Hinahamak ng Ginang ang mga Tindera sa Tabing Kalsada, Natauhan Siya sa Aral na Binigay ng Anak
Simula nang makapagtapos ng pag-aaral at makahanap ng magandang trabaho, palagi nang bukambibig ni Hilda ang lahat ng mga tagumpay na natamasa niya dahil sa kaniyang katalinuhan.
Wala mang magtanong sa kaniya kung ano nang estado ng buhay niya, gagawin niya ang lahat upang malaman ng mga taong kausap niya ang ganda ng buhay na mayroon siya.
Lalo pang lumaki ang ulo niya nang siya’y makapangasawa ng isang negosiyante na nagbigay sa kaniya ng isang engradeng kasal na talaga nga namang pinag-usapan hindi lang ng kanilang buong lalawigan kung hindi ng buong bansa dahilan upang ganoon niya na lang maramdaman ang swerte niya sa buhay.
Tila wala na ngang mahihiling sa buhay niya dahil paglipas lang ng isang taon, siya naman ay biniyayaan ng isang malusog na batang babae na lumaking bibo at matalino katulad niya.
Ito ang dahilan para ganoon niya na lang magawang maliit ang mga taong mas mababa ang estado ng buhay kaysa sa kaniya lalo na ang mga taong madalas niyang makita sa kalsada.
“Mabuti na lang talaga nag-aral akong mabuti, mahal, at ikaw ang napangasawa ko, ‘no? Kung hindi, baka isa rin ako sa mga kawawang babae sa lansangan sa lansangan ng mga paninda na hindi makaahon sa hirap!” patawa-tawa niyang sabi habang sila’y nasa loob ng sasakyan ng kaniyang asawa’t anak patungo sa isang hotel na kanilang paglilipasan ng gabi.
“Maigi nga na ganito ‘yong buhay natin pero katulad natin, nagtatrabaho rin naman sila nang marangal kaya hindi mo dapat sila pagtawanan nang gan’yan. Lalo na sa harap ng anak natin,” saway nito sa kaniya.
“Tulog naman ang anak natin, eh, hindi niya ‘yan maririnig. Saka, ano bang masama sa sinabi ko, ha? Natutuwa lang naman ako na hindi mahirap ang buhay natin katulad nila,” katwiran niya pa habang tinitingnan ang mga tindera sa tabing kalsada.
“Sige na, ikaw na ang panalo. Huwag ka nang maingay baka magising pa si bunso,” pagpapaubaya nito saka tahimik na lang na nagmaneho.
Kahit ilang beses man siyang pagsabihan ng kaniyang asawa tungkol sa ugali niyang ito, patuloy niya pa rin itong ginagawa.
Sa katunayan, pagkababang-pagkababa nila ng sasakyan nang makarating na sila sa hotel, muli niyang minaliit ang ginang na nag-aalok ng pangpasalubong na produkto sa mga taong papasok sa hotel.
“Anak, kung ayaw mong maging katulad ng babaeng ‘yan, mag-aral ka nang mabuti, ha? Gumaya ka kay mommy na ginawa ang lahat para hindi maging mahirap. Mahirap maging mahirap, anak, kita mo siya, halata na ang pagod sa mukha niya pero sigurado ako, wala pa siyang benta. Gusto mo bang maging katulad niya?” tanong niya sa pitong taong gulang niyang anak habang hinihintay nila ang asawa niyang nag-park ng kanilang sasakyan.
“Mas gusto ko pong maging isang katulad niya. Masipag na, may determinasyon pa sa buhay. Kaysa po maging isang katulad mo, mommy. Mayaman nga pero hindi naman po maganda ang ugali,” diretsahang sabi nito na ikinalaglag ng panga niya, wala ni isang salita ang lumabas sa bibig niya nang marinig iyon.
Ni hindi niya nagawang sawayin ang kaniyang anak nang pumunta ito sa harap ng ginang na nagbebenta at ito’y abutan ng pera.
“Hindi naman po mababawasan ang pagkatao mo, mommy, kapag ginamit mo ang pera niyo ni daddy sa pagtulong sa mga mahihirap na katulad nila. Ayan po ang turo sa amin sa eskwelahan,” sabi pa nito sa kaniya nang muli itong lumapit sa kaniya.
“Napakahusay mong ina, hija, napalaki mo nang ayos ang anak mo. Maraming salamat sa tulong niyo,” mangiyakngiyak na sabi ng ginang na lumapit pa sa kanila para lamang magpasalamat.
Doon siya labis na nakaramdam nang pangongonsenya. Pinagmasdan niya ang anak na ngiting-ngiti habang tinitingnan ang ginang na nagtitinda. Lubos niya ngayong naintindihan na siguro’y pinagkalooban siya ng magandang buhay upang tumulong sa iba at hindi ang manghamak ng iba.
Kaya naman, simula noon, tinigilan niya na ang ganoong pag-uugali. Bagkus, siya’y tumulong na rin sa mga mahihirap kahit na sa pinakasimpleng pamamaraan katuwang ang kaniyang anak na masayang makita siyang nagbabago at kaniyang asawa na todo kung magbigay ng suporta.
“Mabuti na lang talaga, matalino at may puso ang anak natin, ‘no?” sabi ng kaniyang asawa, isang umaga habang sila’y nagpapamigay ng almusal sa mga tindera sa tabing kalsada na hiling ng kanilang anak.