Halika Na, Mahal Ko!
Ilang araw na hindi nagpaparamdam kay Diane ang kanyang kasintahan. Kapag tinatawagan naman niya ay hindi rin sumasagot. Isang araw ay nagpadala siya rito ng mensahe sa pamamagitan ng text.
“Miss you na, Ivan! Puwede bang magkita tayo? Punta ka dito sa bahay,” sabi niya sa text.
Hinintay niya na magreply ang lalaki ngunit hindi ito tumugon.
Mayamaya ay nagpadala ulit siya ng isa pang text.
“Tinext kita kanina pero hindi ka nagre-reply. Anong oras mo ako pupuntahan? Gusto kong malaman ang sagot mo ngayon din!” aniya.
Nag-antay pa siya ng ilang minuto hanggang sumapit ang isang oras ay wala pa ring sagot tang kasintahan. Sa sobrang inis ay ini-off niya ang kanyang cell phone.
“Hindi ko ito bubuksan hangga’t hindi siya pumupunta dito!” inis niyang bulong sa isip. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya. Kahit nang gumising si Diana ay wala pa ring paramdam si Ivan. Gusto na niyang magalit rito ngunit naisip niya na baka may maganda naman itong dahilan kung bakit hindi man lang nagpapakita o nagpaparamdam sa kanya. Gusto niya muna na kay Ivan manggaling ang sagot. Buong maghapon ang lumipas at walang Ivan na tumawag, nag-text o pumunta sa bahay nila.
Nang sumunod na araw ay patuloy pa rin sa paghihintay ni Diane. Sinubukan niya itong tawagan ulit ngunit hindi talaga ito sumasagot. Tiningnan na niya ang facebook account ng kasintahan at laking gulat niya nan aka-deactivate na ang account nito.
“Teka, ano kaya ang problema ng lalaking ito?” pagtataka niyang tanong sa sarili. Sinubukan niyang tawagan ang Mama at Papa ni Ivan pero hindi rin sumasagot ang mga ito.
“Ano kaya ang nangyayari? Bakit pati sila ay hindi matawagan?” aniya sa sarili.
Gusto niyang puntahan ang kasintahan ngunit ayaw siyang payagan ng mga magulang niya dahil bakasyon. Masyadong istrikto ang mga magulang ni Diane kaya hindi siya pinapayagan ng mga ito na lumabas. Bahay at eskwela lang talaga ang buhay niya.
Mabuti na lamang at matalik na kaibigan ng mga magulang niya ang mga magulang ni Ivan kaya pinayagan siya ng mga ito na makipag-nobyo. Boto naman ang kanyang Mama at Papa sa binata ngunit marami pa ring limitasyon kahit magkasintahan na sila. Kailangan ay ang binata ang pupunta sa kanilang bahay para dalawin siya. Hindi sila puwedeng lumabas na silang dalawa lang, kailangan ay may kasama si Diane na bantay. Ang kapatid lang naman niya na si Myca ang kasa-kasama niya kapag may date sila ni Ivan ngunit wala sa bahay ang kanyang kapatid at nag-aaral sa ibang bansa kaya hindi na nakakalabas na magkasama ng magkasintahan.
Nang sumapit ang gabi ay wala pa ring paramdam sa kanya si Ivan. Inaabangan pa naman niya na baka bigla itong tumawag pero sumapit na ang alas diyes ng gabi ay wala pa ring tawag ang binata kaya ini-off niya ulit ang cell phone. Ugali na niya kasi ang mag-off ng cell phone. Si Ivan lang naman ang palagi niyang kausap at ka-text, ang mga magulang niya ay bihira niyang i-text or tawagan dahil hindi mahilig gumamit ng gadget ang mga ito. Tanging ang kanyang kapatid lang ang nakakausap niya sa cell phone. Dahil wala ito ay si Ivan lang ang ka-text at katawagan niya. Sa hindi pagte-text or pagtawag ng binata ay palagi nang ini-o-off ng dalaga ang cell phone niya.
Kinaumagahan ay isang di inaasahang bisita ang bumungad sa kanyang paggising.
“I-Ivan? Teka, bakit…”
Hindi pa man siya tapos makapagsalita ay inunahan na siya nito.
