Binata pa lang si Fernan at Renato nang magsimula ang kanilang pagkakaibigan. Bilang magkapitbahay at magkabarkada, laging magkasama ang dalawa. Sanggang dikit kahit saan at kahit anong mangyari.
Saksi sila sa hirap at saya na pinagdaanan ng isa’t isa. Nagkaroon ng mga sariling pamilya at buhay, ngunit kahit na ganoon ay hindi nawala ang pagkakaibigan ng dalawa. Kahit na ngayong mga senior citizen na sila at mga biyudo na, hindi pa rin nagbabago ang kanilang samahan.
Kasalukuyang may kaniya-kaniya na ring pamilya ang kanilang mga anak. Sumakabilang-buhay na rin ang kanilang mga asawa kaya madalas ay sila na lang mag-isa sa kanilang mga bahay. Dinadalaw na lamang sila ng kanilang mga apo kapag walang pasok at bakasyon.
Kaya mas lalong napagtibay ang pagkakaibigan ng dalawa. Sabay na mag almusal ng pandesal at kape sa umaga, minsan ay magyaya ang isa na magjogging sa plaza, kapag tanghalian naman o hapunan ay sabay na sila kumain. Walang iwanan tulad nga ng laging sinasabi ng magkakaibigan. Ngunit hindi nila sukat akalain na isang babae pala ang susubok sa kanilang samahan.
Bagong lipat sa kanilang lugar ang isang matandang babae, halos katapat lamang ito ng magkatabing bahay ni Fernan at Renato. Noong una ay hindi nila ito pinapansin, dahil hindi naman bago sa kanila ang mga bagong lipat sa kanilang lugar. Halos napapaligiran kasi ang bahay nila ng mga paupahan.
Ngunit tila nabighani ng matandang babae ang puso ng dalawang magkaibigan. Tuwing umaga kasi kapag ngkakape sila sa labas ng kanilang bahay ay nasisilayan nila ang babae na masipag na nagwawalis at nagdidilig sa ng mga halaman sa tapat ng kaniyang munting inuunapahan.
Maaliwas ang mukha at laging nakangiti. Hindi tuloy mababakas sa kaniyang mukha ang pagkatanda nito. At dahil palakaibigan ang dalawabg matandang lalaki, minsan ay kinausap nila ang babae at nakipagkilala.
“Magandang umaga! Kape tayo?” bati ni Fernan sa matandang babae habang ito ay nagwawalis.
“Ay magandang umaga rin! Salamat, pero nagkape na ako kanina,” sagot ng babae.
“Pandesal? Bagong bili lang namin nito,” pag-aalok na sabi ni Renato.
“Sige. Salamat na lang. Ako’y busog pa naman,” sagot naman ng babae.
“Ako nga pala si Renato, at siya naman ang kaibigan kong si Fernan,” pagpapakilala ni Renato sa matandang babae na tila ba ay nagpapapogi siya rito.
Napangiti naman si Fernan at ikinaway ang kamay na hawak na kape.
“Ah ‘yan pala ang mga pangalan niyo. Kinagagalak ko na kayo ay makilala. Ako nga pala si Zenaida. Nung nakaraan lang ako lumipat dito dahil kinailangan ko ng bumukod sa pamilya ng aking kapatid. Wala pa ako masyadong kakilala kaya salamat sa magandang pagbati at pagpapakilala,” wika ni Zenaida.
“Wala ‘yon. Wag kang mahiya dito sa ating lugar. Mababait at pala-kaibigan kaming lahat dito,” wika ni Fernan.
At habang nagwawalis at nagdidilig ng kaniyang mga halaman si Zenaida, nakipagkwentuhan sa kaniya ang dalawang magkaibigan na noon ay nakatambay lang sa harap ng kanilang bahay na katapat lang mismo ng bahay ni Zenaida.
Napag-alaman nila na hindi nagkakalayo ang kanilang mga edad. Sila Fernan at Renato ay nasa 60-anyos na si Zenaida naman ay 55-anyos na. Dahil magkakalapit ang kanilang mga edad, mas lalong naging madali para sa kanila na maging malapit sa isa’t isa. Naikwento nila ang buhay ng bawat isa, at maging si Zenaida ay naikwento rin ang kaniyang buhay na siya ay isang biyuda na rin ngunit walang naging anak.
Nang mabuyida daw ito ay pinili niyang sumama sa pamilya ng kaniyang kapatid, ngunit dahil marami na ang mga anak at apo nito, kinailangan nang bumukod ni Zenaida kaya humanap ito ng mauupahan.
