Inday TrendingInday Trending
Nakapagpatayo ng Bahay at Nalagyan ng mga Mamahaling Kasapangkapan ang Vlogger na Ito Dahil sa Bigay ng Kaniyang mga Subscribers; Titigil na Ba Siya Kung May Manunumbat sa Kaniya?

Nakapagpatayo ng Bahay at Nalagyan ng mga Mamahaling Kasapangkapan ang Vlogger na Ito Dahil sa Bigay ng Kaniyang mga Subscribers; Titigil na Ba Siya Kung May Manunumbat sa Kaniya?

Maagang bumangon si Myna, isang vlogger, upang alamin kung kumusta na ba ang estado ng kaniyang kaka-upload pa lamang na vlog.

“2,576 views, wala pang 24 oras na nai-upload, hindi na masama,” usal ni Myna. Sumilip siya sa bintana. Madilim pa sa labas. Wala pang katao-tao at mukhang siya pa lamang ang gising. 5:00 pa lamang kasi ng madaling-araw.

Pinupuwersa niya talaga ang sarili na gumising nang maaga upang makapag-isip ng content na itatampok niya sa kaniyang vlog. Target niya na araw-araw makapag-upload upang mas mapabilis ang pasok ng kaniyang kita.

Simula nang matutong mag-vlog si Myna at kumita na nang malaki, sumikat at magkaroon ng mga subscribers na nagbibigay o nag-iisponsor sa kaniya nang kung ano-ano, tumigil na sa pagtatrabaho si Myna.

Katwiran niya, kayang-kaya naman ng kaniyang vlog na buhayin siya. Sa katunayan, hindi pa niya nagagalaw ang kalahati nito, na tantiya niya ay nasa kalahating milyong piso na.

Ang kalahati naman ay ginamit niya sa pagpapa-renovate ng kaniyang bahay, na katas din ng kaniyang pagba-vlog.

Ang totoo niya, malaki ang utang na loob niya sa mga susbcribers niya na natutuwa sa kaniyang mga vlogs, dahil halos araw-araw ay may kung ano-anong padala para sa kaniya.

Noong isang araw, isang microwave oven ang ipinadala sa kaniya mula sa kaniyang tagasubaybay sa Abu Dhabi.

Noong isa pang araw, isang cute na lalagyanan ng bigas.

Noong isa pang araw bago ang isa pang araw, mga kobrekamang makakapal mula sa Saudi Arabia.

Halos lahat ng mga gamit sa kaniyang bagong patayong bahay, galing sa kung kani-kaninong tao. Minsan nga ay hindi niya kilala, nagugulat na lamang siya.

Hindi lamang mga bagay o kasangkapan, maging mga pagkain.

Mga baked cupcakes…

Mga cakes…

Lasagna, baked tahong, arroz caldo, champorado, ube pan de sal…

Halos mabundat na siya at ang kaniyang pamilya. Minsan, hindi na magkasya sa kanilang refrigerator ang kanilang pagkain.

Masaya siya kapag nakakabasa ng magagandang komento mula sa kaniyang subscribers.

“Myna, nawala ang sakit ko nang mapanood ko ang vlog#79 mo, grabe, hagalpak talaga ako sa kakatawa!”

“Myna, sana naman sa susunod gumawa ka naman ng vlog na magpapakita ng evening routine mo.”

“Myna, inspirasyon mo ang hatid mo sa amin, imagine, sa edad mong 22 ay may sarili ka nang bahay! Ang galing mo!”

“Alam mo ba, wala akong ibang sinusundang vlogger na karaniwang tao kundi ikaw lang? Idolo ka namin ng mga kapatid ko. Sana naman sa susunod, Mukbang naman ang gawin mo!”

Kapag ganitong magagandang komento ang nababasa ni Myna, talagang sumisigla siya sa pag-iisip, pagbuo, at pag-eedit ng mga videos na i-uupload niya.

Ngunit kung may mga positibong komento, hindi rin nawawala ang mga negatibong komento.

At iyon ang labis na nakakaapekto kay Myna.

Minsan, may nagsabi sa kaniya na lahat na lamang daw ng mayroon siya, utang na loob niya sa mga taong nakapaligid sa kaniya.

“Malaki ang utang na loob mo sa aming mga subscribers mo, at doon sa mga nagbibigay sa iyo. Napagawa mo ang bahay at nakompleto mo ang mga gamit sa loob nito nang ganoon lamang?”

Kaya sa tuwing nakakabasa siya ng mga negatibong komento, hindi siya nakakatulog nang maayos.

Iyon nga talaga siguro ang buhay ng isang vlogger.

Masaya sa pakiramdam na nakapagbibigay ng inspirasyon sa ibang tao.

Sa kabilang banda, tila walang kapayapaan ang buhay dahil kailangang pasiyahin din sila.

Hindi puwedeng magtaray. Hindi puwedeng mawala sa mood.

Kagaya ngayon. Nang muli niyang silipin ang mga komento sa kaniyang kaka-upload na vlog, sa dami ng magagandang komento na naroon, isang basher ang nagbitiw ng mga salitang hindi niya matatanggap.

“Anong pakiramdam na lahat ng mga gamit mo sa bahay, pati na pinapalamon mo sa pamilya, galing sa bigay? Mahiya ka naman!”

Napaiyak si Myna sa nabasang iyon.

“Parang hindi ko naman sila napapasaya… hindi ko naman hiningi ang mga gamit at biyayang dumarating sa atin,” hindi na niya napigilang maglabas ng kaniyang hinanakit sa kaniyang ina.

“Anak, huwag mo na lamang silang intindihin. Mga naiinggit lamang ang mga iyan. Tama ka sa sinabi mo. Hindi mo naman hiningi kundi kusang ibinigay. Inggit lang sila.”

Kaya sa sumunod niyang vlog, pinamagatan niya itong ‘open letter’. Layunin niyang maibukas nang tuluyan ang kaniyang sarili sa kaniyang mga subscribers: ipaliwanag sa kanila ang kaniyang tunay na nararamdaman, at ipinagtapat niya ang tungkol sa pakiramdam niya na utang na loob niya sa kanilang lahat kung anuman ang mayroon siya.

Umani naman ito ng iba’t ibang magagandang komento mula sa mga subscribers niya.

“Myna, mahal na mahal ka namin! Huwag mong intindihin ang mga sinasabi ng mga bashers, kasi inggit lang sila sa mga natatamo mo ngayon sa buhay. Ipagpatuloy mo lang ang pagbuo at pag-upload ng mga vlogs kasi marami kaming napapasaya mo.”

“Don’t mind the bashers… hayaan mong gantihan sila sa pamamagitan ng tagumpay mo, Ms. Myna! Nakasuporta kami sa iyo!”

“Sabihin na nating totoo na maraming nagbibigay sa iyong sponsors, pero deserve mo iyon! Iyong mga nagbigay nga walang sinasabing ganyan sa iyo, sila pang nakanganga lang?”

Kaya naman, napangiti na si Myna. Alam niyang nasa tama siyang landas sa ginagawa: ang maghatid ng saya at inspirasyon sa pamamagitan ng kaniyang vlog. Hinding-hindi siya titigil hangga’t may sumusuporta pa sa kaniya!

Advertisement