Inaway ng Ginang ang Kuripot na Ninang ng Anak; Sa Huli ay may Ginawa Ito na Labis Niyang Ikinahiya
“Aba’t bihis na bihis kayo ah! Saan ang punta ng mag-nanay?” nakangiting usisa ng asawa ni Michelle nang makita silang mag-ina na nakagayak.
“Pupuntahan namin si Janice ngayon. Ang tagal na naming hindi nagkikita. Aba, kailangan niyang bigyan ng pamasko si Angel,” aniya sa asawa.
Kumunot ang noo nito.
“Hindi ba’t sa kabilang bayan pa nakatira si Janice? Saka sigurado ka bang naroon si Janice ngayon? Baka umuwi ng probinsya at mapagod lang kayo sa wala. I-text mo kaya muna?” suhestiyon nito na agad niyang tinanggihan.
“Hindi na. Kapag nalaman niyang pupunta kami, baka mas lalo pang magtago. Hindi niya ako matataguan. Pasko ngayon at dapat lang na pamaskuhan niya ang inaanak niya!” giit niya.
Iyon nga ang nangyari, nagpunta sila sa bahay nito nang wala itong kaalam-alam. Nag-text lang siya nang mismong naroon na siya sa harap ng malaki nitong bahay.
“Janice, nandito kami ngayon ng inaanak mo sa harap ng bahay mo para mamasko. Nasaan ka?” anang mensahe niya para sa kumare.
Ilang minuto ang lumipas bago niya nakita ang babae na tumatakbo palabas para pagbuksan sila ng gate. Halata ang gulat nito pero nakangiti ito nang papasukin sila.
“Kumusta ka na? Ang tagal na nating hindi nagkita!” usisa nito nang makabawi sa pagkabigla.
“Oo nga e, ‘pag kasi may okasyon madalas kang hindi mahagilap. Hindi ba’t ang huli pa nating kita ay noong binyag ni Angel?” puna niya sa kaibigan, na sinuklian naman nito ng isang alanganing ngiti.
“Pasensya na, abala lang talaga ako sa trabaho. Heto ang pamasko ko kay Angel,” anito bago bumunot ng pera mula sa pitaka bago iniabot sa anak niya.
Pasimple niyang sinilip ang pera at ganun na lang ang kaniyang dismaya nang makita niyang ang limandaang piso. Hindi niya tuloy maiwasang mainis sa kaibigan.
“Limang daan para sa apat na taon mong pagtatago sa tuwing may okasyon? Ano ka ba naman, Janice! Kulang pa nga itong pambili ng gatas,” nakangiwi niyang komento.
“Pasensya ka na mare, kapos din kami ngayon. Hayaan mo’t sa susunod ay magbibigay ako ng mas malaki,” hinging paumanhin nito.
Nilibot niya ang tingin sa napakalaki nitong bahay na kumpleto rin ng mamahaling kasangkapan. Paano nito nasasabing wala itong pera, gayong nakatira ito sa mala-mansiyon na bahay?
“‘Wag ka nang magdahilan! Ang sabihin mo, madamot ka lang talaga kaya kahit ang inaanak mo pinagdadamutan mo! Siguro nga nagkamali ako na ginawa pa kitang ninang niya, kasi wala ka naman talagang pakialam sa kaniya. Ni hindi mo nga siya nabisita kahit na isang beses! ‘Wag kang mag-alala dahil huli na ‘to, hindi na kita tatawagan pa ulit!” sikmat niya rito.
Nang matapos siya sa paglilitanya ay nanlalaki ang mata nito sa gulat.
“Mare naman! Hindi totoo ‘yan!” pagtatanggol nito sa sarili.
Inirapan niya lang ito saka kinarga ang anak palabas ng bahay nito.
Nang makauwi ay busangot na busangot niyang ikinuwento sa asawa ang nangyari.
“Hayaan mo na at baka totoo namang may problema sa pera. Hindi lang naman ‘yan ang batayan para masabing wala siyang pakialam sa anak natin,” agad nitong kastigo sa ginawa niya.
Napairap na lang si Michelle. Masama pa rin ang loob niya sa kaibigan.
Gaya ng sinabi niya, ilang buwan niya itong hindi pinansin kapag nangangamusta ito sa text o sinusubukang tumawag.
