Inday TrendingInday Trending
Manong, Pasilong Po

Manong, Pasilong Po

Alas onse na ng gabi ngunit nasa kalsada pa rin si Anton, pinatos kasi niya ang umupa sa kaniyang sasakyang papuntang Zambales. Limang libo rin ang bayad kaya naman hindi na niya tinangihan kahit nga napakalayo ng byahe.

“Pag nga naman inabot ka ng sampong malas! Napakalas ng ulan,” wika niya sa sarili habang nakatingin sa malabong kalsada. Tumataas ang balahibo niya sa lakas ng bagsak ng mga ulan sa kaniyang sasakyan at siya na lang rin ang nasa daang iyon.

“Nasan na ba ako? Bakit parang ako na lang yata ang nagmamaneho?” isip-isip niya saka naman bigla niyang naramdaman na bumigat ang kaniyang andar.

“Tang*na! mamat*y na talaga si hudas! Ang malas-malas,” inis na sigaw niya saka mabilis na itinabi ang sasakyan. Tumirik ang makina nito, mabuti na nga lang at may bahay siyang natatanaw sa ‘di kalayuan kaya nakampante pa rin ang kaniyang kalooban kahit papano, dahil nasa kabihasnan pa rin siya.

Basang-basa na si Anton sa lakas ng ulan kaya naman kahit na ayaw niyang pumunta sa natatanaw na bahay ay mas nanaig ang kagustuhan niyang sumilong.

“Tao po? Pwede po bang makisilong saglit?” tanong ng binata.

“Inabutan ka ba ng malakas na ulan? Tara, Hijo, pumasok ka. Ipagtitimpla kita ng kape,” sagot sa kaniya ng matandang lalaki na may piring ang isang mata na tila ba isang pirata.

“Ay, ‘tay, kahit dito na lang ho ako sa terrace. Sobrang lakas kasi ng ulan tapos tumirik pa ang sasakyan ko. Nakakahiya naman po sa inyo,” mabilis na tanggi ng binata. Bukod sa nahihiya siya na makituloy ay natakot at nag alangan siya sa itsura ng matanda. Kinakabahan siya na baka masamang tao ang lalaki o baka naman kaya isang multo o sindikato. Kung ano-ano na nga ang naiisip niya ng mga oras na ‘yun.

Kaya lamang ay bumalik ang matanda na may dalang tasa ng kape, umuusok ito at hindi na natangihan pa ng kaniyang nanlalamig na katawan.

“Tay, pasensya na talaga kayo, ha? Alam ko pong dis oras na ng gabi pero hindi po ako masamang tao. Ako nga po pala si Anton at maraming salamat sa mainit na kape,” sagot niya sa matanda.

Mabilis na naikot ng kaniyang paningan ang bahay ng lalaki, magulo ito at makalat. May ilang mga litratong nakasabit at kandila na nakasindi.

“Hindi naman kaya aswang itong kausap ko,” isip-isip ni Allan habang pinipigalan ang panginginig ng kaniyang mga tuhod. Bata pa lang kasi siya ay takot na siya sa mga ganitong kwento, paano’y kinalakihan niya ang mga aswang at engkantong kwento ng kanyang lola.

“Huwag ka rin sanang matakot, Hijo. Ako nga pala si Mang Rey, mag-isa na lang ako ngayon kaya medyo makalat ang bahay. Itong mata ko naman ay bulag na, nakatuwaan ko lang lagyan ng piring na itim para naman hindi ako katuwan ng mga bata rito sa amin. Mas gusto ko kasing kinakatakutan nila ako nang hindi sila nanggugulo rito,” wika sa kaniya ni Mang Rey. Umupo ang matanda sa katapat niyang sofa.

“Yan nga pala ang mga anak ko, lahat iyan ay napagtapos ko sa pagiging embalsamador at iba’t-ibang trabaho. Nabulag din itong kanang mata ko kasi natalsikan ng muriatic acid, napuruhan at hindi na naagapan pa,” dagdag na sabi ng matanda saka hinigop ng malakas ang kape niya.

