Inday TrendingInday Trending
Pinagawa ng Binatilyo sa Kaniyang Kaibigang Mahusay Gumuhit ang Poster na Proyekto Niya sa Paaralan; Kinabahan Siya Nang Ipatawag Siya ng Kanilang Guro

Pinagawa ng Binatilyo sa Kaniyang Kaibigang Mahusay Gumuhit ang Poster na Proyekto Niya sa Paaralan; Kinabahan Siya Nang Ipatawag Siya ng Kanilang Guro

Iisa lang ang naisip ni Jojo nang sabihin ng kanilang guro sa asignaturang Arts na ang kanilang magiging proyekto para sa Unang Markahan ay paggawa ng poster.

Ang kaibigang si Pete.

Hindi talaga mahusay gumuhit si Jojo, at sa totoo lamang, tamad na tamad na siyang mag-aral. Lahat ng mga asignatura niya ay pinasasagutan niya sa kaniyang mga kaibigan, basta’t bibigyan niya ng pera o kaya naman ay ililibre.

At sa pagkakataong ito, si Pete na mahusay at kabilib-bilib ang talento sa pagguhit at pagpipinta ang kailangan niya.

“Hindi ba tayo sasabit diyan, p’re?” tanong ni Pete nang kausapin niya.

“Bakit naman tayo sasabit? Hindi naman labag sa batas gagawin natin. Wala kang ibang gagawin kundi gawan ako ng poster tungkol sa temang ‘Katapatan ang Magsusulong sa Isang Bayan’.

“Oh sige, ikaw ang bahala. Gagalingan ko para sa libre mo sa akin,” wika ni Pete.

“Kaya mo ba hanggang bukas? Sa Biyernes na kasi ang pasahan niya. Martes ngayon. Para Miyerkules pa lang, sigurado na ako na may maipapasa ako.”

“Oo sige, papgpupuyatan ko, wala naman akong masyadong ginagawa.”

Nang maibigay na ni Jojo ang mga materyales na kakailanganin nito gaya ng cartolina, lapis, at oil pastel, ginugol na niya ang kaniyang oras sa paglalaro ng family computer.

Kapag nakatutok na siya sa paglalaro nito, tila nakakalimutan ni Jojo na lumilipas ang oras. Minsan nga, hindi na siya nakakakain basta’t nakakapaglaro siya.

Kinabukasan, nagsadya si Jojo sa bahay nina Pete upang kunin ang ipinagawa niyang poster.

Namangha siya sa kaniyang nakita. Hindi maganda ang poster na ginawa nito—kundi napakaganda!

“A-Ang galing mo talaga, Pete! Panalo ka talaga! Grabe! Akala mo buhay na buhay. Tiyak na matutuwa ang titser ko nito kapag ipinakita ko na sa kaniya!” paghanga ni Jojo sa poster na ginawa ni Pete.

“Oh, kapag mataas ang markang makukuha mo riyan, kailangang ilibre mo ako ah,” sabi ni Pete.

“Oo naman!”

Humanga maging ang mga kaklase ni Jojo nang makita nila ang poster nito.

“Ang ganda! Ikaw ba ang may gawa niyan?” puri ni Mabel, isa sa mga kaklase niya.

“Syempre naman, sino pa ba?” at kinusot-kusot pa ni Jojo ang kaniyang ilong, inayos-ayos kunwari ang kuwelyo ng uniporme.

“Naku, tiyak na magugustuhan ni Ma’am ‘yan. Hindi na iyan isasauli sa iyo, baka ilagay na display sa silid-aklatan.”

“Magaling ka pala gumuhit?” namamanghang bulalas ni Nestor.

“Oo naman! Pero syempre hindi ko naman ipinapakita sa inyo ang talento ko,” saad pa ni Jojo na akala mo ay siya talaga ang gumawa ng proyekto niya.

Sa oras ng klase, may mahalagang anunsyo ang kanilang guro sa asignaturang Arts na si Gng. Nebasa.

“Mula sa mga ipapasa ninyong poster, pipili kami ng pinakamahusay. At kung kaninong poster ang mapipili, siya ang magiging kinatawan ng paaralan sa poster-making contest sa ating distrito.”

At hindi nga nagkamali si Jojo at ang kaniyang mga kaklase. Manghang-mangha si Gng. Nebasa sa poster niya.

Pinatawag siya ni Gng. Nebasa kinabukasan. Kinabahan si Jojo. Tatanungin kaya siya kung siya ba talaga ang gumawa ng poster? Magsisinungaling ba siya o magsasabi na ng totoo?

“Jojo, napagpasyahan naming mga guro na ikaw ang ipadalang kinatawan para sa poster-making contest. Makakalaban mo ang mga kinatawan ng bawat paaralan sa distrito natin kaya galingan mo. Magsasanay tayo pagkatapos ng klase, tuwing hapon. Sasagutin ko na ang meryenda mo,” ani Gng. Nebasa.

Hindi nakapagsalita si Jojo. Tumango-tango lamang siya.

Kabang-kaba siya. Litong-lito. Aaminin ba niya sa guro na hindi talaga siya ang gumawa ng poster na iyon kundi pinagawa niya sa iba?

Kapag umamin siya, tiyak na bababa ang kaniyang marka. O baka mas malala, ipatawag pa ang mga magulang niya.

Tawang-tawa si Pete nang mabalitaan ang nangyari.

“Anong gagawin ko? Imbes na tulungan mo akong mag-isip, tinatawanan mo pa ‘ko!” pikon na sabi ni Jojo sa kaibigan.

“Alam mo p’re, umamin ka na lang. Face the consequences. Mas mainam na iyan kaysa pahirapan mo sarili mo, saka baka ipahiya mo lang buong paaralan n’yo kung ipipilit mo iyan.”

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Jojo. Iniisip niya ang nararapat gawin. Nakatulugan niya ang pag-iisip.

Kinabukasan, matapos ang klase ay kinausap niya si Gng. Nebasa.

“Uy Jojo mabuti’t pinuntahan mo ako. Hindi na pala matutuloy yung poster-making contest. Kaya okay na, wala na tayong training. Kung biglaang matuloy, papatawag na lang kita.”

Nakahinga nang maluwag si Jojo. Para siyang nabunutan ng tinik. Wala na siyang problema!

Kahit hindi na niya aminin ang totoo.

G-Ganoon po ba, Ma’am? Sige po, salamat po… una na po ako…” magalang na paalam ni Jojo.

Ngunit bago siya umibis paalis ay nahagip ng mga mata niya ang poster na ipinasa niya. Nabasa niya ang nakasulat.

“Katapatan ang magpapalaya sa sinuman”.

Pumihit pabalik si Jojo.

“Ma’am… may kailangan po kayong malaman…”

Lumabas si Jojo nang nakangiti at walang anumang alalahanin. Pakiramdam niya ay lumaya siya mula sa pagkakapiit.

Binawasan man ni Gng. Nebasa ang marka ng kaniyang poster, ayos lamang. Ang mahalaga, sinabi niya ang totoong hindi siya ang gumawa nito.

Simula noon, nagsumikap si Jojo na mag-aral nang mabuti at natuto na siyang gawin ang mga gawaing pampaaralan, sa kaniyang sarili.

Naisip niya, hindi siya matututo kung hindi siya ang gagawa, kung hindi siya ang kikilos.

Advertisement