Inday TrendingInday Trending
Pustahan ng Dalawang Puso

Pustahan ng Dalawang Puso

“Hi Miss Sungit, maganda ka sana kaya lang lagi kang nakasimangot e. Baka sa araw ng graduation ay kulubot na iyang balat mo, tapos katabi pa kita sa upuan. Yuck!” wika ni Willard.

“Grabe! Ang aga-aga Willard! Pwede bang lubayan mo muna ako?” inis namang sabi ni Kyla.

“Heto naman naglalambing lang. Ayaw mo nun almusal pa lang ay ako na ang maaalala mo,” tatawa-tawang hirit ng binata.

“Pwede ba?!” sigaw ni Kyla sabay dabog sa upuan.

“ O, biro lang. Nagsisimula na namang bumuga ng usok ang ilong mo. Nga nga, malapit na ang Final Exam…” anito habang nakangisi.

“E, ano naman ngayon? Magyayabang ka na naman kasi ikaw na naman ang magiging top 1?” pabarang wika ni Kyla habang naglalakad palabas ng silid aralan.

“50:50, e!”

Napahinto si Kyla sa paglalakad. “Huh? 50:50?”

Pumunta si Willard sa harap ng dalaga. “Oo, 50 porsyentong tama, 50 mali.”

Inirapan lang ni Kyla ang binata at nagpatuloy ulit sa paglalakad. Hinabol ulit siya nito sabay sabing ”Hindi lang ako basta magyayabang. Bibigyan kita ng pagkakataon. Let’s have a deal, kapag nataasan mo ko, pinapangako ko na di na kita aasarin, di na kita guguluhin at hindi na kita bubuwisitin.”

Magkaribal kasi ang dalawa sa kalse. Parehong matalino at may ibubuga sa mga aralin kaya palaging matataas ang nakukuha nilang marka.

“Wala akong tiwala sa iyo. Paano kung natalo ako?” ani Kyla.

“Kapag natalo ka, magiging nobya kita ng dalawang buwan,” Buong pagmamalaking alok ni Willard.

“Huh?! Yuck, Kadiri! Ayoko nga! Makasama ka pa nga lang ng ilang minuto, gusto ko nang mabaliw tapos ang maging nobya mo pa? Nasa tamang katinuan pa na man ako Willard,” hayag ni Kyla sa binata.

“E di huwag! Di naman kita pinipilit e, binigyan lang kita ng pagkakataon na matalo ako. So, tanggap mo na pala na mas magaling ako sa iyo. Salamat ha,” nakangising wika ni Willard habang naglalakad paatras sa dalaga.

Habang mag-isa na lang na naglalakad ay napapangiwi sa sobrang inis si Kyla.

“Porket umatras ako sa pustahan ibig sabihin talo na ko? Hindi naman kasi katanggap-tanggap ang kondisyon niya e. Papayag ba ako o hindi? Kaasar talaga!” napapakamot na lamang sa ulo ang dalaga. Pakiramdam niya pinagtatawanan siya ni Willard. Naisip niya na hindi siya magpapatalo sa hamon ng binata.

“Humanda ka sa akin, hindi ako magpapatalo!” aniya sa isip.

Dumating ang araw ng exam. Kinakabahan si Kyla. Hinalugad ng mga mata ang kinauupuan ni Willard. Nasa magkabilang dulo sila. Tahimik ang binata. Siya lang ang walang hawak na reviewer sa kanila. Dumating na ang proctor ng examination nila. Nag-umpisa na ang exam. Madaling nasagutan ni Kyla ang mga tanong. Panatag ang loob niya na mapapasa niya iyon, tanging hiling lang niya ay mataasan niya si Willard para tigilan na siya nito.

Matapos ang exam ay nilapitan siya ni Willard. “Ms.Sungit!” anito.

Inis na lumingon ang dalaga. “Ano na naman? Mang-aasar ka na naman?”

Iniabot ni Willard ang mga kamay nito para makipagkamay.

“Ano iyan? Bait-baitan ka na naman?” tanong ni Kyla.

