Matagal Nang Tinitiis ng Mister ang Pagiging ‘Nagger’ ng Misis; Isang Gabi ay Makakaganti na Siya Rito
Tatlong taong nang nagsasama bilang mag-asawa sina Aimee at Jordan at tatlong taon na ring nagtitiis ang mister sa misis niya dahil si Aimee ay…
“Ba’t ngayon ka lang? Anong oras na? Saan ka galing ha? Oras pa ba ito ng uwi ng matinong asawa?” sunud-sunod na tanong ng galit na galit niyang misis.
“Nag-overtime ako, sweetheart. Dami kasing pinatapos na trabaho si boss, eh,” sagot ni Jordan.
“Puro na lamang iyan ang dahilan mo! Wala na bang iba? Gasgas na ‘yan, eh! Kung gagawa ka ng dahilan, ‘yung kapani-paniwala naman!” hirit pa ni Aimee.
Napahimas sa kanyang sentido ang lalaki.
“Heto na naman po kami,” aniya sa isip na hindi na sinagot pa ang asawa.
Sa tatlong taong pagsasama nila ay pinagtitiisan niya ang pagiging bungangera ni Aimee. Wala itong hinto sa pagbubunganga sa tuwing umuuwi siya ng lagpas sa oras ng trabaho niya. Hindi maawat ang bunganga ng misis niya na para bang kanyong sumasabog.
Dahil pagod siya ay hindi na lamang niya ito pinapatulan. Hinahayaan na lang niya na umariba ang bibig nito. Sa isip niya ay mapapagod din ito sa kakadakdak pero…
“Hoy, huwag kang bastos, sumagot ka!” sigaw pa nito.
Kulang na lang ay takpan na ni Jordan ang magkabila niyang tainga, huwag lang marinig ang boses ng asawa niya.
“Sh*! Nagger talaga!” aniya.
Masuwerte si Aimee dahil mabait si Jordan. Kahit gaano siya katapang ay balewala lang sa mister niya. Pasok sa kanan at labas lang sa kabilang tainga nito ang pagbubunganga niya.
Hindi na nagawang kumain ng hapunan ng lalaki, sa halip ay nagbihis na ito at humiga sa kama.
“Matutulog na lang ako kaysa patulan kita,” sambit ni Jordan sa sarili na tinakpan ng unan ang tainga.
Pero hindi uubra kay Aimee ang pagiging pasensiyoso niya.
“Hoy, put*ngna ka! Huwag mo nga akong tulugan na h*nayupak ka! Nag-uusap pa tayo! Bumangon ka diyan!” sigaw pa rin ng babae na itinapat pa talaga sa tainga niya ang bunganga nito.
Hindi na napigilan ni Jordan ang sarili at sinagot na ang misis.
“Pwede ba kung ayaw mo matulog ay magpatulog ka! Tumahimik ka na, hindi ka ba nahihiya sa mga kapitbahay, gabing-gabi na ang lakas pa ng boses mo!” sambit ng lalaki.
Mas lalong nagwala si Aimee.
“Wala kang pakialam! Magsasalita ako dahil gusto ko! Bakit ako mahihiya, aber? Ikaw dapat ang mahiya dahil ang kapal ng mukha mong umuwi sa dis oras ng gabi, ni hindi ka man lang tumawag o nagtext man lang na gagabihin ka,” tugon ng nanggagalaiting misis.
Napabalikwas ng bangon si Jordan.
“Anong hindi nagpaalam? Kanina bago ako umalis ay nagsabi na ako sa iyo, ‘di ba?” aniya.
“Kanina iyon! Ang gusto ko’y magsasabi ka ulit sa akin sa pamamagitan ng tawag o text kung gagabihin ka o hindi para hindi ako mukhang tanga na naghihintay sa iyo! O baka naman kaya ka ginagabi sa pag-uwi ay may kinalolokohan kang iba? May babae ka na siguro kaya ka ginagabi, ano? Umamin ka!” singhal ni Aimee na mas lalong lumakas ang timbre ng boses.
Kumunot na ang noo ng mister.
“Ano ka ba naman? Minsan lang ako gabihin ng uwi, eh kung anu-ano na ang ibinibintang mo sa akin. Alam mo naman na ikaw lang ang babae sa buhay ko at wala akong kinalolokohang iba. May takot ako sa Diyos,” sagot ni Jordan na naiinis na rin.
“Huwag mo idamay ang Diyos sa kalokohan mo. Aamin ka ba o hindi, sumagot ka!”
Nag-init na talaga ang ulo ni Jordan kaya nasigawan na niya ang asawa.
“Sinabi ko nang wala, eh!”
Maya-maya ay may kinuha si Aimee sa tokador – isang malaki at matalim na gunting.
“Talagang wala! Dahil walang ibang makikinabang sa iyo!” sigaw ng babae na akmang sasaksakin ang mister.
Pero mabilis na naagaw ni Jordan ang panaksak sa kamay ni Aimee.
“‘Di ako papayag dahil ikaw ang dapat mamat*y!” sambit ni Jordan na itinutok sa leeg asawa ang talim ng gunting.
“Akala mo siguro ay papayag pa ako na sigaw-sigawan mo? Nagkakamali ka! Eto na ang pagkakataon ko para makaganti sa mga masasakit na salita mo sa akin.”
Nahintakutan si Aimee sa inasal ng mister.
“H-huwag, huwag, Jordan!”
Hindi natinag si Jordan, mas lalo niyang idiniin ang talim sa leeg ng misis.
“Madali kong mapapalabas na nagpatiw*kal ka dahil gabi-gabi mo akong inaaway at sa sobrang sama ng loob mo sa akin ay nagawa mo na lang na wakasan ang buhay mo. Sa gayon ay makakalibre ako – map*tay man kita, hindi ako makukulong. Kapag nawala ka na sa landas ko’y matatahimik na rin ang buhay ko, wala nang magbubunganga sa akin!” parang nasisiraan ng bait na wika saka humalakhak ng ubod lakas.
Mas lalong kinilabutan si Aimee sa tinuran ng mister.
“H-huwag kang lalapit, huwag!”
Nang biglang itinarak ng lalaki sa leeg niya ang gunting.
“Huwaag!”
Nagsisigaw si Aimee hanggang sa habol hininga siyang nagising, pawis na pawis.
“Hoy, gising, gising, sweetheart, binabangungot ka!” sabi ni Jordan na kanina pa siya niyuyugyog para magising siya.
At napagtanto ng bungangerang misis na bangungot lang pala ang lahat.
Agad na niyakap ni Aimee ang mister at humingi ng tawad.
“Sorry, sorry na, sweetheart! Pangako, hinding-hindi na ako magiging nagger. Magbabago na ako, hindi na kita pagdududahan,” maluha-luhang sabi niya.
Napangiti naman si Jordan at niyakap din ang misis.
“Ano ba kasi ang napanaginipan mo? Hayyy, sige na, pinapatawad na kita, sweetheart. Tahan na,” tugon ni Jordan na pinahid ang luha sa pisngi ng asawa.
Mula noon ay nagbago na nga si Aimee. Naging mas maayos na ang komunikasyon nilang mag-asawa. Kung ‘di pa binangungot ay hindi niya matututunan ang mahalagang leksyon.