Lumipas ang mga araw at buwan at tuluyan na ngang naging magkaibigan sila Fernan, Renato at Zenaida. Kung dati ay silang dalawang lalaki lang ang nagkakape sa umaga, ngayon ay sinasamahan na sila ni Zenaida na minsan ay nagluluto rin ng almusal at ibinabahagi sa kanila. Minsan ay sumama rin ito sa pagjojogging ng dalawa sa plaza.
Kapag naman may lutong pagkain si Zenaida at wala pang naluluto ang dalawa, inaaya na lamang niya ang mga ito sa kaniyang bahay upang doon kumain. Naging maasikaso at mabait na kaibigan si Zenaida sa dalawang magkaibigan kaya hindi naging malabo na magustuhan nila ito.
“Ang bait ni Zenaida,” wika ni Fernan habang sila ay naglalakad ni Renato pauwi galing plaza.
“Oo nga eh. Maasikaso pa. Hindi malabo na magkagusto ako sa kaniya,” wika ni Renato.
“Ako nga rin eh. Minsan nga ay napapangiti pa ako sa tuwing makikita ko siya,” nakangiting sabi naman ni Fernan na kinikilig.
Hinangaan ng dalawa ang kagandahan ni Zenaida maging ang kabutihan nito. Ngunit kahit na ganoon ay pinili pa rin ng makaibigan na hangaaan si Zenaida sa malayo. Pero nagbago ang lahat nang mapalapit si Zenaida kay Renato.
Isang beses noong nagbakasyon si Fernan sa kaniyang anak. Tanging si Renato at Zenaida lang ang magkasama sa loob ng dalawang buwan.
“Zenaida, maari ba kitang yayain mamasyal? Halika at kumain tayo sa labas?” nakangiting pag-aya ni Renato
Pumayag naman si Zenaida at nagmistulang isang date ang kanilang lakad. Nag-ikot sa parke at kumain sa labas na may kasama pang masayang kwentuhan. Dahil dito ay lumalim pa ang pagkakakilala ng dalawa sa isa’t isa. At naulit pa ng ilang beses ang kanilang pamamasyal. Tinatahi rin ni Zenaida ang mga sirang damit ni Renato at tinuruan pa nga niya ito magtanim ng halaman.
Marami ring nangyari sa loob ng dalawang buwan na wala si Fernan. Kaya nang makabalik ito ay napansin niya agad ang pagbabago sa samahan ng dalawa. Hindi maiwasan ni Fernan ang magselos dahil naging malapit na ang dalawa sa isa’t isa, minsan nga ay nakakalimutan na nilang yayain si Fernan sa tuwing magkakape at magpupunta sila sa plaza.
Kaya ayaw man ni Fernan na magkaroon ng sama ng loob sa kaibigan, hindi niya ito maiwasan. At para makaiwas na lamang sa gulo ay hinayaan na lang niya ang dalawa na mas maging malapit at iniwas na lamang niya ang kaniyang sarili.
At habang patuloy na nagkakamabutihan si Renato at Zenaida, unti-unti namang nagkalamat ang pagkakaibigan ni Fernan at Renato.
“Mukhang napapalapit na kayo sa isa’t isa ah?” wika ni Fernan nang minsan ay makasabay niya magkape sa umaga si Renato.
“Ah oo. Halos parehas kasi kami ng hilig. Tinuruan niya nga akong magtanim ng mga halaman na ito,” kinikilig na sagot ni Renato habang itinuturo ang mga bagong tanim na gumamela sa harapan ng kaniyang bahay.
“Ganun ba? Napakaigi naman pala kung ganoon. Kita ko nga ang saya sayong mukha eh,” sagot ni Fernan na may halong selos at pagtatampo sa boses nito.
“Tara, samahan mo akong magjogging sa plaza. Hindi ako nakapagjogging doon sa lugar ng anak ko at napakaraming tao at kotse,” pag-aaya ni Fernan upang iwasan ang selos na nararamdaman.
“Naku Fernan, nais man kitang samahan ngayon, ngunit magpupunta kasi kami ni Zenaida sa bayan at bibili ng ibang halaman na itatanim,” wika ni Renato.
Hindi na umimik si Fernan at hinayaan na lang niya ang kaibigan na maging masaya. Ngunit laking gulat nito nang sumapit na ang gabi ay narinig niya ang kaibigan na kumakatok at tinatawag siya sa labas ng kanilang bahay.
Pinagbuksan niya ng pinto si Renato at kinamusta.
“Oh bakit ka nakasimangot diyan pare. May nangyari ba?” pag-aalalang tanong ni Fernan. Pinatuloy niya ito sa kanilang sala.
“Nagtapat na kasi ako ng nararamdaman ko kay Zenaida, ngunit sinabi niya na kaibigan lang ang tingin niya sa akin,” malungkot na sabi ni Renato na tila ba maiiyak na.