“Love you, mahal ko, halika, hayaan mong ako naman ang bumawi sa iyo!” anito habang nakangiti sa harap niya.
“Saan tayo pupunta? Sandali lang at…”
Nang bigla siya nitong hinila patayo sa kama. “Halika na!”
Mabilis silang nakalabas ng bahay na hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Hindi rin niya namalayan na nakarating na sila sa bahay nila Ivan. Nang biglang makaramdam ng kaba si Diane.
“A-anong nangyayari? Bakit ang daming tao sa loob ng bahay niyo?” nagtataka niyang tanong.
Hindi sumagot ang binata. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya.
Mayamaya ay may biglang tumawag sa kanya.
“D-Diane, Diane, buti naman at nakarating ka,” anito habang umiiyak at niyakap siya nang mahigpit.
Nabigla siya sa reaksyon nito nang sumalubong sa kanya.
“Halika sa loob, hija!” wika ng ina ni Ivan at hinila siya papasok sa loob ng bahay.
Laking gulat niya nang makita ang isang kabaong na nasa gitna ng sala. Kaya pala maraming tao ay may lamay sa loob ng bahay ng kasintahan. Nang tingan niya ang nasa loob ay mas lalo siyang nagimbal nang makita niya na ang nasa loob ng kabaong ay si Ivan.
“Diyos ko! Anong ibig sabihin nito?” gulat niyang sabi.
Agad siyang lumingon sa kanyang likuran at hinanap ang binata ngunit nawala ito na parang bula.
“Hindi, hindi ito totoo! Isa lang itong masamang bangungot!” aniya sa mangiyak-ngiyak na tono.
“Bakit ngayon ka lang pumunta, hija? Kahapon pa ako nag-text at tumawag sa iyo, pero naka off ang cell phone mo,” sabi ng ina ni Ivan habang patuloy pa rin ang pag-iyak.
Dali-dali niyang binuksan ang kanyang cell phone at tiningnan ang mga text message na natanggap niya. Di niya napansin na mayroon na palang sampung missed calls at apat na unread text messages. Mas lalo siyang napahagulgol nang basahin niya ang mga iyon.
Ang sabi ng Mama ni Ivan sa unang text message: “Hija, inatake si Ivan ng kanyang sakit sa puso. Ilang araw na kaming nasa ospital. Tinawagan kita pero naka-off yata ang cell phone mo. Please come here, he neeeds you!”
Sa ikalawang text message: “Pakiusap, kailangan ka ni Ivan. Please reply!”
Sa ikatlong text message: “Hija, comatose na ang anak ko. Kailan ka pupunta dito? Ngayon ka niya kailangan sa tabi niya. Ikaw ang lakas niya.”
At ang huling text message: “Wala na siya, hija.Walana si Ivan. Bumigay na ang katawan niya. Iniwan na niya tayo.”
Nang matapos basahin ang huling mensahe ay doon na bumigay si Diane. Mas lalo siyang napahagulgol na parang bata. Hindi niya matanggap na wala na ang kanyang pinakamamahal na kasintahan.
“A-ang akala ko po kasi ay sinasadya niya na hindi ako tawagan or i-text, iyon pala ay…” aniya at patuloy na umiyak.
“Kaya hindi mo siya matawagan ay dahil naholdap siya nung gabing inihatid ka niya sa bahay niyo. Tinangay ng holdaper ang kanyang cell phone at wallet. Hindi siya sinaktan ng mga holdaper ngunit sa sobrang sama ng loob na hindi ka niya matawagan or ma-text man lang ay doon na nanikip ang dibdib niya na naging dahilan ng atake sa puso. Sinubukan ka naman naming kausapin sa facebook pero nagulat na lang kami na deactivated na ang account ng anak namin. Hija, mahal na mahal ka ni Ivan. Hanggang sa huling hininga niya ay ikaw ang binabanggit niya,” bunyag ng babae.
Hindi inakala ni Diane na sa pag-o-off niya sa kanyang cell phone ay hindi man lang niya nalaman ang nangyari sa kasintahan. Pinagsisisihan niya ang kanyang ginawa. Napagtanto niya na kaya pala nagpakita sa kanya ang binata ay dahil gusto nitong malaman niya ang nangyari rito. Gusto ni Ivan na kahit sa huling lamay nito ay makarating siya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!