Galak na galak ang mga kapatid ni Maricel na sina Sandra at Carlo dahil kararating lamang ng mga padala ng kanilang nakatatandang kapatid mula sa ibang bansa. Halos isang dekada na ring OFW si Maricel sa bansang Italy.
Mula nang umalis siya upang magtrabaho sa nasabing bansa ay sinagot na niya ang lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya. Ilang taon kasi bago siya umalis ay binawian ng buhay ang kanyang ama dahil sa isang matinding karamdaman. Nangako siya sa ama na hindi niya pababayaan ang kanilang pamilya.
“Ate! ate! Nandito na ang mga padala mo! Maraming salamat!” sabik na wika Sandra na nasa kabilang linya ng telepono. “Ate, kasama ba dito yung sinasabi kong sapatos? Nabili mo ba?” wika naman ni Carlo.
“Oo, lahat ng hiniling ninyo nandiyan. Bakit kasi hindi ninyo pa buksan!” natatawang tugon naman ni Maricel.
“Anak, siya nga pala, nandito na yung mga insurance, kailan ka pala magpapadala para sa pang bayad ng mga ito?” tanong ng kanilang inang si Aling Susan.
“Sa katapusan po, Ma. Magpapadala po ako.”
“Saka, ate, yung pang hulog din pala sa kotse? Isabay mo na, please! Baka mamaya tawagan na naman ako ng bangko, eh hindi ko alam ang isasagot ko,” dagdag ni Carlo.
“Sige, lahat ‘yan sa katapusan maayos. Wag na kayong mag-alala,” sambit naman ng dalaga.
“Saka, ate, idagdag mo na rin yung pang matrikula ni Shawn,” pahabol naman ni Sandra.
Parehas nang may kani-kaniyang pamilya sina Carlo at si Sandra. Walang trabaho si Carlo at hindi rin nakapagtapos ng kanyang pag-aaral. Tinutustusan ni Maricel ang pag-aaral noon ng kaptid, ngunit hindi sinasadyang nabuntis niya ang kinakasama niyang si Mary.
Si Mary naman ay nagtatrabaho sa isang opisina bilang klerk. Ngunit nang makaaway niya ang kanyang boss ay nag-resign ito. At umasa na lang din sa ate ng kanyang asawa.
Si Sandra naman ay isang single mother, dahil iniwan niya ang sugarol niyang asawa. Nakpagtapos man siya ng pag-aaral lagi niyang dinadahilan ang anak niyang si Shawn, sapagkat wala raw mag-aalaga.
Lahat ng ito ay pasan-pasan ni Maricel ng maluwag naman sa kalooban. Bukal sa loob niya ang tumulong sa kanyang mga kapatid sapagkat mataas naman ang kanyang posisyon sa kanyang pinapasukang trabaho. At sa katunayan, pangarap naman niya talaga na mabiyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Isang araw, hindi inaasahang nag deklara ng bankrupcy ang kumpanyang pinapasukan ni Maricel at lahat ng manggawa ay nawalan ng trabaho sa isang iglap lamang.
“Hindi maaari… Paano na ‘to ngayon? Paano na ang pamilya ko?” wika ni Maricel sa kanyang sarili. Hindi sasapat ang kanyang kakarampot na naipon para sa lahat ng bayarin at pangangailangan ng kanyang pamilya.
Nanlulumong bumalik si Maricel sa kanyang tinutuluyan. Nag ring ang kanyang telepono.
“Ate? Pwede ka bang makausap? Kasi si Mary, umalis na siya sa pinagtatrabahuhan niya. Kasi daw hindi niya makasundo ung boss niya. Problema ko kasi wala kaming naipon mula sa kita niya, eh may mga kailangang bakuna si Junior. Baka naman pwede mo akong mapadalhan?” wika ni Carlo.
Nagugulumihanan pa rin ang isip ng babae mula sa pangyayari, pero pinilit niya na makasagot sa kapatid.
“Sige, Carlo, gagawan ni ate ng paraan,” tugon niya.
“Naku, ate, kailangan na kasi agad ‘yun. Saka magkano lang naman ‘yun, eh. Walang-wala ‘yun sa’yo!” dagdag pa ni Carlo.
Matagal na hindi nakasagot ang dalaga. Napagtanto niya kasi na tila kasalanan niya ang lahat kung bakit tuluyan nang sumandal sa kanya ang mga kapatid. Hindi rin naman niya masabi ang nangyari sa kanyang pagkakatanggal sa trabaho sapagkat ayaw niyang mag-alala pa ang mga ito.
“Sige, Carlo. Isasabay ko sa katapusan,” marahan niyang tugon.
“Sige, ate, salamat ha!” at ibinaba na ng bunsong kapatid ang telepono.
Hindi maiwasan ni Maricel ang maluha. Maraming siyang responsibilidad kaya kailangan agad niyang makahanap ng bagong tranaho. Ngunit hindi ganoon kadali ito sa bansang kanyang napuntahan.
Habang naghihintay ng tawag mula sa mga kumpanyang kanyang inaplayan, nagdesisyon siya na mamasukan muna bilang kasambahay. Tiniis niya ang bigat at pagod sa trabaho upang may maipadala lamang sa pamilya niya sa Pilipinas.
