Inday TrendingInday Trending
Nalulong sa Eehersisyo at Iwas sa Matatamis na Pagkain ang Binata dahil sa Mapait na Nakaraan; Isang Dalaga ang Nagbigay Tamis sa Buhay Niya

Nalulong sa Eehersisyo at Iwas sa Matatamis na Pagkain ang Binata dahil sa Mapait na Nakaraan; Isang Dalaga ang Nagbigay Tamis sa Buhay Niya

Ayaw niyang matulad sa kaniyang ina na sa murang edad ay kaagad nang sumakabilang buhay dahil sa isang sakit bunsod ng sobrang pagkain ng mga matatamis.

Tumatak din sa kaniyang isip ang mga huling katagang binilin ng kaniyang ina bago ito tuluyang mawalan ng hininga noong siya’y pitong taong gulang pa lamang.

“Huwag mo akong gayahin, anak. Alagaan mo nang maigi ang katawan mo. Huwag na huwag kang kakain ng mga matatamis dahil magagaya ka sa akin. Mabuhay ka nang mahabang panahon, hindi katulad ni mama na mawawala na ngayon,” wika nito na kahit paghahabol ng hiningang nagawa nito ay hindi niya makalimutan.

Ito ang binatang si Jonas. Maaga mang nawalan ng ina at ang mayamang lola lang niya ang nagpalaki sa kaniya na palaging abala sa kumpanyang pinapalakad, hindi ito naging hadlang upang hindi niya maalagaan nang maigi ang sarili kagaya ng bilin ng kaniyang ina.

Sa katunayan, matapos ang pagluluksa niya sa pagkawala ng kaniyang ina, dalawang dekada na ang nakalilipas, agad na niyang sinimulan ang pag-aalaga ng kaniyang katawan. Siya’y agad na tumigil sa pagkain ng matatamis, mapa-candy man, tsokolate, o kahit anong inuming matis ay hindi niya hinayaang pumasok sa katawan niya.

Sabi nga ng iba niyang mga kaklase at kaibigan, siya raw ay nakakaawa dahil sa murang edad, hindi na niya nasulit ang tamis ng buhay ng isang bata.

Ngunit dahil nga gusto niyang mabuhay nang matagal, tiniis niya ang lahat ng pananakam sa mga pagkaing matatamis kagaya ng ibang mga bata.

Kaya naman, ngayong bente syete anyos na siya, tila nakalimutan na niya ang lasa ng matatamis na pagkain dahil puro gulay, prutas, at kung ano pa mang matatabang na pagkain ang kaniyang kinakain na sinasabayan niya ng matinding pag-eehersisyo upang masiguro ang haba ng buhay na kaniyang magagamit dito sa mundo.

Wala siyang ibang ginagawa sa kaniyang buhay kung hindi ang matulog at magising nang maaga, kumain ng mga matatabang na pagkain, at mag-ehersisyo buong araw na labis nang pinag-aalala ng kaniyang lola dahil nga kahit siya’y may edad na, wala pa rin siyang nagiging nobya dahil sa ganitong pamumuhay niya.

Agad siya nitong pinakilala sa isang masayahing babae na panay ang yaya sa kaniya sa mga restawrang may mga matatamis na pagkain.

“Pwede bang tigilan mo na ang pagkain niyan? Nakikita ko pa lang ang mga pagkaing ‘yan, kinikilabutan na ako,” inis niyang sabi rito.

“Alam mo, napapansin ko lang, sa lahat ng date natin, palagi ka lang tahimik at tila may malalim na iniisip. Pansin ko na wala talagang tamis sa buhay mo. Mapapagkain man o karanasan, kaya simula ngayon, sa ayaw mo man o sa hindi, papalitan ko ng matatamis na karanasan ang mga mapapait mong alaala,” wika nito na labis na ikinakiliti ng kaniyang tiyan.

“Ano ba ‘tong nararamdaman ko? Nakakainis, para akong napapadumi na ewan!” bulong niya na narinig pala ng dalaga.

“Ibig sabihin niyan, kinikilig ka!” patawa-tawang sabi nito na agad na ikinapula ng kaniyang mukha, “Halika, magpunta tayo sa perya!” yaya nito saka agad siyang hinila at sila’y sabay na tumakbo na talagang nagpataba sa puso niya.

Sa patuloy niyang pakikisalamuha sa naturang dalaga, unti-unti niyang nabalanse ang kaniyang buhay. Kung dati ay buong araw lang siya sa gym na pinagawa ng kaniyang lola para sa kaniya, ngayo’y lumalabas na siya ng bahay at naisipan niya na ring magtrabaho sa kumpanya nila. Bukod pa roon, nagagawa niya na ring tumikim nang matatamis na pagkain kasama ang dalaga na talagang ikinatuwa ng kaniyang lola.

Dahil dito, ilang linggo pa ang lumipas, nagpasiya na rin siyang ligawan ang dalaga dahil sa saya at kulay na nabigay nito sa buhay niya.

“Dahil sa’yo, hindi ko na alam ngayon kung paano ulit mabuhay mag-isa. Kaya, pakiusap, huwag mo akong iiwan, aking kasiyahan, ang tanging taong nagbigay ng tamis sa mapait kong buhay,” sabi niya rito na kaagad naman nitong tinanggap nang may galak sa mukha.

Simula noon, unti-unti na niyang nalimot ang mapait na nakaraang naranasan niya noong siya’y bata pa lamang. Lahat ng ito ay napalitan na ngayon ng mga masasayang karanasan kasama ang naturang dalaga.

At dahil nga mayaman naman ang kanilang pamilya, hindi niya na rin pinatagal ang pagpapakasal sa dalaga.

Nalimot man niya ang masakit na nakaraan, hindi niya pa rin kinakalimutan ang bilin ng ina na limitahan ang pagkain niya ng matamis upang makasama niya ang dalaga sa mahabang panahon.

Advertisement