Gusto Kong Maging Masaya
“Okay ka lang ba?”
Apat na salita lang ang sinabi ng lalaki pero hindi natahimik na lamang si Abigail. Sa totoo lang, masakit ang kaliwang tuhod niya dahil sa gasgas na nakuha nito sa pagkakabangga ng bike ng binata sa kaniya.
Sa kabilang banda ay gusto nitong sabihin na nasa maayos siyang kalagayan upang makaalis na ang dalaga sa kaniyang kinatatayuan. Halatang nanginginig at kinakabahan si Abigail sa pagkakatitig ng binata at pageksamin nito sa buong katawan ng babae para masigurong wala itong natamong malalang sugat.
“A–ayos lang ako… p–pasensya na…” lalakad na sana palayo ang dalaga nang hawakan ng lalaki ang kaniyang braso. Napalunok ang dalaga at dahan dahang hinarap muli ang lalaki.
“Nagdudugo yung tuhod mo. Gagamutin na kita.” Nanlaki ang mga mata ni Abigail sa kaniyang narinig ngunit hindi na rin nakatanggi ang dalaga.
Agad bumaba sa bike ang lalaki at itinabi ito sa kalapit na puno. Kinuha niya mula sa basket ang maliit na bag na may laman palang first aid kit. Hinawakan nya ulit ang braso ng dalaga at inalalayang makaupo sa isa sa mga bench. Lumuhod ang binata sa harap ni Abigail at agad inilabas ang bulak, alcohol, betadine, at gasa.
Magsasalita na sana ang babae para magpasalamat nang biglang ibuka ng binata ang kaniyang bibig. “Walang anuman. Kahit sino naman ang makadisgrasya sayo ay gagamutin ka. Maliban nalang kung tarantado talaga yung taong makabangga sayo.” Kumunot ang noo ni Abigail sa sinabi ng lalaki dahil sa hindi niyang malamang dahilan ay parang nabasa nito ang isip ng dalaga.
“Saan ka ba nakatira? Ihahatid na kita pauwi, baka ano pang mangyari sayo sa daan. Lampa ka pa naman.”
“Ano?! H–hindi ako lampa no!” pasigaw na sabi ni Abigail matapos magsalita ng binata na syang ikinataas ng kilay nito. Noon na napansin ng dalaga na tapos nang gamutin ang kaniyang sugat at saka ito nilagyan ng gasa.
“Alam mo miss, sa halip na sigawan mo ako ay magpasalamat ka na lang. Uulitin ko, saan ka ba nakatira at ihahatid na kita pauwi,” pumaling sa kaliwa ang ulo ng lalaki na wari mo’y pusang nag aantay ng sagot. Umiling ang babae at saka nagsalita. “Ayoko pa kasing umuwi. Hindi pa oras. S–salamat pala sa pag gamot sa sugat ko. Hindi mo naman yon kailangang gawin.”
“Sige, sasamahan nalang kita hanggang sa magustuhan mo nang umuwi.” Seryoso pa din ang pinta ng mukha ng binata. May pagka-singkit ang mata nito, hindi naman katangusan ang ilong, at may magandang labi.
“Oh baka matunaw naman ako sa titig mo. Ano, saan mo gusto magpunta?” napalunok ang dalaga sa sinabi ng lalaki, hindi nito namalayang matagal na pala ang pagkakatitig niya sa mukha ng binata at napansin na niya yon. “Dito nalang, hindi naman na din ako magtatagal.” Napabuntong hininga si Abigail nang maramdaman nitong umupo ang lalaki sa kaniyang tabi. “I’m Nathan, how could I help? Parang balisa ka.. may problema ba?”
Umiling na lamang ang dalaga at saka nagpatuloy sa paglalakad. Hindi na nito pinansin ang bawat tawag ng lalaki sa kaniyang pangalan hanggang sa nakarating na siya sa ospital. Agad itong sinalubong ng nars na siyang nagbabantay sa kaniya.