“Sinabi niya na mahal niya pa rin ang yumao niyang asawa at walang ibig sabihin ang kung ano man ang mga bagay na ginagawa niya para sa akin,” patuloy na kwento ni Renato
“Akala ko kasi ay gusto niya rin ako, ‘yun pala ay sadyang malapit lang ito sa kaibigan at maalaga. Naikwento niya pa sa akin na sa makalawa ay aalis na siya at lilipat ng muli sa bahay ng kaniyang kapatid,” malungkot na pagkwento ni Renato.
Inilabas naman ni Fernan ang natirang alak nila noon ni Renato na plano nilang ubusin dalawa sa susunod na sila ay mag-iinuman.
“Oh eto pare, inumin mo muna to. Pangpahapdi ng nararamdaman,” birong sabi ni Fernan.
Sa pagkakataong iyon ay walang selos na naramdaman si Fernan sa kaniyang kaibigan. Hindi dahil nalaman niyang walang gusto si Zenaida kay Renato, kundi dahil alam niya na kailangan siya ng kaniyang kaibigan sa oras na ito.
“Hindi talaga natin maiiwasan pare na hindi masaktan lalo na kung tayo ay umiibig. At kahit na may katandaan na tayo, talagang makakaramdam pa rin tayo ng paghanga sa ibang tao. Pero hindi dahil ‘di tayo gusto ng gusto natin ay magpapakalugmok na tayo sa kalungkutan,” wika ni Fernan.
“Ikaw naman pare, parang bago ‘to sayo ha. Noong kabataan natin ay ilang beses kang nangbabae at ilang beses ka rin bang nabasted? Halos manhid ka na nga sa ganiyan ‘di ba?” pabirong wika ni Fernan.
“Nagseselos na nga ako sa inyong dalawa. Hindi ko nga alam kung selos kasi mas malapit si Zenaida sayo, o selos kasi nakalimutan mo yung samahan nating dalawa nung nahulog ang loob modiyan kay Zenaida,” dagdag pa ni Fernan.
Tahimik na nakinig si Renato at bahagyang natawa sa mga sinabi ng kaibigan niya. Dito ay naisip niya na hindi dapat siya magpaapekto sa kalungkutan na naramdaman niya sa pagkabigo sa pag-ibig kay Zenaida. Lalo na nang maalala niya ang yumaong asawa niya na tunay niyang minahal at naging kasama na bumuo ng pamilya.
“Matanda na tayo Renato. Kung tutuusin ay naramdaman na natin ang wagas at tunay na pag-ibig sa mga yumao nating asawa. Maari man tayo makahanap ng pag-ibig muli at swertihin, pero kung hindi man at mabigo ay ayos lang ‘yon,” ani Fernan.
“Nandiyan ang mga anak at mga apo natin upang alayan ng ating pagmamahal,” dagdag ni Fernan.
Doon ay napatunayan ni Renato na tunay niyang kaibigan si Fernan. Kahit na nagkaroon ng kaunting tampuhan dahil kay Zenaida, hindi pa rin kinalimutan ni Fernan ang maging tunay kaibigan sa kaniya.
“Salamat pare at andiyan ka. Kailanman ay mas higit na mahalaga nga ang pamilya at pagkakaibigan sa kahit ano pa man,” wika ni Renato na kinakitaan na ng ngiti sa kaniyang mukha.
“Pasensiya ka na kung ika’y nakalimutan ko nang nahumaling ako kay Zenaida,” nakangiting sabi ni Renato.
“Sabi nga ng apo ko, pokmaru daw. Marupok lang kasi ang kaibigan mo,” natatawang sabi ni Renato na tila banapawi na ang kabiguan sa kaniyang puso.
Nagpatuloy ang inuman ng dalawang magkaibigan na walang sawang nagkwentuhan at inalala ang masasayang pangyayari sa kanilang pamilya at samahan.
“Walang iwanan!” sabay na wika ng dalawang magkaibigan at sabay na ininom ang huling tagay ng alak.
Kinabukasan, balik na sa normal ang lahat. Sabay na nagkape ang dalawa sa labas, habang nagwawalis si Zenaida sa tapat ng kaniyang bahay. Nagkwentuhan ang tatlo at naikwento nga ni Zenaida ang plano nitong pagbalik ulit sa bahay ng kapatid, dahil kailangan raw ang tulong nito kasi dalawa sa kaniyang pamangkin ay manganganak na at siya ang tutulong sa pag-aalaga.
At sa natitirang araw ni Zenaida sa kanilang lugar, ay napagdesisyunan ng tatlo na sabay na mamasyal at sulitin ang nalalabing oras na sila ay magkakasamang tatlo. Tila isang bagong pagkakaibigan na nabuo sa maikling panahon.