Inday TrendingInday Trending
Basta’t Para Sa’yo

Basta’t Para Sa’yo

“Nay, nay, gusto ko po ng french fries saka ng spaghetti. Doon po oh, sa McDonald’s,” ‘ika ng bata habang tinuturo ang kilalang fast-food chain.

Agad namang dumukot ang ginang sa kaniyang bulsa at siyang binilang ang pera mula rito.

“Oh sige anak, halika’t ibibili ka ni nanay ng french fries at spaghetti, samahan natin ng ice cream para masarap ang kain mo. Okay ba ‘yon?” tugon ng ina na sya namang ikinagalak ng bata.

Tumungo na ang dalawa sa fast-food chain na noo’y nasa kabilang kalsada lamang. Pinaupo ng ginang ang bata sa isang bakanteng upuan malapit sa counter at siya na itong umorder. Matiyagang naghintay ang batang babae sa kaniyang ina hanggang sa bumalik ito dala ang isang tray, laman ang kaniyang hiniling na pagkain. Isang pinggan na may lamang spaghetti, large fries, softdrinks, at isang sundae cone ang bumungad sa bata na siayang naging dahilan ng paglapad ng ngiti nito.

Agad kumuha ng french fries ang bata at saka sumubo ng isang kutsarang spaghetti. Makikita ang saya sa mga mata ng batang babae habang kumakain ito. Makailang subo pa ay napatigil sa pagkain ang bata.

“Nay bakit po hindi ka kumakain?” tanong ng bata sa kanyang ina na noo’y nakangiti siyang sinusubaybayan.

“Nako, eh busog kasi si nanay. Tingnan mo oh, ang laki nga ng tiyan ko!” sabi ng ginang habang hinihimas ang kaniyang tiyan na siya namang dahilan ng pag hagikgik ng batang babae. “Kaya kumain ka lang ng kumain siyan. Ang gusto ni nanay ay iyong palagi kang busog.” dagdag pa nito.

“Nay, sa susunod yung chicken naman ang bibilhin natin ha? Mukhang masarap kasi iyon. Saka gusto ko sabay na tayong kakain!” sabi ng bata sa noo’y nakangiti pa rin niyang ina.

“Oo naman! Kung gusto mo, pati iyong mga laruan d’yan ay ibili ka ni nanay eh!” tugon nito na may halong pagkasabik. Nakangiting tumango tango ang bata bilang tugon ditto.

Pagkatapos kumain ng bata ay nagyaya naman ito sa parke. Doon ay naglakad lakad ang mag ina, at naupo sa damuhan.

“Nay, kapag nakapag tapos na ako ng pag aaral, ikaw naman ang ililibre ko sa McDonald’s. Tapos ibibili kita ng mga mamahaling damit, saka malaking bahay, saka yung magandang kotse. Hindi na tayo sasakay ng jeep kapag lalabas tayo. Tapos hindi na tayo titira doon sa bahay natin ngayon,” nakangiting sabi ng bata.

“Kaya nga pinagsisikapan ni nanay na makapasok ka sa eskwela. Lahat ng ginagawa ni nanay ay para lang sayo, kaya huwag kang tatamarin mag-aral ha? Palagi mong iisipin na ang lahat ng bagay na pinaghihirapan nating dalawa ay para sa’yo. Para sa kinabukasan mo,” tugon ng ginang sabay niyakap ang anak at niyaya na itong umuwi.

Nang makarating sa bahay ay agad nang inasikaso ng ina ang anak. Pinaliguan na niya ito at binihisan at saka ibinilin sa kapitbahay. Tuwing gabi ay umaalis ito dala ang lumang kariton na iniwan ng kaniyang yumaong asawa, at saka nangongolekta ng mga basura.

Hindi alam ng batang babae na ito ang hanapbuhay ng kaniyang ina, ngunit mas pinili ng ginang na ilihim ito sa kaniyang anak upang hindi ito mapahiya sa kaniyang mga kaklase. Lahat ng pangangailangan at kagustuhan ng anak ay iniraraos ng babae sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga bote at iba pang bagay mula sa mga basurahan sa palibot ng kalakhang Maynila. Hindi alintana ng ginang ang pagod at gutom, basta’t matustusan lamang ang pag aaral ng anak. Batid nitong maraming pangarap na nais matupad ang batang babae kung kaya’t pagsisikap at tiyaga ang kaniyang baon gabi gabi sa pagta-trabaho.

Bukod sa pangongolekta ng basura ay namamasukan bilang kasambahay ang ginang. Inihahatid nito ang anak sa eskwela at saka pupunta sa kaniyang amo upang maglaba, mamalantsa at maglinis ng bahay. Kapag oras na ng uwi ng anak ay siya niya itong susunduin at saka sila sabay na uuwi. Kung minsa’y magyayaya ang bata kumain sa labas o kaya nama’y mamasyal kung kaya’t para makatipid ay tinitiis ng babae ang gutom para maibigay ang kagustuhan ng anak.

Tatlong taong gulang noon ang bata nang sumakabilang buhay ang asawa ng ginang mula sa isang sunog sa dating pabrikang pinagta-trabahuhan nito. Simula noon ay mag isa nang kumakayod ang babae para tustusan ang pangangailangan at pag-aaral ng nag-iisang anak.

Tumatak sa isip ng bata ang lahat ng paghihirap at sakripisyo ng ginagawa ng kanyang ina para lamang mabigyan siya ng magandang buhay. Kaya naman itinaga niya sa bato na paghuhusayan niya ang pag-aaral bilang ganti sa lahat ng ginagawa ng kanyang nanay.

Mabilis na lumipas ang mga taon, at ngayon nga’y isa nang ganap na abogado ang batang si Sheryl. Bakas sa mukha at pangangatawan ng kanyang ina ang maraming taong pangangamuhan at pagtatrabaho upang mairaos ang edukasyon ng kanyang anak.

“Mama? Tara po at magbihis na kayo! Naghihintay na po ang driver natin sa labas,” nakangiting sabi ni Sheryl sa ina. Naging mabilis ang pag-unlad niya dahil sa kakaibang galing nito sa piniling propesyon. Kaagad niyang naibili ng sariling bahay at lupa ang ina, nakapagpundar ng negosyo na ngayon ay pinagkakalibangan ng nanay niya, at nakabili na rin ng sariling sasakyan na gagamitin nilang mag-ina. Lahat ng ipinangako niya sa nanay niya ay natupad niya nga.

“Ganoon ba? O sige, anak. Saan tayo pupunta?”

“Kakain tayo ng french fries at spaghetti, mama. Pero ngayon, tayong dalawa na ang sabay na kakain. Kung gusto mo nga’y bilhin mo pa ang lahat ng nasa menu e!” nakangiting sabi ni Sheryl habang nakayakap sa kanyang ina. Ito ang naging paraan niya upang magpasalamat.

Maluha-luha naman ang ina sa pasasalamat dahil hindi lahat ng kagaya niyang nagsisikap ay mayroong anak na marunong tumupad ng mga pangako.

Advertisement