Nagpapayat ang Dalaga para Makuha ang Binatang Inagaw sa Kaniya ng Kaibigan; Labis na Pangongonsenya ang Kaniyang Naramdaman
Sa murang edad, nakaranas ng mga pang-aalipusta at pangmamaliit si Dahlia. Tuwang-tuwa man ang kaniyang mga magulang sa pagiging malusog at matalino niya, pinauulanan naman siya ng ibang tao, lalo na ng kaniyang mga kaklase dahil sa itsura niyang ito.
Dekalibre ang katabaang mayroon siya. Tila hindi na makita ang kaniyang leeg at siya’y hirap nang kumilos dahilan para siya’y palaging paulanan ng mga katatawan hanggang siya’y magkolehiyo.
“Ano ka ba naman, Dahlia? Dalaga ka na, hindi mo pa rin magawang pagandahin ang itsura mo?” patawa-tawa sabi sa kaniya ng isang dalaga na palagi siyang pinagtatawanan.
“O, bakit? Tingin mo ba maganda ka dahil lang sa payat ka? Hoy! Tumingin ka nga sa salamin! Mukha ka ngang butiking Pasay, eh!” sabat ni Melissa, isang sikat at magandang estudyante sa kanilang paaralan na labis niyang ikinabigla.
“Me-melissa, tama na, baka mamaya, ikaw pa ang pagdiskitahan niyan nila,” saway niya rito.
“Wala akong pakialam! Ayoko lang na may nasasaktan at nahihiya dahil sa itsura nila! Wala namang masama sa itsura mo, eh!” sabi pa nito na talagang nagpataba ng puso niya dahilan para ituring niya itong tunay na kaibigan simula noon.
Lahat ng kaniyang mga hinanaing sa buhay, pangarap, kahihiyan, at pati na ang kaniyang pinapantasyang binata, binahagi niya rito na labis niyang ikinatuwa dahil hindi siya nito kailanman hinusgahan.
Kaya lang, isang araw, bigla niya nakitang kasama nito ang pinapangarap niyang binata na labis na ikinasama ng loob niya. Kaya naman, simula noon hanggang sa makapagtapos siya ng kolehiyo, iniwasan na niya ang dalaga at pinangakong paghihigantihan niya ito.
Ito ang dahilan para siya’y magpursiging magpapayat. Lalo pa siyang ginanahan nang makakilala siya ng mga naggagandahang at nagseseksihang kababaihan sa kumpanyang kaniyang pinagtatrababuhan na handa siyang tulungang magbago ng itsura.
Katakot-takot na pagod man ang kaniyang nararamdaman sa araw-araw simula nang sumama siya sa kaniyang mga katrabaho na mag-ehersisyo sa gym, tiniis niya ang lahat ng ito alang-alang sa kaniyang paghihiganti.
Sinabayan niya ang pag-eehersisyo niyang ito ng pagkain ng mga masusustansiyang pagkain dahilan para siya’y tuluyang magkaroon ng seksi na katawan na noon niya pa inaasam.
Lumabas ang tunay niyang ganda nang mawala ang mga hindi kanais-nais na taba sa kaniyang mukha. Ito na ang dahilan para ganoon na lang siya magkaroon ng lakas na loob upang muling magpakita sa dating kaibigan na si Melissa.
Kaya lang, nabalitaan niyang nobyo pa rin nito ang pinapangarap niyang binata noon. Doon na niya naisip na agawin ang binatang dapat naman talaga ay sa kaniya.
Hinanap niya ang social media account ng binata at nang malaman niyang nagtatrabaho ito sa isang kumpanyang hindi kalayuan sa apartment niya, agad niya itong pinuntahan.
Halos lumuwa ang mata ng binata nang siya’y muling makita. Hindi na niya sinayang ang pagkakataong iyon at ito’y agad na niyang niyayang uminom. Nang malasing na ito, agad niya itong dinala sa motel at siya’y nagpost sa social media ng larawan nilang dalawa na nasa kama.
Wala pang kalahating oras, binubulabog na ng dati niyang kaibigan ang kwartong kanilang nirentahan dahilan para siya’y labis na mapangisi.
“Binawi ko lang ang binatang sa akin naman talaga dapat noon pa man. Sadyang hindi ko lang siya nakuha noon dahil bukod sa mataba ako, may higad pang umaligid sa kaniya. Ano’ng pakiramdam nang maagawan, Melissa?” mataray niyang sabi rito nang mabuksan nito ang pintuang sadya niyang hindi sinarhan.
“Wala akong inagaw sa’yo, Dahlia! Nobyo ko na siya simula pa lamang noong hayksul kami! Hinayaan na nga kitang magkagusto sa kaniya kahit kaibigan kita dahil naaawa ako sa’yo tapos ito lang ang igaganti mo?” hagulgol nito habang pilit na ginigising ang binatang tulog na tulog sa pagkalasing.
“Huwag ka nang magsinungaling! Aminin mo nang nilingkisan mo siya nang malaman mong gusto mo siya!” sigaw niya pa rito, ngunit imbis na sumagot ito, higasin lamang nito ang selpon ng lalaki na may wallpaper ng picture ng dalawa na parehas pang menor de edad.
“Totoo, Dahlia, kaya pala bigla mo akong iniwasan ay dahil akala mo, inagaw ko siya sa’yo. Hindi ‘yon totoo, wala akong ibang hinangad kung hindi ang mapabuti at sumaya ka kaya kita palaging sinasamahan at pinagtatanggol dati,” hikbi nito dahilan para siya’y labis na makaramdam ng pangongonsenya, “Wala ring silbi ang ganda at kaseksihang mayroon ka ngayon kung pumangit naman ang ugali mo,” dagdag pa nito saka umalis na rin sa kwartong iyon kasama ang binatang bahagya nang natauhan dahil sa kanilang sigawan.
Doon niya labis na napagtantong maling-mali pala talaga ang kaniyang hinala at ginawa dahilan para simula noon, inalis na niya ang galit sa puso at minabuting makipagkaayos sa dalagang iyon na tinuturing siyang kaibigan.
Simula noon, hindi na niya inayos ang sarili para makapaghiganti. Pinagpatuloy niya ang pag-eehersisyo at pagkain ng tama para sa kaniyang sarili.