Hindi sumagot ang binata sa halip kinuha nito ang kamay niya para makipagkamay sa kanya.

“Good luck sa ating dalawa,” wika ni Willard sabay takbo paalis.

“Kaasar talaga ang lalaking iyon, kala mo kung sino. Konting tiis na lang Kyla, mawawala na rin sa buhay mo ang g*gong iyan,” bulong niya sa sarili.

Makalipas ang isang linggo, lumabas na ang resulta ng Final Exam nila. Laking pagkadismaya ni Kyla nang makita niyang pumapangalawa pa rin siya kay Willard. Ito ang nanguna sa exam, ibig sabihin ay sigurado na ito sa posisyon bilang Class Valedictorian, sa madaling salita ay talo na naman siya sa pustahan nila at kailangan niyang tuparin ang kondisyon nito.

“Hoy! Wala ba akong ‘congratulation greetings diyan?” pang-aasar na naman ng binata sa kanya.

Di siya pinansin ni Kyla. Naglakad ito palayo. Sinundan pa rin niya nito.

“Pwede ba! Huwag muna ngayon!” singhal ni Kyla habang patuloy ang paglalakad.

Nagulat si Willard. Nagulat rin si Kyla sa inasal niya.

“Ayos lang kahit di mo na tuparin ang deal natin!” sigaw ng binata.

Ngunit hindi iyon pinansin ni Kyla.

Mula ng araw na iyon ay hindi na inaasar ng binata ang dalaga. Dumistansya rin ito kay Kyla. Naramdaman naman niya iyon at nakaramdam ng guilt dahil sa hindi niya pagtupad kasunduan nila. Kaya umabot sa punto na nagdesisyon na siya.

Isang araw ay nakipagkita siya kay Willard.

“Ehem… Uhm, Willard,” sabi ni Kyla.

“Sandali lang kita hindi pinansin na-miss mo na agad ako?” tanong ng binata.

“Ang yabang mo talaga ‘no? Hindi iyon ang pinunta ko. Tungkol sa pustahan natin. Payag na ako sa kundisyon mo. Susundin ko ang kondisyon mong maging tayo ng dalawang buwan.”

“Teka. Okay na nga, baka naman gusto mo lang talagang maging tayo. Ginagamit mo lang atang dahilan ang pagkatalo mo sa pustahan para maging nobyo ang gwapong katulad ko,” nakangising wika ni Willard na may halo pa ring pang-aasar.

“Meron akong isang salita, kaya kapag sinabi kong gagawin ko, gagawin ko. Nakakainis lang kasi kahit anong effort ko hindi pa rin kita matalo,” malungkot na pahayag ni Kyla.

“Okay lang iyon,” sabay akbay ni Wllard sa dalaga. “Sabay na lang tayo mag-aral bukas. Tara, hatid na kita?” hirit pa niti.

“Wow ha! Nakaakbay na agad? Dalawang buwan lang naman Kyla. Dalawang buwan lang titiisin mo. Pero infairness sa kanya, gentleman din naman pala siya. Buong akala ko puro kayabangan lang ang nasa utak ng lalaking ito,” aniya sa isip.

Habang tumatagal na magkasama sina Willard at Kyla ay napapalapit na rin sila sa isa’t isa. Naging magkaibigan ang dating magkakumpitensiya. Hatid sundo na ni Willard si Kyla kahit saan man ito magpunta. Sabay na rin silang nag-aaral ng mga aralin nila sa eskwelahan. Hindi malaman ng dalaga kung bakit siya nakakaramdam ng lungkot sa tuwing maaalala niyang malapit na matapos ang kondisyon ni Willard. Hindi niya maintindihan kung bakit habang papalapit nang papalapit matapos ang dalawang buwan, lalo siyang nakakaramdam ng takot at lungkot. Parang ayaw na niyang matapos ang pagiging nobya sa binata.

Isang araw habang namamasyal sila sa parke.

“Huling araw na natin bilang magkasintahan, enjoy-in na natin,” tinapat ni Willard ang mukha kay Kyla at ngumiti. Nakangiti ang binata pero malungkot ang mga mata nito.

