Inday TrendingInday Trending
Hindi na Tayo Pwede

Hindi na Tayo Pwede

Dating magkasintahan sina Karen at Paul. Dahil na rin sa paulit-ulit na pambabae ng binata ay tuluyan na siyang hiniwalayan ng dalaga.

“Hindi ko na kaya ‘to, Paul. Paulit-ulit na lang. Baka nga hindi tayo ang nakalaan para sa isa-isa,” wika ni Karen.

Walang nagawa ni Paul nang tuluyan ng wakasan ni Karen ang kanilang relasyon. Alam naman ng binata na ito ay kanyang kasalanan. Ngunit sa dami nang babaeng nagdaan sa kaniya sa loob ng ilang taon ay hindi pa rin niya makalimutan ang dating nobyang si Karen. Walang araw na hindi niya inisip kung paano na lamang kung hinabol niya ito at ginawa sana ang tama.

Makalipas ang ilang taon, hindi sinasadyang magkrus ang landas nilang dalawa.

“Karen?” sambit ni Paul sa dating nobya. “Karen, ikaw na ba ‘yan?” Laking gulat ni Karen nang makita niya ang unti-unting paglapit ng binata sa kanya.

“Paul?” gulat na tanong ng babae. “Kumusta? Anong ginagawa mo rito?” dagdag na tanong naman ni Karen sa binata.

“Malapit dito ang trabaho ko. Ikaw? Kamusta ka? Anong ginagawa mo dito? Long time no see, ha?!” nagagalak na wika naman ng binata.

“May pinuntahan lang ako. Nakakatuwa naman at talagang sa ganito pa tayo magkikita. Ano nang balita sa’yo? Malamang ay hindi ka pa nag-aasawa ‘no? Malamang kasi babaero ka pa rin!” pangangantiyaw ni Karen.

“Hindi ah, nagbago na ako! Siya nga pala, may gagawin ka pa ba? Busy ka ba? Kasi gusto sana kitang yayain muna para makapag-kape. Wala lang, catching-up lang.

Alam mo naman matagal-tagal na rin…. Pero kung abala ka, siguro sa susunod na lang.” wika ni Paul.

“Siguro ayos lang naman. Basta siguraduhin mo lang na una ay ililibre mo ako at pangalawa, pangako mo naman na hindi ito networking,” natatawang biro ni Karen.

Nagpunta ang dalawa sa isang coffee shop. Hindi maiwasan ni Paul na manumbalik ang nararamdaman niya para sa dating nobya. Hindi rin niya maiwasan na hindi maialis ang kanyang mga tingin kay Karen sapagkat tila lalo itong gumanda sa paglipas ng panahon. Sa isip ni Paul, paano kaya niyang nagawang ipagpalit itong si Karen noon sa iba? At paanong hindi niya naalagaan ang pag-ibig nito noon?

Umorder sila ng kanilang iinumin. “Tulad ng dati, Paul,” sambit ni Karen sa dating kasintahan. Biglang kumabog ang didbib ng binata.

“Anong tulad ng dati? Anong ibig mong sabihin?” pagtataka naman ni Paul.

“Coffee Jelly. Ibig kong sabihin ay yung order ko ay yung tulad ng dati — Coffee Jelly,” nakangiting tugon naman ni Karen. Napabuntong hininga si Paul sa kanyang narinig. Kinakabahan kasi siya sa kanilang pagtatagpo, pero hindi rin niya maiwasan na magalak sapagkat nais niya talagang makita si Karen.

Nang makuha na nila ang kanilang inumin ay patuloy ang kanilang pagkukwentuhan. Kung titignan mo sila ay sadyang parang walang nagbago. Alam pa rin nila ang paboritong kulay, pagkain, kanta at pelikula ng bawat isa. Tila nagbabalik sa kani-kanilang alaala ang nakaraan. Inabot na sila ng ilang oras sa pagkukwentuhan lamang.

“Pwede ba akong magtanong sa’yo, Paul? Totoo lang kasi matagal ko na itong tinatago sa dibdib ko,” biglang naging siryoso si Karen.

“Sige, ano yun?” tugon naman ni Paul.

