Inday TrendingInday Trending
Nagmumurang-Kamatis ang Lola at ang Panalangin Niya’y Muli Siyang Datnan ng Buwanang Dalaw; Isang Araw, Nakita Niyang May Bahid ng Kulay-Pula ang Kaniyang Panloob

Nagmumurang-Kamatis ang Lola at ang Panalangin Niya’y Muli Siyang Datnan ng Buwanang Dalaw; Isang Araw, Nakita Niyang May Bahid ng Kulay-Pula ang Kaniyang Panloob

Gulat na gulat si Maylyn nang makita ang kaniyang 64 na taong gulang na lolang si Constancia na nakasuot ng maiksing shorts, mahaba ang hikaw na nakalawit, at putok na putok ang make up.

“L-Lola, may lakad po ba kayo? Saan po ba kayo pupunta at bihis na bihis po yata kayo?” tanong ni Maylyn.

“Ah wala naman, mamamasyal lamang ako riyan sa parke ng ating subdibisyon. Bakit? May mali ba sa akin?”

Hindi sumagot si Maylyn. Tiningnan niya mula ulo hanggang paa ang kaniyang lolang ‘nagmumurang-kamatis’.

“M-Medyo makapal po kasi ang make-up ninyo, lola… saka hindi po ba masyadong maiksi ang shorts ninyo para sa edad ninyo?” ani Maylyn. Kitang-kita kasi ang mga kulubot sa binti nito.

“Hay naku, sa init ng panahon ngayon ay huhulas din naman ang make-up ko. Saka may nakita ka na bang mahabang shorts? Oh siya aalis na ako, ikaw na ang magsaing mamaya ha at masisira ang magaganda kong kuko, kaka-manicure ko lang,” bilin ng matanda sa kaniyang apo.

Habang siya ay naglalakad patungo sa parke, alam niyang nakatingin sa kaniya ang lahat. Iyan talaga ang nais ni Constancia, ang mapansin siya ng mga taong makakakita sa kaniya, purihin siya, at sabihing ang ganda-ganda niya pa rin sa edad niya, kahit na senior citizen na siya.

Kung alam lamang niya kung ano ang tumatakbo sa isipan ng kaniyang mga kapitbahay kapag nakikita siya, o kapag nakalagpas na siya matapos purihin na ang ganda-ganda niya.

“Naniwala naman ang ungas! Akala mo ang ganda eh. Sagwa kaya!”

“Nagmumurang-kamatis ang lola n’yo. Akala niya kay gandang tingnan ng mga kulubot niya! Diyos ko, anong nangyayari sa babaeng ito?”

“Baka naman tigang na tigang na! Matagal nang sumakabilang-buhay ang mister niya. Susmaryosep!”

Aminado si Constancia na may malaking bagay sa kaniyang pagkatao na nais niyang mabalikan dahil sa maagang pag-aasawa.

Hindi niya na-enjoy ang buhay pagkadalaga.

Noong bata-bata pa siya, ipinaunawa na sa kanila ng kaniyang ama na mag-aasawa rin lamang siya. Ipinagkasundo siya sa isang lalaking ni anino ay hindi niya kilala, at hindi niya mahal.

Masuwerte na lamang siya at mabait ang lalaking iyon, si Felix, na siyang naging ama ng kaniyang mga anak. Sila ay nakapitong anak. Lahat ng mga anak nila ay may sari-sarili na ring pamilya.

Nauna nang sumakabilang-buhay ang kaniyang mister, at simula noon, hindi na binuksan pa ni Constancia ang kaniyang puso para sa ibang lalaki.

Nang mawala na ang kaniyang buwanang-dalaw, doon niya naramdaman na tila may nais siyang maranasan sa kaniyang buhay, tutal naman, naisip niya na wala na siyang iintindihin pa.

Maayos na ang buhay ng kaniyang mga anak.

May sarili siyang pera mula sa pensyon.

Malalaki na rin naman ang mga apo niya at wala na siyang alagain pa.

Saka niya naisipang mag-enjoy. Sinubukan niyang mag-make-up, magsuot ng mga seksing damit, at talagang mag-ayos sa sarili.

Ayaw niyang mahulaan ng mga tao ang kaniyang tunay na edad.

Hanggang ngayon ay nagsusuot pa rin siya ng pasador. Ito ang sikretong pinakatatago-tago niya.

“Panginoon, sana po, pabalikin n’yo po ang re*gla ko…” araw-araw at gabi-gabing panalangin ni Constancia.

Kung ang ibang babae ay ayaw na ayaw sa re*gla, siya naman ay inaasam-asam ito.

Ibig sabihin kasi, hindi pa siya matanda. Kapag menopause ka na, ibig sabihin niyon ay malapit ka na sa edad na palipas na.

Umaasam-asam si Constancia na balang-araw, matutupad ang kaniyang hiling na siya ay datnan.

Pagkauwi niya mula sa parke at matapos mamasyal, nagpasya si Constancia na maligo.

Nang hubarin na niya ang kaniyang panloob, napansin niya na may bahid ng dugo ang pasador na nasa kaniyang panty.

Nagitla siya sa kaniyang nakita!

Dininig ng Diyos ang kaniyang panalangin! May dalaw na ulit siya!

“Bumabata na ba ulit ako?” sambit ni Constancia sa kaniyang sarili habang nakaharap sa salamin, tinatapik-tapik ang humpak na pisngi.

At tumagal ang naturang re*gla ng ilang mga araw, ilang mga linggo, at umabot ng isang buwan!

Tuwang-tuwa si Constancia. Pakiramdam niya ay bumabalik siya sa pagkabata.

Nalaman ito ni Maylyn, na agad niyang ipinaalam sa kaniyang ina, na anak ni Constancia.

“Ma, mukhang kailangan nating magpakonsulta sa manggagamot. Kasi po ay dinudugo kayo. Namumutla na nga po kayo,” sabi ni Elenor sa kaniyang ina.

“Bakit kailangang kumonsulta? Matagal ko na talagang ipinanalangin sa Panginoon na sana ay pare*glahin ulit ako, dahil gusto kong bumata pa.”

Ngunit isang araw ay bigla na lamang nahilo si Constancia. Agad siyang itinakbo sa ospital.

“Kailangang i-raspa si Lola Constancia. Kaya po kayo dinadatnan… kaya po kayo dinudugo, manipis na po kasi ang inyong bahay-bata. Kailangan po nating malinisan para hindi mauwi sa mas malalang sakit,” sabi ng OB-Gyne. “Hindi po ito isang milagro…”

Sa lalong madaling panahon ay naisagawa ang pag-raspa kay Constancia.

Ilang linggo lamang ay nakauwi na sa kanilang bahay ang lola. Huminto na ang pagdurugo ng kaniyang puw*rta. Mabuti na lamang daw at naagapan ito.

“Akala ko, bumalik na ang re*gla ko eh… akala ko bumalik na ako sa pagkabata ko. Siguro, nararapat ko nang yakapin kung ano ang ngayon ko.”

Minabuti na lamang ni Constancia na i-enjoy ang kaniyang ‘kasalukuyan’ at huwag nang ipilit pa ang bumalik sa nakaraan dahil hindi na ito bagay sa kaniyang katawan, edad, at kalagayan.

Nagsusuot pa rin siya ng mga damit na seksi at naglalagay ng kolorete sa mukha.

Itinuon na lamang niya ang oras sa pag-aalaga sa mga apo, at paggawa ng mga bagay na magpapasaya sa kaniya.

Advertisement