ang mga ito ngunit nang magpakita ang ginang ay tila nakakita sila ng multo at umamin.
Nakulong ang mga anak ng yumaong alkalde at labis na lamang ang kasiyahang nararamdaman ng babaeng nakulong nang mahigit isang buwan sa silid na iyon. Laking pasasalamat niya sa dalagang si Frances kaya naman ginantimpalaan niya ito. Pinatira niya ang mag-ina sa kaniyang bahay ng walang binabayarang upa. Nangako rin siyang pag-aaralin sa kolehiyo ang dalaga.
Marapat lamang talagang tulungan natin ang mga nangangailangan kahit pa hindi natin sila kilala dahil tulad natin ay may pinaglalaban rin silang katotohanan.