Isang beses pa nga ay nakasalubong niya ito sa grocery store, pilit niya itong inignora na animo hindi sila magkakilala.
Subalit isang gabi ay sinubok siya ng pagkakataon.
“Kailangan nating dalhin sa ospital si Angel! Kanina pa mataas ang lagnat at ilang beses nang sumuka!” nahihintakutang bulalas ng asawa niya sa kalagitnaan ng gabi.
Nanlaki ang mata niya bago dire-diretsong pinuntahan ang anak. Namumutla na nga ito at mainit na mainit.
Para silang pinagbagsakan ng lupa nang marinig ang sabi ng doktor.
“May impeksyon sa dugo ang bata. Kailangan natin siyang operahan sa lalong madaling panahon para hindi na magkaroon pa ng kumplikasyon,” paliwanag ng doktor.
Hindi makapaniwala si Michelle sa nangyari. Hindi naman kasi sakitin ang anak kaya paano ito nagkaroon ng ganoong sakit? Wala sa kanilang mag-asawa ang nag-akalang mangyayari iyon, kaya’t hindi nila napaghandaan ang mga gastusin.
Saan sila kukuha ng pambayad ngayon? Kahit na pagsamahin nilang mag-asawa ang hawak na pera ay siguradong wala pa iyon sa kalahati.
“Dok, pwede bang bigyan mo muna kami ng kahit na ilang araw lang? Hahanap muna kami ng mahihiraman ng pera,” nanghihina niyang usisa sa doktor.
Ngunit bago pa bumuka ang dibdib ng doktor ay isang tinig na ang sumabat sa usapan nila.
“Bakit pa natin patatagalin? Mas maagang maooperahan si Angel, mas mainam, hindi ba?” tanong ni Janice na hindi nila namalayang naroon na pala sa tabi nila at nakikinig. Marahil ay umabot na rito ang balita na may sakit ang inaanak.
“Pero wala pa kaming pambayad–”
“‘Wag niyo na munang alalahanin ‘yon. Ako na muna ang sasagot sa operasyon, tutal ay may naitabi pa naman ako rito,” putol nito sa sasabihin niya.
Agad na nangilid ang luha ni Michelle sa pagpiprisinta ng kaibigan. Hindi kasi biro ang halaga na hinihingi ng doktor. Kimi siyang nagpasalamat sa kaibigan.
“Wala ‘yun. Para saan pang ginawa niyo akong ikalawang ina ng bata kung hindi ako tutulong?” anito.
Binalot siya ng hiya dahil sa sinabi nito. Mas lalo pang nadagdagan iyon nang maalala niya ang mga sinabi niya rito noong huli silang magkita at kung paano niya ito itinuring nitong mga nakaraang buwan dahil lang sa isang mababaw na dahilan.
Hindi matatawaran ang hiyang nararamdaman ni Michelle nang mga oras na iyon. Kinuha niya ang pagkakataon na iyon para humingi ng tawad sa naging asta niya sa kaibigan.
“Pasensya ka na sa mga nasabi ko noon. Nagpadala ako sa bugso ng damdamin masyado at hindi ako nakinig sa’yo. Alam ko naman na mahal mo si Angel at anak ang turing mo sa kaniya, ako lang ‘tong mababaw mag-isip,” yukong-yukong wika niya.
“Pasensya ka na rin kung pakiramdam mo ay wala akong pakialam sa inyo. Nagkaroon kasi ako ng problemang pinansyal kaya kahit na gusto kong tumulong, hindi ko magawa. Hindi ko naman masabi sa inyo dahil alam kong hirap din kayo…” paliwanag nito.
“Pero wala na ‘yun. ‘Wag mo nang isipin ‘yun. Si Angel ang mahalaga ngayon kaya siya ang pagtuunan natin ng pansin,” anito bago hinawakan pa ang kaniyang kamay bilang pagdamay.
Niyakap niya ang kaibigan.
Napagtanto niya na hindi nga sukatan ang pera o anumang materyal na bagay para masabing pinapahalagahan tayo ng isang tao. Bagkus ay makikita ito sa pagdamay at pananatili sa tabi mo sa mga oras na kailangan mo.