“Lord, naman…” isip-isip ni Allan sabay ngiti sa matanda.

“Alam mo, ‘yung panganay ko ay tapos ng kolehiyo at isa nang CPA ngayon. May sarili nang pamilya at nakatira doon sa Maynila, tapos ‘yung bunso ko namang babae ay tapos bilang teacher, ayon may sarili na ring pamilya. Yung asawa ko naman ay mag tatatlong taon nang pat*y, kaya naman ako na lang ang mag-isa sa buhay,” pahayag ni Mang Rey.

“Eh sino palang kasama niyo dito ‘tay? Paano kayo kumakain?” nag-aalalang tanong ng binata.

“Nagpapabili na lang ako sa kapitbahay ko, o di kaya naman naglalakad ako sa bayan at bumibili ng mga lutong ulam. Marami naman akong pera, pinapadalhan ako lagi ng mga anak ko at may pensyon din ako.

Pero hindi naman iyon ang kailangan ko, mas kailangan ko ang mga anak ko. Yung suki ko sa bayan ay nasa kaniya pa rin nakasandal ang mga anak niya, wala kasing trabaho kasi wala raw natapos. Pero masaya naman daw ang buhay nila kahit na ganoon kasi palagi silang magkakasama at nakakaraos naman daw sa buhay,”

“Minsan nga naiisip ko, mali ba na pinag-aral ko ang mga anak ko kasi lahat sila iniwan ako?” tanong muli ni Mang Rey.

“Hindi naman siguro ‘tay. Ako bilang isang anak, gusto ko lang naman makatulong at mabuhay nang mag-isa. Ang hirap po kasi kapag kasama ang mga magulang, minsan makulit lalo na kapag matanda na,” sagot naman ni Anton.

“Pero nung mga bata pa kayo ay hindi naman kayo inayawan o iniwan man lang. Sana naiisip niyo rin iyon, kasi ang gusto lang naman namin ay makasama kayo.

Ako nga, ang hiling ko lang ay tumawag man lang ang mga anak ko, kahit boses man lang ay marinig ko. Simula kasi noong nagkapamilya sila, nakalimutan na nila ako, mas importante pa sa kanila ang pera,” malungkot na wika ni Mang Rey.

Mabilis na napalitan ng lungkot ang kaninang takot na nararamdaman ni Anton. Naalala niya ang kaniyang mga magulang na iniwan niya sa probinsya at basta na lang pinapadalhan ng pera.

Hindi na nagsalita pa ang binata at tahimik na lang na pinagmasdan ang mga luha ni Mang Rey. Ramdam na ramdam niya ang hinagpis ng matanda. Dito na siya nagpalipas ng gabi at laking pasasalamat niyang wala namang nangyari sa kaniyang masama. Tinulungan din siya ng lalaki na maayos ang kaniyang sasakyan at nakauwi na siya sa Maynila.

Pagkadating niya ay agad na niyang tinawagan ang kaniyang mga magulang at kinamusta ito, totoo nga ang sabi ni Mang Rey. Dahil narinig mismo ni Anton ang kasiyahan sa boses ng kaniyang mga magulang kahit na wala siyang ipapadalang pera.

Lumipas ang isang buwan, dumalaw ang binata sa kaniyang mga magulang, kahit walang okasyon ay pinupuntahan na niya ang mga ito. Nais lamang niyang iparamdam sa mga magulang na nandito lamang siya kahit na matanda na sila.

Sa kabilang banda naman, sa tuwing may byahe si Anton patungo ng Zambales o basta madadaanan niya ang lugar ni Mang Rey ay pinapuntahan niya ang matanda. Ngayon ay nakatagpo siya ng bagong kaibigan at mas nabigyan niya ng importansya ang oras kasama ang mga magulang dahil dito.

Advertisement