Pabili Po ng Oras Niyo
Isa itong espesyal na araw para sa batang si Cedrick sapagkat nanalo ito ng first place sa sinalihang drawing contest sa eskwela. Dala nito pauwi ang isang tropeo, sertipiko, at ang kaniyang obra. Malawak ang ngiti ng bata habang ipinapakita ito sa kaniyang ina.
“Mommy! Nanalo po ako! Akalain mo yun, kahit walang practice, tapos ang dami naming naglaban laban, ako pa rin ang naging champion!” sabik na kwento ni Cedrick. “At saka nga pala mommy, sabi ni teacher ilalaban pa raw po ako sa interschool competition next week!” dagdag pa nito.
“Napakagaling naman ng anak ko, manang mana kay mommy! Wag kang mag-alala anak, susuportahan ka ni mommy sa lahat ng mga laban at achievements mo. Ang galing galing naman! Dahil d’yan, ipagluluto ka ni mommy! Anong gusto mong ulam mamaya?” may galak sa tinig ni Patricia, ina ni Cedrick.
Bago pa man makasagot ang bata ay dumating ang ama nito na galing sa trabaho. Sabik na ibinalita ni Cedrick sa ama ang kaniyang nakuhang parangal.
“Daddy! Tingnan mo oh! Nanalo po ako sa drawing contest sa school! Tapos, sabi ni teacher ilalaban daw po ako sa interschool drawing contest next week!” aniyang may pagkagalak sa tinig ngunit tango at isang maliit na ngiti lamang ang tugon ng kaniyang tatay.
Napalitan ng pagkadismaya ang ngiting nakapinta sa mukha ni Cedrick dulot ng reaksyon ng kaniyang ama. Agad namang inagaw ng kaniyang nanay ang atensyon ni Cedrick.
“Oh, nakapag-isip ka na ba ng gusto mong ulam mamaya?” masayang sambit ng Mommy niya.
“Siyempre po yung paborito ko! Sinigang na baboy! ‘Yung ano mommy, iyong maraming labanos, at medyo mataba ang parte ng baboy. Tapos gusto ko po iyong may gabi, na medyo durog para talagang malapot ang sabaw!” nanumbalik ang pagkasabik sa tinig ng batang lalaki.
Tumango bilang tugon si Patricia at niyaya na nito ang anak na magpalit ng pambahay na damit. Habang nagbibihis ang anak ay tumungo sa kwarto nilang mag-asawa ang babae. Doon ay nakita niya si Edward na nakasubsob sa kompyuter, halatang abala sa kaniyang ginagawa. Nilapitan niya ang asawa at saka mahinahong kinausap ito.
“Edward, maabala lang kita saglit.” Agad namang itinigil ng lalaki ang kaniyang ginagawa at itinuon ang atensiyon kay Patricia. “Bakit naman gano’n lang ang reaksyong sinalubong mo sa bata? Kita mo tuloy, nadismaya si Cedrick sa ginawa mo. Nakita mo namang sobrang sabik ng bata na ibalita sa’yo yung achievement niya sa school tapos parang wala kang pakialam.” Kapansin-pansin ang pagka dismaya sa boses ng ginang.
“Hindi naman sa hindi ko na-a-appreciate ang achievement ng bata. Siyempre masaya ako sa mga nakukuha niyang parangal sa eskwela, ang sa akin lang ay marami kasi akong iniisip, at may deadline pa akong hinahabol sa trabaho. Kaya nga ako nagmadaling umakyat dito sa kwarto para makatapos ako agad,” may halong pangungumbinsi ang tinig ni Edward sa pagtugon sa asawa.
Napabuntong hininga na lamang ang babae at siya nang lumabas ng kuwarto at bumaba upang magluto ng hapunan. Pagkababa niya ay nakita niya ang anak na inilalagay ang kaniyang tropeo sa tabi ng family picture na noo’y nasa istante malapit sa TV.
“Bagay na bagay yang trophy mo sa lugar na ‘yan ‘nak! Halika at tulungan mo si mommy magluto!” sambit ni Patricia na isinama ang anak sa kusina.
Magkasamang naghanda ng hapunan ang mag ina at makalipas ang halos isang oras ay tinawag na ni Patricia ang asawa para kumain ng hapunan. Sumunod na rin si Edward at naupo na ang pamilya sa harap ng hapag. Nagdasal at nagpasalamat sa mga biyaya ang ina ng tahanan at saka kumain. Tahimik na nagsasalu-salo ang mag anak nang magsalita ang batang lalaki.
“Daddy,” aniyang may halong kaba ang tinig. “Magkano po ba ang magpa-appointment sa’yo? Pag iipunan ko po, para isang araw ay makapamasyal man lang tayo,” dagdag ng bata na siyang naging dahilan ng pagtigil ng mag-asawa sa pagkain.
Tumayo si Cedrick at kinuha ang kaniyang school bag, binuksan niya ito at waring may hinahanap. Nagliwanag ang mukha nito nang mailabas ang maliit na coin purse at siyang binilang ang baryang laman nito.
“Thirteen, fourteen, fifteen, sixteen…” tumigil ang bata sa pagbibilang at tumingin sa kaniyang ama. “Daddy, sixteen pesos lang po ang mayroon ako. Magkano po ba ang appointment? Para mapag ipunan ko pa po. Baka pwede kong sabihin kay mommy na lakihan ang baon ko para mas marami akong maipon!” nakangiti mang sabi ng bata ay bakas sa mga mata nito ang kalungkutan.
Napahiyang tumayo si Edward at lumapit sa anak. Humingi ito ng paumanhin sa kaniyang naging tugon sa maganda nitong balita. Bilang kapalit ay nangako ang ama na siya ang sasama kay Cedrick sa araw ng kompetisyon nito sa sususnod na linggo. Masayang niyakap ng batang lalaki si Edward at mahigpit na yakap naman ang tugon ng ama. Nakangiting pinanuod ni Patricia ang mag-ama at saka ito tumayo at niyakap ang dalawa. Nagpatuloy na sa pag kain ang mag anak at pagtapos ay nagligpit na si Patricia. Masayang natulog nang gabing iyon si Cedrick.
Makalipas ang isang linggo ay sumapit na ang kompetisyon ni Cedrick. Dahil kinakabahan ang anak, niyakap ni Edward si Cedrick bago ito pumasok ng bulwagan. Isang oras din ang nakalipas bago natapos ang interschool drawing competition na sinalihan ni Cedrick, at nang lumabas ang resulta ng kompetisyon ay hindi nanalo ang batang lalaki. Lubos na ikinalungkot ito ni Cedrick kung kayat niyakap siya ng kaniyang ama upang maibsan ang kalungkutang nararamdaman nito.
“Hindi ka man nanalo ngayon anak ay hindi ibig sabihin no’n na hindi ka na magaling. Para kay daddy, at kay mommy, ay ikaw ang the best!” aniyang naging dahilan ng pagngiti ng batang lalaki.