Buto ng Halaman ang Naging Bayad ng Matanda sa Libreng Bulaklak; Ano ang Tinatagong Lihim ng mga Buto?
Pagpatak ng alas kwatro ay awtomatikong dumilat ang mga mata ni Renato. Agad siyang nagtimpla ng kape. Matapos ang ilang higop ng kape ay maingat siyang lumabas ng bahay.
Bisperas kasi ng Undas. Mamimitas siya ng bulaklak na ibebenta nilang mag-asawa sa palengke mamaya.
Dala ang malaki niyang flashlight ay tumungo siya sa lupain na ipinamana pa sa kaniya ng kaniyang ama.
Malaki sana ang lupain nila. Ang kaso, malaking bahagi noon ay tuyong-tuyo na at hindi na nila natataniman. Iyon din ang dahilan kung bakit ngayon ay gipit na gipit silang mag-anak. Sa pagtitinda ng bulaklak lamang sila umaasa, kaya naman nais niyang samantalahin ang okasyon na marami ang bibili ng bulaklak at dadalaw sa kani-kanilang mahal sa buhay sa sementeryo.
Halos pasikat na ang araw nang matapos mamitas ng bulaklak si Renato. Dalawang timba ng puting rosas ang naani niya.
“Sana, kumita…” Iyon ang piping dalangin niya nang pabalik na siya sa bahay nila.
Nang makarating siya sa bahay ay nakita niyang gising na ang asawa niyang si Rosa.
“Bakit naman hindi mo ako ginising?” tila nahihiyang tanong nito.
Nginitian niya ang asawa bago iniabot rito ang isang piraso ng sariwang rosas.
“Ayos lang. Mabuti na ‘yung nakapahinga ka,” aniya sa asawa.
Bago sila umalis ay panay ang bilin nila sa panganay na anak.
“‘Wag kayong magpapapasok ng hindi natin kakilala. May mga hinanda na akong pagkain sa lamesa. Tumawag kayo kung may problema,” anang kaniyang asawa.
Nang dumating silang mag-asawa sa pwesto nila sa palengke ay marami nang tao. Kabi-kabila na rin ang nagtitinda ng iba’t-ibang bulaklak.
Hindi tulad nila na puting rosas lang ang itinitinda, ang ibang tindahan ay mayroon ng kung ano-anong bulaklak.
“Sana makaubos!” narinig niyang bulalas ng asawa.
Tinapik niya ang balikat ng asawa.
“‘Wag kang mag-alala, mahal. May awa ang Diyos,” aniya, na sinuklian naman nito ng matamis na ngiti.
Subalit hindi naging madali para sa mag-asawa ang makaubos ng paninda. Halos tanghali na ay iilan pa lamang ang nabebenta nila.
Mas gusto kasi ng mga tao ang sari-sariling bulaklak, kaysa isang uri, kaya naman halos hindi sila mapansin ng mga mamimili.
Nanatiling positibo ang mag-asawa, lalo pa’t marami talaga ang namimili. Umaasa sila na may papansin sa mga tinda nilang sariwang rosas, subalit maggagabi na ay halos hindi man lang sila nakakalahati. Paisa-isa lang talaga ang bumibili.
“Ibagsak presyo na lang natin, kaysa malugi,” wika ng asawa niya.
Bigong tumango si Renato. Una ay nanghihinayang siya sa mga bulaklak na hindi nabili. Ikalawa, bigo na naman silang uuwi. Hindi niya alam kung saan sila kukuha ng pangkain sa mga susunod na araw.
Halos isang oras pa silang nanatili sa kanilang pwesto, sa pag-asa na mauubos ng tinda nila, o ‘di kaya ay mamamakyaw ngunit nanatiling bigo ang mag-asawa.
“Tatlong daan lang ang kinita natin,” nanlulumong pagbabalita niya sa asawa.
Ngumiti ito.“Pwede na ‘yan. Kahit papaano ay may panggastos tayo. Ibabad natin sa tubig ang mga bulaklak, tapos magbebenta ulit tayo. Hindi pa naman tapos ang Undas.”
Napangiti si Renato. Kahit kailan talaga ay napaka-positibo mag-isip ng asawa niya.
Pauwi na sana sila nang mapadaan sila sa tapat na kalapit na sementeryo. Punong-puno iyon ng mga tao na nagkani-kaniyang latag na sa malawak na damuhan.
Naglalakad ang mag-asawa nang isang patpating matanda ang lumapit sa kanila. Nakatingin ito sa mga rosas na hindi nabili.
“Aba’y magkano ba ang tinda n’yong rosas?”
Maagap siyang tumugon.
“Tatlo ho singkwenta ,” ani Renato.
Lumaylay ang balikat ng matanda, bago dumukot sa bulsa nito. Naglabas ito ng bente pesos.
“Singkwenta lang ang pera ko, baka pwede n’yo ako bigyan kahit dalawa? Paborito kasi talaga ng asawa ko ang puting rosas,” pakiusap nito.
Nagkatinginan ang mag-asawa bago inilabas ang tatlong piraso. Sa tinginan pa lang ay nagkaunawaan na sila.
