Limampung Kompanya na ang Pinag-aplayan ng Lalaki Subalit ni Isa ay Walang Tumanggap sa Kaniya; May Pag-asa Pa Kaya Siyang Magkaroon ng Trabaho?
Kahit nawawalan na siya ng pag-asang matatanggap pa sa trabaho, patuloy pa ring umaasa si Eris na may kompanyang magtitiwala pa rin sa kaniya.
Ang totoo niyan, 50 beses na siyang nagtangkang mag-aplay sa iba’t ibang kompanya, hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang nagpa-print ng resume, at kung ilang ulit na niyang narinig ang gasgas na litanyang ‘Tatawagan ka na lang namin’.
Sa 50 kompanyang pinag-aplayan niya, ni isa ay wala pang tumawag sa kaniya.
Hindi niya alam kung anong mali sa kaniyang resume, kaya kung 50 ulit siyang nagpa-print nito, 50 ulit din niyang binago ang format. Sinala niyang maigi ang mga impormasyong inilagay niya roon upang mas mapabilib pa ang tagapanayam o kung sinumang Herodes na tumitingin niyon.
Ngunit sa tuwing umaalis siya ng bahay na taas-noo, pag-uwi niya naman ay laglag-balikat siya.
“Huwag kang mawawalan ng pag-asa, anak. May tatanggap din sa iyo,” pampalubag-loob na lamang ng kaniyang nanay, na kaisa-isang taong sa palagay niya ay tanggap at mahal siya.
“Oo naman, ‘Nay. Hindi yata uso sa lahi natin ang sumusuko, ‘di ba? Iniisip ko na nga lang si Pia eh. ‘Di ba sabi niya tatlong beses siyang natalo sa pageant, pero ngayon, kinikilala na siya sa buong mundo dahil nanalo siya sa Miss Universe. Baka sa akin, talagang pinaabot ng 50 para mas tumatag pa ako.”
Ngunit sa ika-51 pagtatangka, laglag na naman si Eris. Iniisip niya kung sablay ba ang kaniyang Ingles, o kung hindi ba nagugustuhan ng mga tagapanayam ang kaniyang hitsura, o kung may mali ba sa mga ikinikilos niya. Hindi niya rin matukoy.
“Baka naman kasi masyado kang mayabang o arogante ang dating? Alam mo may mga ganyang boss eh. Kapag nakikita nila na parang threat o banta sa posisyon nila ang empleyado o aplikante, ginagawan nila ng paraan para maalis sa landas nila,” sabi naman sa kaniya ng kaibigang si Monching, nang magkita sila.
“Ganoon ba ‘yun? Eh para saan pa ang pagpapasa ng resume? Saka, hindi ba’t dapat matuwa sila dahil magagaling ang mga nag-aaplay sa kanila, o ang mga empleyado nila? Kasi para naman sa kompanya iyon.”
“Eh hindi naman natin hawak ang utak ng mga tao eh. Malay mo, ganoon nga ang dahilan. Pero sa iyo… hindi ko alam. Baka naman overqualified ka? O underqualified?”
“Sira. Underqualified ka diyan. Nagtapos ako sa isang magandang state university, matataas ang mga marka ko sa lahat ng mga asignatura ko, wala akong palakol, pero pagdating nga sa karanasan ay wala ako. Paano ako magkakaroon ng karanasan kung wala namang tumatanggap sa akin, ‘di ba?”
“Hintay-hintay ka na lang, bro. Gusto mo magnegosyo ka na lang muna, kung may pera ka.”
Kaya ang ginawa na lamang ni Eris, habang hindi pa nauubos ang kaniyang pera, ay minabuti na lamang niyang magnegosyo.
Dahil may talento sa pagluluto at mahilig sa mga ‘putok-batok’ na pagkain gaya ng chicharong bulaklak, balat ng manok, bagnet, bone marrow ng baka, pares, at sisig, naisip niyang pagsama-samahin ito sa iisang package.
Sumunod, gumawa siya ng mga social media pages niya upang doon i-promote ang kaniyang paninda.
Pagkatapos, sinubukan muna niyang magtinda sa kanilang mga kapitbahay, at naging maganda naman ang feedback.
At doon na nagsimula ang pagdami ng mga umoorder sa kaniya. Ipinadadala ang mga ito sa pamamagitan ng delivery.
Nakalimutan na ni Eris ang paghahanap ng trabaho dahil sa kaliwa’t kanang order niya sa bagong negosyo.
Hanggang sa naisipan na niyang magtayo ng puwesto sa bayan. Isang kainan. Ginamit niyang pamuhunan ang kinita niya sa pagbebenta online.
Naging patok naman ito, lalo na’t malapit din ang nakuha niyang puwesto sa isang construction site at opisina.
Makalipas ang anim na buwan, kumuha pa ng isang puwesto si Eris, hanggang sa nadagdagan, nadagdagan, at umabot na sa pito ang branch nito.
Nagbukas na rin siya para sa pagpapa-franchise.
Makalipas ang dalawang taon, hindi na namalayan ni Eris ang paglago ng kaniyang negosyo. Tumanggap na rin ng mga kasosyo dahil marami pa siyang balak na gawin.
“Bro, hanep ka… ibang klase ka na. Ang galing mo!” papuri ni Monching sa kaniya nang magkita sila.
“Salamat, bro. Ngayon, alam ko na ang sagot kung bakit hindi ako matanggap-tanggap sa pag-aaplay bilang empleyado.”
“Bakit?”
“Kasi nakatadhana pala akong maging boss sa sarili kong kompanya,” nakangiting tugon ni Eris.
Kaya naman, sa patuloy na paglago ng kompanya ni Eris ay kumuha siya ng mga empleyadong alam niyang kailangang-kailangan talaga ang trabaho, dahil minsan na rin niyang napagdaanan ito.