Galante ang Ninang na Ito Pagdating sa Kaniyang Inaanak; Hanggang Isang Araw, Isang Lihim ng Nakaraan ang Sasambulat sa Kanilang Harapan
Sa wakas ay tapos na rin ang magarbong party ng anak nina Micah at Ronald na nagdiwang ng unang kaarawan. Hindi na kailangan pang magligpit dahil ginanap ito sa inupahang activity center, na sinagot ng matalik na kaibigan ni Micah na si Precy. Ito rin ang tumatayong ninang ni Baby Clooney.
“Salamat talaga, Mareng Precy ah? Grabe, napakabuti mo talagang kaibigan at ninang sa anak ko. The best ninang in the world!” papuri at pasasalamat ni Micah sa kaibigan.
“Sus, wala iyon, parang hindi naman tayo magkaibigan at magkumare. Mahal ko kayo ni Ronald… para ko na rin kayong pamilya,” at ngumiti si Precy nang ubod-tamis.
“Sayang ‘no? Kung hindi sana nawala yung magiging anak mo sana… eh ‘di sana, may magiging bestfriend na kaagad si Baby Clooney…”
Lumamlam ang mukha ni Precy. Gumana na naman ang medyo may katabilang bibig ni Micah. Sinansala siya ng mister.
“Ikaw talaga Micah… huwag mo nang ungkatin ‘yan. Masaya ang araw na ito kaya tapusin natin nang masaya. Pinapaalala mo pa kay Mareng Precy ang nangyari. Huwag na nating pag-usapan ‘yan,” saway ni Ronald.
“Ay pasensya ka na Mareng Precy, hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. Nanghihinayang lang talaga… pero sige na nga. Mare, salamat talaga!”
Malaki talaga ang pasasalamat ni Micah sa kaniyang matalik na kaibigang si Precy dahil parang kapatid na ang turing nito sa kaniya. Pagdating sa mga gastusin para sa kaniyang anak na si Baby Clooney, talagang ‘all-out’ ang bigay nito.
Ito ang sumagot sa pagpapabinyag nito.
Halos mamahalin ang mga gamit na inireregalo.
Laging nagbibigay ng mga gatas, laruan, at kung ano-ano pa.
At itong pinakahuli nga, sinagot nito ang pagdiriwang ng unang kaarawan ni Baby Clooney, magmula sa pagkain, programa, at venue.
Naiintindihan ni Micah ang pinanggagalingan ni Precy.
Siguro, kay Baby Clooney na lamang ibinubuhos ang pangungulila sa sumakabilang-buhay na anak. Na siya sanang pinag-aalayan ng lahat ng kayamanan ni Precy. Sana, sabay ang kanilang pagdiriwang.
Halos sabay na nagbuntis sina Micah at Precy. Sabay ring nanganak.
Ngunit nagulat na lamang sila nang ipaalam sa kaniya na sumakabilang-buhay ang anak nito.
Kaya hindi tumatanggi si Micah kapag sobra-sobra na ang mga bagay na ibinibigay ni Precy para kay Baby Clooney; marahil, naaalala nito ang kaniyang sariling anak.
Makalipas ang tatlong linggo, nagkaroon ng lagnat si Baby Clooney. Inakala ni Micah na simpleng sinat lamang ito, subalit habang tumatagal ay pataas nang pataas ang temperatura nito.
Sa ikatlong araw, dito na nataranta at naalarma si Micah. Nagdugo na kasi ang ilong ng anak. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Hindi na niya nakonsulta si Ronald. Agad siyang kumuha ng sasakyan sa pamamagitan ng online booking at nagpahatid sa ospital kung saan siya nanganak.
Mainam naman na may umestima kaagad sa kaniya. Dengue fever ang nararanasan ni Baby Clooney. Kailangan umanong salinan ng dugo ang anak.
May isang doktor naman ang tila namukhaan si Micah, ang doktor na nagpa-anak sa kaniya. Nangunot ang noo nito nang makita siya.
“Misis, kumusta? Natatandaan kita. Ikaw yung pina-anak ko noong nakaraang taon. Bakit nandito ka sa ospital?” untag nito.
“Ah kasi doc, yung anak ko ay may dengue. Mabuti nga po at nadala ko raw kaagad, pero kailangan yatang masalinan ng dugo. Nagpa-test na po ako ng dugo para ako na lang po ang magpapasalin.”
“Ahhh… panganay mong anak o bunso? Ilan na ba ang anak mo?”
“Yung panganay ko po. Siya po yung isinilang ko noong nakaraang taon, kayo nga po ang nagpa-anak sa akin.”
“Ha? Anong sinasabi mo? Hindi naman siya nabuhay?”
Nagitla si Micah sa sinabi ng doktor.
“N-Naku doc, buhay na buhay po ang anak ko, si Baby Clooney, baka po nakakalimutan n’yo lang po sa dami ng mga napa-anak ninyo.”
“Hindi. Hindi ako maaaring magkamali. Bilang lang sa kamay ko ang mga sanggol na hindi pinapalad. Natatandaan ko, na may komplikasyon ang anak mo at hindi siya nabuhay. Kahit tingnan mo ang record ng ospital.”
Naputol ang usapan ng dalawa nang tawagin na siya ng attending nurse at ipaalam sa kaniya na hindi sila match ng dugo ni Baby Clooney.
“Baka po ang mister ninyo, ang ama ng bata ay katugma ng dugo niya,” wika ng nurse.
Agad niyang ipinaalam kay Ronald ang sitwasyon. Agad naman niyang tinawagan ang mister at pinagmadaling pinapunta sa ospital upang ma-test kaagad ang dugo nito.
Ngunit mas nagimbal si Micah nang hindi rin mag-match ang dugo ni Ronald at Baby Clooney.