“May galos ka na naman! Hindi ba’t sinabi ko sa’yo na huwag kang tatakas? Pwede naman kitang samahan kung gusto mong lumabas. Bilin sa akin ng mga magulang mon a huwag kang hahayaang umalis mag-isa,” aniyang tila nag-aalala.
Napabuntong hininga na lamang si Abigail saka dumiretso sa kaniyang kama. Halos araw araw ay tumatakas ito sa ospital para mamasyal at gawin ang kaniyang mga nais. Magdadalawang taon na ang dalaga sa ospital dahil sa malubha nitong sakit. Hindi siya pinapayagang lumabas mag isa dahil baka biglang humina ang kaniyang puso at hindi mamalayan ng mga nars na kritikal na ang knaiyang lagay.
Sabi ng mga doctor, wala pang lunas ang sakit ni Abigail, at simula noon ay sa ospital na na ito nakatira. Mayaman ang pamilya ni Abigail, at nabiyayaan ito ng mababait na magulang, ngunit dahil masyado silang tutok sa trabaho ay mga nars ang nangangalaga sa babae. Umaga, tanghali, at gabi ay pare-parehong bagay lamang ang ginagawa sa ospital; kain, pahinga, inom ng gamot. Nakakasawa rin kaya madalas na pumasyal ang dalaga sa labas.
Isang araw ay dumalaw ang mga magulang ni Abigail sa ospital. May dala silang mga bagong damit at mga bagay na pwede nitong pagkaabalahan.
“Mommy, daddy, iuwi nyo nalang po ako.” Hindi lang isang beses itong hiniling sa kanila ng dalaga ngunit paulit-ulit ang kanilang sagot.
“Mas maaalagaan ka rito, anak, kaunti nalang at pangako ay ako na ang mag aalaga sa’yo,” tugon ng kaniyang ina.
Tumango na lamang si Abigail. Pagdating ng gabi ay hindi ito makatulog kung kaya’t napag pasyahan ng dalagang tumakas ulit. Mas masayang lumabas sa gabi, tahimik at mapayapa ang paligid. Sa kaniyang paglalakad ay may nakasalubong itong isang pamilyar na mukha. Ngunit ngayo’y nakangiti siya habang papalapit sa babae.
“Nice to see you again here sa park. You remember me? Nathan,” sambit niya. Tumango si Abigail bilang tugon at saka iniabot ang kaniyang kamay.
“Ang pangalan ko ay Abigail. Pwede ba akong humingi ng pabor?” tanong nito na siya namang pagpaling ng ulo ni Nathan bilang tugon.
“Ipasyal mo naman ako, kahit ngayon lang. Wala akong curfew, kaya sana mapagbigyan mo ako,” pakiusap ng dalaga na siya namang ikinaliwanag ng mukhang binata.
Isinakay ni Nathan sa likuran ng kaniyang bike si Abigail at pinausot nya sa dalaga kaniyang helmet. Nagsimula na siyang gumaod na naging dahilan ng paghawak ng dalaga sa kaniyang baywang. Pumunta sila sa mga magagandang parte ng bayan, mga lugar na kahit kalian ay hindi pa napupuntahan ni Abigail dahil sa paglalagi nito sa ospital. Sobrang saya sa pakiramdam ni Abigail na makalibot sa bayan at makita ang mga magagandang lugar rito.
Matapos ang halos isang oras na pag-iikot ay napag pasyahan ng dalawa na magpahinga. Nang maupo sila sa damuhan sa parke ay nakaramdam si Abigail ng matinding pagod.
“Maaari ko bang ihilig ang ulo ko sa balikat mo? Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako,” tanong ng dalaga na siya namang tango ni Nathan.
Inihilig ng babae ang kaniyang ulo sa balikat ni Nathan at ito’y napapikit. Sa huling pagkakataon ay nasabi ni Abigail sa kaniyang isip na naging tunay siyang masaya. Hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay.
Nang oras na para umuwi si Nathan, hindi na gumagalaw ang babae na siya niyang dinala sa ospital. Napag-alaman niyang ito’y pumanaw na sa sobrang pagod, kaya bumigay ang kaniyang puso.