Inday TrendingInday Trending
Ang Kuya Ko na Beki, Siya na din ang Aming Daddy At Mommy

Ang Kuya Ko na Beki, Siya na din ang Aming Daddy At Mommy

Si Mark ang panganay sa kanilang apat na magkakapatid. Lumaki ang magkakapatid sa piling ng kanilang mga lolo at lola, dahil nasawi sa aksidente noon ang kanilang mga magulang.

Dahil sa kahirapan, maaga natuto si Mark na magtrabaho at kumayod. Sa murang edad pa lamang ay siya na ang katuwang ng kaniyang mga lolo at lola sa pag-aalaga at pagpapalaki sa kaniyang mga kapatid. Hindi lang ito ang dinaranas ni Mark, siya rin kasi ay isang binabae, kaya hindi rin siya makaligtas sa panlalait at pangungutya ng ibang tao.

Pero kahit na ganon ay hindi ito naging hadlang upang mas pagsumikapan ni Mark ang kaniyang trabaho upang maitaguyod ang kaniyang mga kapatid. Bukod sa pagiging parlorista, nagma-make up artist rin siya sa mga kasal at debut.

Dahil matatanda na ang kaniyang mga lolo at lola, at madalas ay wala siya sa kanilang bahay, dahil sa pagiging abala sa pagtatrabaho, hindi maiwasan na magkulang sa gabay at pangaral ang kaniyang mga nakababatang kapatid. Kaya labis na lang din ang panghihinayang na naramdaman ni Mark nang malaman niya na ang kaniyang babaeng kapatid ay nagdadalang tao sa murang edad.

Si Nicole, pangalawa sa magkakapatid at nag-iisang babae sa kanila, ay nasa 18-anyos pa lamang. Dahil kulang sa aruga ng mga magulang, kaniyang pilit hinanap ang pag-aalaga na ito sa mga lalaking nagiging nobyo niya. At sa di inaasahang pangyayari, nabuntis si Nicole ng kaniyang nobyo na kasing-edad at kaparehas niyang nag-aaral pa lamang.

“Ayan na si Kuya Mark mo. Sabihin mo na sa kaniya!” wika ng lola ni Mark nang umuwi ito galing trabaho.

“Bakit lola? Ano po ‘yun?” tanong ni Mark habang inilalapag ang mga dalabg make-up na ginamit sa isang kasal na pinuntahan.

Walang sumasagot sa kanila at mahabang katahimikan lant ang narinig nito. Nilingon niya ang kaniyang lola at si Nicole. Tulala ang dalaga at di mapakali sa kaniyang upuan.

“Ano ‘yun, Nicole?” nagtatakang tanong ni Mark. “May problema ba?” dagdag na tanong nito.

“K-kuya…” utal na sabi ni Nicole na pjnagpapawisan na sa kaba. Natatakot kasi siya sa maaring maging reaksyon ng kaniyang kuya Mark.

“K-kuya…” utal pa rin niya sabi at hindi na mabigkas ang nga susunod na salita.

“Ano ba Nicole?! Sabihin mo na! Pinapakaba mo ko sa pautal-utal mong pagsasalita,” sigaw ni Mark dahil sa inis.

“K-kuya… B-buntis po a-ako…” mahina at nanginginig na sabi ni Nicole at tuluyan nang humagulgol ito sa pag-iyak.

“Kuya… Sorry…” saad ni Nicole na walang humapay sa pag-iyak.

Tahimik at natulala si Mark sa kaniyang narinig. Tila nabigla din siya sa sinabi ng kapatid. Ang lola naman nila ay nilapitan si Nicole at hinamas ang likod at pinunasan ang pawis nito.

“Kelan pa ‘yan? Nagpacheck up ka na ba?” mahinahong sagot ni Mark.

Nagulat si Nicole dahil hindi niya inaasahan ang naging reaksyon ng kaniyang kuya. Mas lalo tuloy itong napaluha, at maging ang lola niya ay naiyak na rin sa nasasaksihan sa kaniyang mga apo.