“Alam mo kasi sa tuwing ipinagpapalit mo ako sa iba noon ay sobra kung masaktan ako. Naisip ko, siguro hindi ako sapat sa para sa iyo. Bumababa ang tingin ko sa aking sarili. Ang gusto ko lang malaman, Paul, hindi nga ba ako naging sapat sa’yo?” pagtatanong ng dating nobya.

“Napaka-t*nga ko noon, Karen. Hindi ko napahalagahan ang pag-ibig mo. Siguro ay dahil masyado pa akong bata at masyado akong makasarili. Pero alam mo nang mawala ka sa akin, doon ko napagtanto na hindi ka lamang sapat. Sobra-sobra ka para sa akin,” tugon ng binata.

Dahil sa tanong na ito ni Karen ay naisipan na rin ni Paul na sabihin ang katotohanan sa dalaga. “Kay tagal kong hinintay ang araw ito na muli kitang makita, Karen. Walang araw na hindi kita naisip. Walang araw na hindi ko pinagsisihan ang mga maling nagawa ko sa’yo noon at walang araw na hindi ko naisip na sana maaari kong ibalik ang nakaraan at itama ko ang lahat.

Lagi kong hinihiling na bigyan pa ako ng pagkakataon na patunayan ko sa’yo ang nararamdaman ko. Kasi, Karen, hanggang ngayon, mahal pa rin kita,” Lakas-loob na pag-amin ni Paul.

Sa sobrang gulat ng dating nobya sa mga narinig niya mula kay Paul ay halos wala itong masabi. “Alam kong nakakabigla itong sinasabi ko sa’yo, Karen, pero ‘yan ang totoo. Kaya hindi ko na palalagpasin ang pagkakataong ‘to. Pwede bang ligawan kitang muli?” buong pusong sambit ng binata.

Tumitig sa kaniya si Karen at hinawakan ang kanyang kamay. “Paul, matagal kong hinintay na sabihin mo iyan sa akin. Matagal kong hinintay na patunayan mo sa akin na sapat ako para sayo at karapat-dapat tayo para sa isat-isa. Matagal kitang hinintay. Pero hindi ka man lamang dumating. Wala akong narinig mula sa’yo…” wika ni Karen.

“Hayaan mo akong itama ang lahat ngayon,” pagpupumilit ng binata.

“Patawarin mo ako, Paul, ngunit hindi na pwede… Hindi na maaaring maging tayo kasi kasal na ako,” tugon ng dalaga.

Nadurog ang puso ni Paul sa kanyang mga narinig. Sobrang pagsisisi niya na noong panahon na may pagkakataon siya ay hindi pa niya ito sinunggaban. Nais man niyang itama ngayon ang lahat ng mga pagkakamaling nagawa noon ay huli na ang lahat, dahil si Karen ay may asawa na. Sabay lumabas ng pinto ang dating magkasintan ngunit sa kanilang pag-uwi ay magkaibang landas ang kanilang muling tinahak.

Sa huling pagkakataon nagpalitan ang dalawa ng mga ngiti. Ngiting may pagpapatawad ang ibinigay ni Karen sa binata habang ngiting puno ng pait at pagsisisi naman ang mababakas sa mukha ni Paul.

Hinayang na hinayang ang lalaki sa pagkakataong nawala sa kanya. Bakit pa kasi napabayaan niya ang napakabait na taong gaya ni Karen? Habang buhay niyang pagsisisihan na napunta sa iba ang taong walang ibang ginawa kundi ang mahalin siya noon.

Walang kapaitan naman sa pusong namuhay si Karen kasama ang kanyang asawang nagparamdam sa kanya ng tunay at wagas na pag-ibig. Hindi man nakita ni Paul ang halaga niya noon, napansin naman ng lalaking tapat na nagmamahal sa kanya ang importansya niya bilang tao at babae.

Kaya sa mga umiibig at nagmamahal diyan, huwag hintaying mawala pa sa atin ang taong lubos na nagmamahal sa atin, bago pa man may dumating na bagong tao na magpapakita at magbibigay ng halaga sa kanila. Tayo kasi ay tao lamang na umiibig, nasasaktan ang napapagod din…

Advertisement