“Bakit ganoon?” naiiyak na tanong ni Micah sa nurse.
“Ma’am, iisa lang po ang ibig sabihin niyan. Baka po hindi kayo ang tunay na mga magulang ng bata?”
“Paanong hindi eh ako ang nanay niya… ito ang tatay niya…”
Saka naalala ni Micah ang sinabi sa kaniya ng doktor na nagpa-anak sa kaniya. Ang pagkagulat nito na buhay ang batang iniluwal niya noong siya ay nanganak.
“B-Baka ako, baka ako ay katugma ng dugo ni Baby Clooney. Magpapa-test ako.”
Si Precy.
“M-Mare? Anong ginagawa mo rito?” takang tanong ni Micah.
“Nasabi sa akin ni Ronald na may sakit si Baby Clooney kaya nagpunta kaagad dito ako para makatulong.”
At nagpa-test na nga si Precy. Positibo. Sila ang magkatugma ni Baby Clooney.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Precy. Agad siyang nagpasalin ng dugo upang maibigay na sa bata.
Makalipas ang isang araw, masinsinang kinausap ni Micah sina Precy at Ronald sa chapel ng ospital. Sila-sila lamang. Isinalaysay niya sa dalawa ang sinabi ng doktor na nagpa-anak sa kaniya.
“Kaya nagtataka ako ngayon kung bakit ni isa sa amin ni Ronald, walang katugma sa dugo ni Baby Clooney. Sabihin nga ninyo ang totoo sa akin? Dahil paggising ko, mga tatlong araw bago ko nakuha ang bata, bago ko siya nayakap…”
“Micah,” emosyunal na sabi ni Precy. “Palagay ko ay kailangan mo nang malaman ang totoo…”
“Precy…” sansala ni Ronald. Kitang-kita ni Micah ang pangamba sa mga mata nito.
“May kailangan ba akong malaman? Sabihin n’yo sa akin ang kailangan kong malaman, utang na loob!”
“M-Micah… totoo ang sinabi ng doktor. Nang isilang mo ang anak mo, sumakabilang-buhay ito… dahil sa komplikasyon. K-Kaya… ibinigay ko ang anak ko sa iyo. Si Baby Clooney… siya ang anak ko…” pag-amin ni Precy at sumambulat ang tinitimping luha nito.
Hindi maintindihan ni Micah ang mga nangyayari.
“T-Teka muna… hindi kita maintindihan… bakit kailangan mong ibigay sa akin ang anak mo?”
“K-Kasi…”
“Kasi nagkasala kami sa iyo, Micah,” sansala ni Ronald. “May nangyari sa amin ni Precy nang hindi sinasadya. Mga panahong nagkagalit tayo at halos hiwalayan mo ‘ko. Nagpakalasing ako. Nagkataong si Precy ang tinakbuhan ko, nalasing kami pareho… at nangyari na nga ang mga nangyari. Nagdalantao si Precy…” rebelasyon ni Ronald.
“At nang magkasundo at magkabalikan tayo, may nangyari sa atin, at nagbunga naman ito. Kaya sabay ang pagbubuntis ninyo ni Precy.”
“H-Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa iyo ang lahat, Micah… isang malaking pagkakamali ang nangyari sa amin nang gabing iyon. Maniwala ka sa akin, wala kaming relasyon ni Ronald. Wala kaming damdamin para sa isa’t isa. Dala lang ng kalasingan,” pagtatapat ni Precy.
Hindi makapaniwala sa kaniyang mga naririnig si Micah. Parang sasabog ang ulo niya.
“K-Kaya nang sumakabilang-buhay ang anak mo… minabuti kong ibigay ang anak ko… kasi nakokonsensya ako sa ginawa kong pagkakamali… tutal, si Ronald naman ang ama. Masaya na ako na maging ninang ni Baby Clooney…. masaya na ako na alam kong inaalagaan mo siya, na minamahal mo siya. Kaya bumabawi na lamang ako sa mga materyal na bagay na puwede kong ibigay sa kaniya…”
“Ang kakapal ng mga mukha n’yo! Akala ko kaibigan kita Precy. Akala ko, kaya mabuti ka sa akin, kaya halos lahat ibigay mo na kay Baby Clooney ay dahil nangungulila ka sa anak mong nawala… iyon pala… ako pala ang nawalan. Ako pala talaga ang kawawa rito.. ako… ako!” umiiyak na sabi ni Micah. Galit na galit siya. Parang sasabog ang dibdib niya sa pagkasuklam na nararamdaman.
“P-Pero palagay ko… lahat ay nakaayon sa kapalaran nating tatlo. Mabuti na rin ang nangyari… dahil wala rin namang mag-aalaga sa kaniya kung nasa poder ko siya. M-May sakit ako… malalang sakit… I’m dy*ng…”
Natigilan naman sina Micah at Ronald sa rebelasyon ni Precy.
“Kaya inuubos ko rin ang mga pera ko para kay Baby Clooney kasi para sa anak ko naman, dahil hindi ko naman madadala sa hukay ang lahat ng ito…”
Natameme naman si Micah. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig. Parang tsubibo ang kaniyang emosyon. Kung kanina ay galit na galit siya sa kaibigan, ngayon ay awa naman ang pumupuno sa kaniya.
Wala na siyang nagawa kundi yakapin ang kaibigan. Walang salitang namutawi sa kaniyang mga labi.
At matuling lumipas ang dalawang taon…
“Precy, heto ang anak natin… sana maayos ka riyan sa langit at binabantayan si Clooney,” wika ni Micah nang dalawin nila ang puntod ng kaibigan.
Pinatawad ni Micah si Ronald sa mga nagawa nito, at ipinangako niya sa sarili na aalagaang mabuti at mamahalin ang anak ni Precy, na anak niya na rin.