“Salamat,” wika ni Kyla. Nagulat si Willard sa sinabi ng dalaga. Napatitig siya ng maigi dito.

“Nag-enjoy ako sa loob ng dalawang buwan. Alam mo ba? Noong una akala ko hindi kita matatagalan. Akala ko araw-araw na lang magiging impyerno ang buhay ko kasi lagi kitang kasama, pero kabaligtaran ang nangyari. Pakiramdam ko ang dalawang buwan ay ang pinakamasayang mga buwan ng buhay ko,” paliwanag ni Kyla.

Napangiti si Willard. “Ako din. Naging masaya ako. Ang bilis nga lang ng oras. Balik ulit tayo sa dati.”

Mayamaya ay ay sumapit na ang takdang oras ng kanilang paghihiwalay. Tapos na ang kondisyon nila sa isa’t-isa. Iniabot ni Kyla ang mga kamay niya kay Oliver para makipagkamay. Inabot rin ni Willard ang mga kamay ng dalaga at hinila ito sabay yakap nang mahigpit. Kumalas sa pagkakayakap si Willard, inilapit niya ang mukha kay Kyla at hinalikan ito.

“Paalam!” bulong nito sa kanya.

“B-bye!” tanging nasabi ni Kyla na kay bigat ng pakiramdam sa mga sandaling iyon.

Ilang araw na ang nakalipas ay hindi na ulit sila nagkita at nagkausap ni Willard. Hanggang sumapit ang araw ng kanilang graduation. Doon lang niya nakita ulit ang binata ngunit wala na silang pansinan sa isa’t isa. Tinupad ni Willard na hindi na nito guguluhin pa ang dalaga.

Tuloy ang buhay para kay Kyla. Pumasok siya sa isang kilalang unibersidad. Naging maayos ang takbo ng kanyang pag-aaral doon ngunit isang araw ay nabalitaan niya na magiging kaklase nila sa isang subject ang isang exchange student. Sa una hindi interesado si Kyla pero laking gulat niya ng isang araw ay pumasok ito sa silid aralan nila at nagpakilala. Pamilyar sa kanya ang boses ng lalaki. Tumabi ito sa kanya at laking gulat niya ng mamukhaan ito.

“Willard?” nagtatakang sabi ni Kyla. Nginitian lang siya nito. Nang matapos ang klase nila ay hinila niya ito sa labas ng kwarto.

“Bakit ka nandito?” tanong ni Kyla. Tinitigan lang siya ng binata mula ulo hanggagng paa.

“Ano ba, tinatanong kita!” aniya.

“Alam mo naman kung bakit ako nandito.” Naglakad lang ang binata na tila ba walang naririnig. Sinundan siya ni Kyla.

“Bakit nga?” pagpupumilit ng dalaga.

Tumigil ito sa paglalakad.

“Pustahan ulit tayo? Pustahan ulit kung sino ang magta-top next sem?” alok ni Willard.

“Aba ang lakas naman ng loob ng lokong ito na makipagpustahan ulit sa akin matapos ng lahat ng nangyari?” aniya sa sarili.

“Natatakot ka ba?” tanong ng binata.

“Excuse me ha! Ako natatakot? Then what’s the deal?” sumbat ng dalaga.

“Gusto kitang maging nobya,” maikling sagot ni Willard.

Nagulat si Kyla sa sinabi nito. Hindi niya alam ang isasagot. Wala siyang mahanap na sarkastikong salita para ipanglaban sa pang-aasar ng binata. Sa di malamang dahilan, natuwa siya sa narinig. Lumapit sa kanya si Willard at bumulong habang hawak-hawak ang mga kamay niya.

“Gusto kitang maging nobya, hindi lang sa loob ng dalawang buwan…gusto ko makasama na kita sa habang buhay,” wika ni Willard sabay yakap sa dalaga.

Wala nang ibang naisagot si Kyla kundi ang tumango. Niyakap din niya si Willard nang mahigpit. Natatawa na lang siya sa sarili dahil nakipagpustahan na naman siya sa binata. Pustahang magbibigay sa kanya ng tunay na kaligayahan sa buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement