“Sinasabi ko sa’yo, Jude, hindi maganda ang pakiramdam ko riyan sa bago mong kaibigan. Kaya kung maaari, ngayon pa lamang ay lumayo-layo ka na d’yan sa Edgar na ‘yan!” wika ni Tiya Mareng sa kanyang pamangkin na si Jude.
“Naku, Tiyang! Nagpapapaniwala kayo sa mga sinasabi ng mga taga-riyan sa labasan. Hindi totoo ‘yan. Sa katunayan nga tinutulungan ako noong si Edgar na humanap ng trabaho,” sagot naman ng binata.
“Alam mo naman na kabutihan mo lamang ang inaalala ko. Ayokong maligaw ka ng landas,” pag-aalala ng matanda. Si Aling Mareng na ang tumayong ama at ina kay Jude mula pa ito ay bata pa. Nang pumanaw kasi ang kanyang ina mula sa isang karadaman at ang kanya namang ama ay sumama sa ibang babae, naiwan na sa pangangalaga ng matanda si Jude.
Ibinuhos ni Aling Mareng ang buong buhay niya upang maalagaan lamang si Jude. Hindi na nga ito nakapag-asawa pa sapagkat ang prayoridad niya ay ang pamangkin.
“Wala namang masama sa sinasabi ko. Ang sa akin lamang, Jude, piliin mo naman ang mga taong kakaibiganin mo,” dagdag pa ni Aling Mareng. Bali-balita kasi sa labasan na si Edgar daw ay isang talamak na ad*k. Bukod sa ad*k ay tulak din ito ng bawal na g*mot.
Malalagay talaga sa alanganin ang buhay ng binata kung patuloy ang pagsasama-sama niya kay Edgar. Ngunit matigas ang ulo ni Jude. Kahit na kasi ilang beses siya pangaralan ng kanyang tiyahin ay hindi siya sumusunod.
“Nakahain na ang pagkain mo at bumangon ka na, Jude. Bakit ba sobrang ginabi ka na ng uwi? Saan ka ba nagpuntang bata ka?” pagtatanong ni Aling Mareng. “Alam mo, Jude, kinakabahan ako sa tuwing kasama mo iyang si Edgar. Baka mamaya ay humandusay ka na lamang sa daan dahil d’yan sa lalaking ‘yan!” sambit ng tiyahin.
“Tiyang, ang aga-aga naman, ho! Puro na lang kayo panenermon d’yan! Saka wala naman kaming ginagawang masama ni Edgar. Sinama lang niya ako sa bilyaran ng kaibigan niya. Naglaro kami doon. Napasarap ang laro kaya nakipagpustahan siya, ‘yun lang ang nangyari, tiyang! Kaya wag na kayong nag-iisip-isip ng masama riyan,” tugon naman ng binata.
“Hindi mo maaalis sa akin ang mag-alala, Jude. Alam mo naman ang pagkakakilala ng mga tao r’yan kay Edgar. Bakit ba hindi ka makalayu-layo riyan sa lalaking ‘yan?!” galit na pahayag ni Aling Mareng.
“Sige, tiyang! Kayo na ho ang masusunod,” umoo lamang ang binata sapagkat ayaw na niya na makipagtalo pa sa kanyang tiyahin, ngunit wala siyang intensyon na sundin ito. Kinahapunan ay nagtungo pa rin siya kay Edgar.
“Pare! Kumusta? Kumusta na rin pala ‘yung trabahong sinasabi mo sakin?” pagtatanong ni Jude.
“Oo, sige, pare. Saka na natin pag-usapan ‘yan. Sa ngayon, samahan mo muna ako. May gagawin tayo!” paanyaya ng kaibigan. “Saan naman tayo pupunta?” tanong ni Jude. “Basta! Sumama ka na lang!” pagpupumilit ni Edgar.
Nang makarating sila sa lugar na sinasabi ni Edgar ay tumayo sila doon panandalian. Maya-maya ay may dumaan na lalaki. Palihim na nagpalitan si Edgar at ang lalaki ng kanilang mga dala. Pagkatapos ng transaksiyon na iyon ay binigyan ni Edgar si Jude ng limang daang piso. “Mabilis na pera, hindi ba? Magsasama ka lang sakin, Jude, marami pa ‘yan!” wika ni Edgar. May pag-aalinlangan man si Jude ay mas pinili na lamang niya ang sumama sa binata dahil tila napakadaling kitain ng sa salapi kay Edgar.