Sa isang banda naman ay sunud-sunod na ang pagtawag ni Carlo upang manghingi na naman ng pera sa kanyang nakakatandang kapatid. Sa pagkakataong ito, kailangan na siyang tanggihan ni Maricel dahil gipit na rin siya.
“Pasensya ka na, Carlo, marami na rin kasi akong bayarin, kaya sa susunod na muna ‘yang gusto mo,” sambit ni Maricel sa kapatid.
“Sige na, ate, huli na talaga ito…” wika naman ni Carlo. Ngunit patuloy ang pagtanggi ng dalaga. Nauwi ito sa pag-aaway hanggang hindi na napigilan ni Carlo ang kanyang sarili.
“Badtrip ka naman, ate! Sinabi na ngang huli na ito. Ang damot mo! Siguro nagmamalaki ka na kasi alam mong ikaw ang bumubuhay sa amin. Sige, saksak mo sa baga mo ‘yang pera mo!” lubusang nasaktan si Maricel sa kanyang narinig.
Isang araw ay inutusan siya ng kapatid ng kanyang amo na ihatid ang isang bag sa isang kaibigan kapalit ang dagdag sweldo. Kahit may halong pagdududa ay tinangap niya ang pakisuyo nito dahil kailangan niya ng pera.
Habang patungo si Maricel sa pagdadalahan niya ng bag ay hinarang siya ng mga pulis. Doon ay tumambad sa kanya ang ilang mga kontrabando. Sinubukan niyang magpaliwanag, ngunit hindi siya pinakinggan ng mga awtoridad at tuluyan siyang kinulong.
Napabalita naman sa telebisyon at sa radyo sa Pilipinas ang nagyare sa kanya. Gulat na gulat ang pamilya ni Maricel sa kanyang sinapit.
“Paanong ang ate ninyo ay isang kasambahay? Hindi ba mataas ang posisyon niya sa trabaho niya?” wika ng kanilang ina. “Siguro ganyan talaga ‘yang ginagawa niya kaya malaki ang napapadala niya rito,” sarkastikong sagot naman ni Carlo.
“Ma, parang may hindi sinasabi sa atin ang ate,” wika naman ni Sandra. Agad silang gumawa ng paraan upang makausap nila si Maricel.
“Bakit ka gumagawa ng masama d’yan, Maricel? Lahat ng pinapakain mo sa amin, lahat ng tinutulong mo ay galing sa masama lahat ng iyon? Ano na lamang ang sasabihin ng mga tao sa atin? Na lahat ng meron tayo ay dahil d’yan sa ilegal mong ginagawa!” sambit ng kaniyang ina.
Hindi na napigilan ni Maricel pa ang kanyang mga sumunod na sinabi. “‘Yan pa talaga ang iniintindi ninyo? ‘Yung sasabihin ng mga tao? Pwede akong pumanaw dito, Ma!
Pagod na pagod na ako sa inyo! Alam n’yo ba ang nangyari sa akin dito at kung pagdudahan ninyo lang ako ay ganyan na lang?” umiiyak na saad ni Maricel.
“Ma, nawalan ako ng trabaho, pero dahil alam kong kailangan ninyo ako, naghanap ako ng ibang pagkakakitaan ng panandalian. Pumasok ako bilang kasambahay dito. Tapos nautusan ako ng kapatid ng amo ko, hindi ko alam na madadawit pala ako sa ilegal na transaksyon. Tiniis ko lahat, Ma…
Tiniis ko ang lahat para sa buhay na meron kayo. Pero alam n’yo ba ‘yan? Hindi, ‘di ba? Kasi wala man lang nagtanong sa inyo d’yan sa akin kung kumusta na ba ako?! Sa lahat ng tawag ninyo, lahat hingi.
Pero hindi ko ‘yan sinusumbat sa inyo kasi nangako ako kay Papa na bibigyan ko kayo ng magandang buhay! Kaya pasensya na kayo kung sa tingin ninyo ngayon ay kahihiyan ‘tong dala-dala ko!” mariing pahayag ng dalaga.
Hindi na nakaimik ang kanyang ina sa mga sinabi ni Maricel. Unti-unti silang nakaramdam ng hiya sa dalaga. Humingi si Aling Susan, Sandra at Carlo kay Maricel ng kapatawaran, sapagkat ngayon ay batid na nila ang hirap na mga dinaranas nito sa ibang bansa.
Dali-dali silang humingi ng tulong sa gobyerno para mapawalang sala si Maricel, dahil tunay siyang inosente. Binenta na rin nila ang ibang kagamitan kabilang ang kotse upang makatulong sa kanilang gastusin. Naghanap naman ng trabaho si Carlo at ang asawa nito at maging si Sandra. Ang kani-kanilang mga anak naman ay naiiwan sa pangangalaga ni Aling Susan. Tulong-tulong sila sa ngayun na malagpasan ang pagsubok na ito sa kanilang buhay.
Hindi nagtagal ay napawalang sala na rin si Maricel at tuluyan nang umuwi dito sa Pilipinas. Nakahanap na rin siya ng trabaho at kahit kailan ay hindi na muling umasa pa sa kanya ang kaniyang mga kapatid. Isang namang malaking aral kay Maricel at sa kanyang pamilya ang nangyaring ito sa kanila.