Naiinis ang Dalaga sa Bagong Empleyadong Hindi Marunong Bumati, Dapat nga ba Siyang Maghari-harian dahil Siya’y May Mataas na Posisyon?
Araw ng Biyernes noon, huling araw ng pagpasok sa trabaho sa isang linggo ng dalagang si Charmaine. Ang araw na linggo-linggo niyang pinakahihintay dahil siya’y makapagpapahinga na kinabukasan.
Lingid sa kaalaman niya na ang araw na iyon ang hinding-hindi niya makakalimutan sa tanang buhay niya dahil lahat ng pagod at paghihirap niya sa trabaho ay mabibigyan na ng pansin ng mga nakakataas.
“Ms. Charmaine, binabati kita!”
“Congrats, Ms. Charmaine! Magpa-burger ka naman!”
“I-text mo na lang po ako, Ms, Charmaine, kung saang bar ka magpapainom, ha, overtime ako ngayon, eh!”
Ilan lamang ito sa mga katagang sinabi ng kaniyang mga katrabaho habang siya’y nag-aayos ng kaniyang mga gamit upang makauwi na.
“Anong pinagsasasabi nila? May sahod na ba? Teka, ilang araw pa bago magkinsenas, ha? Mga loko-loko talaga, wala na namang mapagdiskitahan ‘tong mga ‘to,” sabi niya sa sarili saka agad nang sinukbit ang kaniyang bag.
Kaya lang, bago pa siya makaalis sa lamesa niya, siya’y biglang nilapitan ng kanilang boss at siya’y inabutan ng ilang mga dokumento.
“Pasensya ka na kung natagalan ang pagtaas ng posisyon ng isang matalino, responsable, at magaling na empleyadong katulad mo. Ayos lang ba sa’yong maging isa ka sa mga matataas na opisyal ng kumpanyang ito?” nakangiting sabi nito na talagang ikinagulat at ikinaiyak niya sa tuwa.
“Opo naman, boss! Pangako, hinding-hindi niyo ito pagsisisihan! Gagalingan ko pa po lalo!” tugon niya saka agad na pinirmahan ang mga kasunduang binigay nito.
Mas lalo niya ngang ginalingan ang pagtatrabaho simula noon. Kung dati’y tamad na tamad na siyang magtrabaho dahil nga hindi napapansin ang kaniyang kagalingan, ngayo’y halos hindi na siya nauwi ng bahay dahil sa dami ng kaniyang ginagawa na labis niya namang ikinasasaya.
Kaya lang, nang may bagong empleyadong biglang sumulpot sa kanilang kumpanya na hindi man lang siya nagagawang batiin o kausapin tuwing siya’y nakakasalubong o nakakasabay sa elevator, ganoon na lamang siya labis na nakaramdam ng galit dito.
“Bakit nila kinuha ang dalagang iyon? Ni hindi man lang marunong gumalang sa mga nakatataas sa kaniya! Hindi ba niya alam na isa ako sa mga matatas na opisyal dito na dapat niyang pakitunguhan nang ayos?” inis niyang sambit nang makarating siya sa sarili niyang opisina.
“Iyong bagong empleyado po ba ang tinutukoy niyo, Ms. Charmaine?” tanong ng kaniyang sekretarya saka siya inabutan ng kape.
“Oo, kilala mo ba ‘yon?” tanong niya rin dito.
“Hindi po, eh, pero nakasabay ko po siyang kumain kahapon sa kantin. Mukha naman po siyang mabait at magalang, ma’am,” sagot nito na ikinataas ng kilay niya.
“O, marunong naman pala siyang makipagsalamuha at gumalang sa mga katulad mong may mababang posisyon. Bakit hindi niya ako magawang galangin?” diretsahan niyang sabi sa sekretarya na ikinatungo na lamang nito.
Sa sobrang inis na nararamdaman niya, naisip niyang hilingin sa kanilang boss na ito’y tanggalin sa kanilang kumpanya.
“Tiyak, papakinggan naman ako ni boss, lalo na kung walang galang ang dalagang iyon! Halos araw-araw kong nakakasabay sa elevator at nakakasalubong, hindi man lang ako magawang ngitian o batiin!” sabi niya pa saka agad na nagtungo sa opisina ng kanilang boss.
Pagdating niya roon, agad niyang sinabi rito ang kaniyang hinanaing at ito’y natawa lamang.
“Ano pong nakakatawa, boss?” tanong niya rito.
“Ilag kasi sa mga babaeng mukhang mataray katulad mo ang anak kong iyon. Mataray kasi ang nanay niya at palagi siyang pinagagalitan simula pagkabata. Pasensya ka na, pero hindi ko siya matanggal dahil siya ang maaaring pumalit sa akin kapag nawala na ako,” nakangiti nitong tugon na ikinagulat niya, “Matutuwa ako kung hahasain mo siya kung paano magtrabaho sa kumpanyang ito,” dagdag pa nito saka agad na pinatawag ang naturang dalaga at pinakilala sa kaniya.
“Diyos ko! Akala ko, maaalis na sa paningin ko ang dalagang ito! Lalo pa pala siyang mapapalapit sa akin!” inis niyang sabi nang sila’y pinagtabi ng kanilang boss.
“May sinasabi ka, Ms. Charmaine?” tanong nito dahilan siyang agad na mapailing, “Tandaan niyong dalawa, hindi rason ang pagkakaroon niyo ng mataas na posisyon para maghari-harian kayo sa kumpanyang ito. Kapag ginawa niyo iyon, tiyak, iyon ang makapagpapabagsak sa inyo,” pangaral pa nito habang nakatingin sa kaniya na labis niyang ikinahiya.
Dahil doon, sapilitan niyang tinuruan ang sarili na pakisamahan nang pantay ang iba pang empleyado roon kahit na mas mababa ang posisyon ng mga ito sa kaniya, lalo na ang dalagang anak ng kanilang boss.
Sa kabutihang palad naman, nang tuluyan niyang makilala ang naturang dalaga, ito’y kaniyang nakapalagayan ng loob na talagang ikinasaya ng ama nitong lalong humanga sa kaniya.