Alam man Niyang May Pamilya na ang Manliligaw, Sinagot Niya pa rin Ito; Natuklasan Ito ng Kaniyang mga Anak
Tinuturing ng nakararami na masaya ang isang pamilya kapag mayroong responsableng ama, maalagang ina, at masayahing mga anak na nakapagpapawi ng hirap at pagod ng mga magulang. Dumaan man sa hirap ay ayos lang basta’t sama-sama ang isang pamilya. Ngunit, hindi lahat ng pamilya ay buo at masaya.
Isa ang pamilya ng ginang na si Gina sa libo-libong sirang pamilya dahil sa hiwalayan nila ng kaniyang asawa isang dekada na ang nakararaan. Kahit na alam niyang natanggap na niyang hindi na siya nito mahal, tandang-tanda niya pa rin kung gaano kasakit ang makitang may kasama itong ibang pamilya sa mall habang ang dalawang anak niyang babae ay walang makain.
Pero dahil nga siya na lang ang maaaring sandalan ng mga ito, siya’y labis na nagpakatatag sa loob ng tatlong taong iyon. Sinikap niyang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang mga anak at sinigurong hindi mararamdaman ng mga ito ang kakulangang mayroon sa kanilang pamilya.
Kaya lang, kahit na nakakayanan niya namang tugunan ang responsibilidad ng isang ama’t ina sa kaniyang mga anak, hindi niya pa rin maiwasang maghangad na may dumating na lalaki sa buhay niya upang siya’y tulungan sa pagpapalaki sa mga ito.
Ito ang dahilan para kahit alam niyang may kasal at sarili na ring pamilya ang katrabaho niyang si Edel na bigla niyang nakapalagayan ng loob, pumasok pa rin siya sa isang relasyon kasama ito.
“Sigurado ka ba, mama, na mahal ka po talaga niya?” pang-uusisa ng kaniyang bunsong anak nang magtapat siya sa mga ito tungkol sa bago niyang karelasyon habang sila ay nagsasampay ng mga damit.
“Oo naman, anak! Mararamdaman mo naman kapag mahal ka o hindi ng isang tao. Kapag nakikita ko ang bago niyong magiging tatay, para bang kinukuryente ang buong katawan ko!” kinikilig-kilig niya pang sabi na ikinangiti ng mga ito.
“Mabait ba siya, mama? Baka naman po, pagdating sa amin, mag-iba ang ugali niya. Baka pagbuhatan niya kami ng kamay,” pangamba pa nito.
“Naku, hindi! Kilalang-kilala ko na ang taong iyon, mga anak, kaya wala kayong dapat na ikabahala! Kapag ginawa niya ‘yon, ako ang makakalaban niya! Syempre, mas pipiliin ko kayo kaysa sa kaniya!” tugon niya saka hinawakan ang kamay ng dalawa.
“Sabi mo po ‘yan, mama, ha?” paninigurado pa nito dahilan para siya’y agad na mapatango-tango.
“Teka lang po, mama, hindi ba’t kasing edad mo po siya? Wala po ba siyang sariling pamilya kaya niligawan ka niya?” sabat ng kaniyang panganay na anak na bahagya niyang ikinakaba.
“Wala, anak!” pagsisinungaling niya rito.
“Mabuti naman po kung ganoon! Alam kasi natin kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng haligi ng tahanan kaya dapat, hindi na natin iparamdam sa iba ‘yong hirap,” sabi pa nito na nakapagbigay ng pangongonsenya sa kaniya.
Ngunit dahil nga ngayon na lamang siya ulit nakaramdam ng pagmamahal mula sa isang lalaki, isinantabi niya ang pangongonsenyang iyon at ituloy ang relasyon sa katrabahong may pamilya.
Kada pagkatapos ng kanilang trabaho, madalas ay lumalabas silang dalawa upang kumain sa restawran o maglambingan sa isang motel. Paminsan naman, dinadala niya pa ito sa kanilang bahay upang makapalagayan ng loob ng kaniyang mga anak.
Isang gabi, habang abala silang dalawa na magluto sa kusina, narinig niyang nagsidatingan na ang kaniyang mga anak mula sa eskwela dahilan para agad niyang salubungin ang mga ito.
Nang makita niyang kasama ng kaniyang panganay na anak ang ilan nitong mga kaklase, agad niyang tinawag ang nobyo niya upang padagdagan ang nilulutong pagkain.
“Pa-papa? A-ano pong ginagawa niyo rito?” tanong ng isa sa mga kaklase ng kaniyang anak na labis niyang ikinagulantang, kitang-kita niya rin kung paano mamula at agad na umalis sa sala ang nobyo niyang tila nakakita ng isang multo.
“Naku, hija, baka namamalikmata ka lang. Asawa ko ‘yan!” tanggi niya pa saka kabadong tumingin sa mga anak niyang nanlilisik na ang mga mata. “Hindi! Tatay ko po ‘yan, eh!” giit pa nito.
“Akala ko ba walang pamilya si Tito Edel, mama?” tanong ng panganay niyang anak.
“O, ‘di ba? Edel? Ayan ang pangalan ng tatay ko!” sabat ng kaklase nito saka agad na nagtungo sa kanilang kusina, “Papa! Harapin mo ako! Kaya ba madalas na kayong mag-away ni mama at palagi kang wala sa bahay ay dahil may iba ka nang pamilyang pinakikisamahan? Hindi mo man lang kami inisip ng mga kapatid ko!” sigaw nito habang umiiyak dahilan para yakapin ito ng kaniyang anak na galit na galit sa kaniya.
Nang kumalma na ang dalaga, sinama na ito pauwi ng kaniyang nobyo. Hiyang-hiya man siyang humarap sa kaniyang mga anak, siya ang hinarap ng mga ito.
“Hiwalayan mo na ‘yon mama,” diretsahang sabi ng bunso niyang anak.
“Marami naman pong ibang lalaki riyan, bakit sa taong may pamilya ka ba sumabit?” galit na sabi ng panganay na talagang ikinadurog ng puso niya saka siya tinalikuran.
Doon na siya tuluyang nagpasiyang sundin ang mga anak at hiwalayan ang naturang lalaki. Hindi lang para muli niyang makuha ang loob ng mga anak, kung hindi para hindi na rin siya makasira ng pamilya na labis namang ikinatuwa ng kaniyang mga anak.
“Pasensya na kayo kay mama, ha?” hikbi niya nang muli siyang pansinin at yakapin ng mga ito.
Nawala man muli ang inaasahan niyang makakatuwang niya sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak, mas mabuti na rin ito kaysa mga anak naman niya ang mang-iwan sa kaniya dahil sa mali niyang mga desisyon sa buhay.