“Hindi pa po kuya. Nung nakaraang linggo ko lang po nalaman,” humihikbing sagot ni Nicole.

“O siya. Day off ko bukas. Maaga kang gumising at sasamahan kita magpacheck up, para alam natin kung parehas kayong malusog ng bata,” wika ni Mark.

“Pasamahin mo pala ang nobyo mo. Alam na ba ito ng nga magulang niya?”

“Opo kuya. Alam na po at paninindigan niya naman daw po ako,” umiiyak pa rin na sagot ni Nicole.

“O siya. Tumahan ka na diyan at baka makasama ‘yang pag-iyak mo sa baby,” nakangiting sabi ni Mark.habang patuloy sa pagaayos ng mga gamit sa bahay.

Natuloy ang lakad ng magkapatid at maayos na nakapagpacheck-up si Nicole sa ospital. Kasama nila ang kaniyang Kuya Mark at siya mismo ang gumastos sa lahat ng bayarin.

Lumipas ang ilang linggo at hindi mababakas kay Mark ang galit at pagkadismaya sa nangyari, sa halip mas ipinadama niya ang pag-aaruga sa kaniyang kapatid.

Nagpatuloy ang ilang buwan at ni minsan ay hindi nawaglit sa isip ni Mark ang mga oras ng check up ni Nicole. Lagi niya itong sinasamahan, lalo na at nakahanap na ng trabaho ang nobyo ni Nicole. Nagsasama na rin ang dalawa at nakikituloy sa bahay nila Nicole. Ayaw rin kasi ni Mark na mawaglit sa kaniyang mata ang nagdadalang taong kapatid.

“Apo. Natutuwa ako at hindi galit ang naging reaksyon mo nang malaman mo ang nangyari sa iyong kapatid,” sabi ng lola ni Mark nang minsan ay umuwi si Mark nang gabing-gabi at nakausap saglit ng kaniyang lola.

“Oo nay. Inisip ko pong maigi ang naging reaksyon ko. Sa totoo lang nay, nadismaya ako, dahil nagsisikap ako na magtrabaho upang mabigyan ng maayos na kinabukasan ang mga kapatid ko tapos malalaman ko na lang na ganun ang nangyari,” wika ni Mark.

“Ngunit naisip ko nay na wala rin magagawa ang magalit sa kaniya. Tulad ko na lumaki ng walang magulang, alam ko rin ang nararamdaman nila. Siguro nga ay nagkulang ako sa pangaral sa aking mga kapatid, pero sa pagkakataon na ito nais kong ipakita kay Nicole ang pag-aalaga at pag-unawa na dapat niyang maramdaman, upang sa oras na siya ay maging ganap nang ina, maibigay niya rin sa kaniyang anak ang pagmamahal at pag-aalaga na naiparamdam ko sa kaniya,” paliwanag ni Mark sa kaniyang lola.

“Masaya ako Mark at lumaki kang isang mabuting apo at kapatid,” wika ng kaniyang lola na nakayakap kay Mark.

“Kaya kahit ano ka pa man apo, kahit magsuot ka man ng wig o ng palda, ipagmamalaki kita apo ko,” sambit ng lola niya habang patuloy siyang niyayakap nito.

At tulad nga ng sabi ni Mark, hindi siya nawala sa oras na kailanganin siya ni Nicole. Nang minsan nga na sumahod ng lumaki si Mark ay isinama niya ang kapatid upang mamili ng gamit ng kaniyang magiging anak. At dahil nagtatrabaho na ang nobyo ni Nicole, si Mark ay nagleave sa kaniyang trabaho ng isang linggo dahil malapit na manganak ang kaniyang kapatid.

Kahit na lalambot-lambot at mahinhin na lalaki si Mark dahil sa kaniyang piniling kasarian, hindi ito naging hadlang upang mabuhat ang manganaganak na kapatid at maayos niyang naihatid si Nicole sa ospital. Siya ang naging punong-abala sa lahat ng kailangan gawin at bayaran sa ospital. Kasama ang kaniyang lola ay matiyaga nilang binantayan at inalalayan si Nicole.