“Jude, akala ko ba ay lalayuan mo na ‘yang Edgar na ‘yan? Bakit ang sabi ng mga taga-rito ay madalas pa rin daw kayong magkitang magkasama. Jude naman, tayong dalawa na lamang ang meron tayo, baka kung mapano ka pa kakasama mo d’yan kay Edgar. Ad*k ‘yan, eh!” naiinis nang wika ni Aling Mareng.
“Tiyang, pwede ba, tama na ho?! Tinutulungan nga ako ni Edgar para kahit paano may panggastos tayo. Hindi ba kayo masaya na may nakakain na tayo lagi? Hindi ba ‘yan ang gusto ninyo?” tugon naman ng pamangkin.
“Ang sabi ko ay baka maaari kang maghanap ng trabaho! Marangal na trabaho, Jude! Siguro, gumagamit ka na rin ‘no?! Tulad n’yang sinasabi mong kaibigan mo!” napasigaw na si Aling Mareng sa galit.
“Bahala nga kayo riyan, tiyang! Isipin ninyo na ang gusto niyong isipin!” padabog na umalis ng bahay ang binata.
Nagtungo si Jude sa bahay ni Edgar. Nang makapasok siya ay nakita niya itong gumagamit ng bawal na g*mot.
“Pare! Tara, sumubok ka lang para mawala ‘yang inis mo! Sige na,” tila isang dimonyo na nag-aanyaya si Edgar. Sa inis ni Jude ay agad itong sumubok.
“Ito ang tingin nila sa akin, eh ‘di ito ang gagawin ko!” wika niya. Doon na nagsimulang gumamit ng ipinagbabawal na g*mot si Jude. Hindi niya alam na unti-unti na siyang nalululong dito. Madalang na siyang umuwi sa kanilang bahay at naging talamak na ang paggamit niya nito kasama ang kaibigang si Edgar.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng operasyon ang mga pulis at ang pangunahing pakay nila ay ang natoryus na nagtutulak at gumagamit ng masamang sangkap na si Edgar.
Nang makaramdam si Edgar ay dali-dali silang nagsusuot sa mga ginawa nilang butas upang makatakas. Pinaputukan ni Edgar ang mga pulis nang maaktuhan siya ng mga ito. Nagpalitan sila ng putok ng baril.
Ang hindi alam ni Jude ay nabalitaan ng kaniyang tiyahin ang nagaganap na operasyon kaya dali-dali itong nagtungo kila Edgar. Nakasalubong nila ang matanda na humahangos. At dahil na rin hindi malinaw ang pag-iisip ni Edgar ay inakala niya na ang tiyahin ng binata ay isa sa mga pulis. Kaya agad niya itong pinaputukan ng baril. Mabilis ang mga naging pangyayari ngunit napuruhan si Aling Mareng at agad niya itong ikinasawi.
Nang makita ni Jude ang sinapit ng tiyahin ay hindi siya makapaniwala. Parang nawala ang lahat ng tama niya mula sa gamot.
“Tiyang!” sigaw ni Jude habang tinatangka niyang buhatin ang bumagsak na katawan ni Aling Mareng. “Tiyang! Gumising kayo! Hindi pwede ito!” halos mapatid ang litid sa pagsigaw ni Jude.
“Pare, pasensiya ka na hindi ko naman alam kasi na tiyahin mo pala iyan–” pagapaliwanag ni Edgar. Napamura na lamang ang binata. Ngunit kahit anong galit niya ay hindi na mababalik pa ang buhay ng kanyang tiyahin na kumupkop sa kanya. Naabutan na sila ng mga pulis at tuluyan na silang nahuli at ikinulong.
Sising-sisi si Jude sa mga nangyare ngunit huli na ito sapagkat hindi na nito maibabalik ang buhay ng tiyahin. Napagtanto niya na kung sakaling nakinig lamang siya noon sa kanyang tiyahin ay hindi sana nila ito sasapitin.
Pinagdusahan sa likod ng rehas nina Jude at Edgar ang kanilang maling nagawa. Sa kulungan na ipinagluksa ni Jude ang tiyahin niyang ang tanging kagustuhan lamang ay mapabuti ang kanyang buhay.