“Ito na po si baby. Nalinis na po namin siya. Mommy, hawakan niyo po si baby at idikit sa dibdib niyo,” wika ng pumasok na nars habang karga-karga ang sanggol.

“Ay nay! Andiyan na ang baby natin!” tuwang-tuwang hiyaw ni Mark.

“Napakaganda naman ng aking apo sa tuhod,” wika naman ng lola nila.

“Naku naku! Kamukha ko ata ang anak mo Nicole. Parehas kaming maganda! Bongga!” sabik na sabi ni Mark habang sinisilip ang sanggol pa na pamangkin.

“Paano naman ako kuya?” birong sabi ni Nicole.

“Aba, syempre. Mas kamukha ka, sexy at maganda!” masayang wika ni Mark.

Natawanan ang lahat maging ang nars na nasa loob ng kwarto. Magdamag na si Mark ang nagbabantay sa kanila rito. Talagang sinusulit niya ang bawat pagkakataon na maalagaan at maasikaso ang kapatid.

“Kuya…” tawag ni Nicole nang minsan ay maabutan niyang nakatulog sa kaniyang tabi ang kuya niya na nakasubsob sa kama.

Agad naman lumingon si Mark dahil hindi pa pala ito nakakatulog.

“Bakit beh? May kailangan ka?” tanong ni Mark sa kapatid.

“Akala ko tulog ka na kuya. Wala lang po. Ano ba yan! Akala ko kasi tulog ka na,” nahihiyang sabi ni Nicole.

“Eh ano ba kasi yon? Pasaway ka!” natatawang sabi ni Mark.

“Wala naman ‘yon kuya. Gusto ko kuya na magpasalamat sayo. Salamat kasi hindi mo kami pinapabayaang magkakapatid, at katulad ngayon ay inaalagaan mo ako kahit na nagpasaway ako,” wika ni Nicole na noon ay naluluha na.

Ngayon pa lamang kasi ito makakapagpasalamat sa kaniyang Kuya Mark sa lahat ng sakripisyo na gjnagawa nito para sa kanila.

“Salamat kuya kasi hindi mo kami pinapabayaan. At kahit na magkamali ay hindi mo kami pinagsasabihan ng masasamang bagay, at mas tinutulungan mo kami bumangon at itama ang mga pagkakamali namin. Napakaswerte namin sayo Kuya, ay Ate pala,” biro pa ni Nicole.

“Napakatatag mo kuya, kasi kahit na minsan ay nakakarinig ka ng panlalait galing sa iba, dahil sa iyong kasarian, hindi ‘yon naging hadlang upang maging mabuting kapatid ka sa amin. At tulad mo ay magsisikap din ako, upang mabusog ko ng pagmamahal at pag-aaruga ang aking anak,” wika pa ni Nicole.

“Tama yan beh. Iyan ang lagi mong tatandaan, ang maging mabuting magulang sa iyong magiging anak. Ikaw ang maghuhubog sa kaniya bilang isang tao, kaya dapat ay pagsikapan mo na mapalaki mo siyang tama.

Alam ko lumaki tayo nang hindi man lang nakaramdam ng pagmamahal mula sa ating mga magulang, pero hindi tayo iniwan nila lolo at lola. Kaya rin hanggang sa aking makakaya ay inunawa at minahal ko kayo, dahil tayo lang ang meron ang isa’t isa,” naiyak na sagot ni Mark.

“Naku! Tama na ang drama. Matulog ka na diyan. Maaga ka pang magpapadede kay baby,” pagtatapos ni Mark sa usapan.

Lumipas ang ilang buwan at naging masaya at nadagdagan na ang pamilya nila Mark. Nakaipon naman ng pera ang nobyo ni Nicole, at matagumpay nilang naidaos ang binyag ng kanilang baby. At syempre, ninang ang pinakamabuting at mapagmahal nilang si Kuya Mark.

Advertisement