“Wala hong problema. Ito ho, tatlo, para I love you,” biro pa ni Renato na ikinatawa ng matanda.
“Aba, salamat, hijo!” anito bago iniabot ang bente pesos.
Tinanggihan niya ang iniaabot nitong pera bago itinuro ang isang ale na nagtitinda ng kandila.
“‘Wag na ho. Ibili niyo na lang ng kandila. Ikatutuwa pa ng asawa n’yo ‘yan,” aniya.
Bumakas man ang hiya sa mukha nito ay nangibabaw pa rin ang galak.
“Salamat sa inyo! Pagpalain kayo ng Diyos!”
Muling dumukot ang matanda sa bulsa nito. Iniabot nito sa kanila ang isang supot na naglalaman ng kung ano. Nang inspeksyunin iyon ni Renato, napagtanto niya na buto ang laman ng mga iyon.
“Ano ho ang buto na ito?” takang tanong ni Renato sa matanda.
“Pamana pa ‘yan sa akin ng Tatay ko. Ang sabi niya noon, kapag daw nasa tamang may-ari ang buto na ‘yan, aani raw sila nang higit sa sapat,” anang matanda.
“Alam n’yo ba, kahit saang lupa raw, tumutubo ‘yan?” dagdag pa nito.
“E bakit n’yo ho binibigay ito sa amin?” narinig niyang usisa ni Rosa sa matanda.
Ngumiti ang matanda.
“Ang tagal kong sinubukan itanim ‘yan. Hindi tumubo. Baka kayo na ang tamang may-ari na sinasabi ng tatay ko,” sabi nito.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Mas lalo lamang silang naguluhan dahil sa sinabi nito. Nais pa sana nilang mag-usisa ngunit nang lingunin nila ang matanda ay naglalakad na ito palayo. Ilang segundo lang ay humalo na ito sa buhos ng mga taong papasok sa sementeryo.
Naiiling na nagpatuloy na lang sa pag-uwi ang mag-asawa. Nang makauwi sila ay napag-usapan nila ang buto na ipinagkaloob ng matanda.
“Itanim natin, mahal. Malay mo magagandang bulaklak pala,” udyok ni Rosa sa asawa.
Natawa si Renato. “Saan naman natin itatanim? E wala naman tayong lupa,” aniya.
Tumingin ito sa labas.
“Meron. Ang laki-laki ng lupa natin na hindi nagagamit,” anito habang nakatitig sa bahagi ng lupain nila na matagal na nilang hindi napakinabangan.
“Subukan lang natin. Kuryoso kasi ako na malaman kung ano ‘yang mga buto. Saka sabi ng matanda, pwede raw sa kahit na anong lupa. Malay mo makatulong,” sabi pa ng asawa niya.Sa huli ay walang nagawa si Renato ang magpatianod sa nais ng asawa. Kinaumagahan din ay matiyaga niyang ibinuhos ang mga buto, bago niyang diniligan ang mga iyon.
Matapos ang ilang araw, ginising siya ng yugyog sa kaniyang mga balikat. Namulatan niya si Rosa. May kislap sa mga mata nito.
“Tumubo ‘yung halaman!” sabik na bulalas nito.
Inaantok man ay napasugod na rin siya sa labas ng bahay. Mula sa malayo ay kitang-kita niya ang berdeng halaman na tumubo sa dati nilang tuyot na tuyot na lupa. Napakaganda noon pagmasdan!
“Kapag nagtuloy-tuloy ‘yan. magagamit na ulit natin ang lupa para taniman,” tuwang-tuwang wika ni Rosa.
Kaya naman araw-araw ay matiyagang dinidiligan ng mag-asawa ang tumubong halaman. Hindi man nila masabi pa kung ano ang halaman na iyon, nagagalak pa rin ang puso ng mag-asawa sa tuwing minamasdan ang mga iyon sa kanilang lupain.
Hanggang sa isang araw, unang araw ng Disyembre ay nalaman na nila ang tunay na lihim ng mga buto.
Nagising ang mag-asawa dahil sa malalakas nga katok sa kanilang pinto. Paglabas nila ay nakaimpok ang mga kapitbahay sa labas.
“Anong atin?” takang tanong ni Renato sa kapitbahay na si Nena, na siyang nabungaran niya sa pinto.
“Renato! Ang ganda ng tanim niyo! Parang mga Christmas tree!” anito.
Nang madako ang tingin ni Renato sa kanilang lupain ay napanganga siya. Tama ang sinabi ni Nena, ang mga puno nga ay nagmistulang mga Christmas tree!
“Pwede n’yo ‘yan ibenta! Malaki ang kikitain niyo, sigurado ako,” sabat naman ni Tommy.
Nagkatinginan ang mag-asawa. Sa isip nila ay umukilkil ang sinabi ng matandang nagbigay ng buto.
“Pamana pa ‘yan sa akin ng Tatay ko. Ang sabi niya noon, kapag daw nasa tamang may-ari ang buto na ‘yan, aani raw sila nang higit sa sapat.”
Ito siguro ang sinasabi ng matanda! Baka pa makahuma ang mag-asawa ay dinumog na sila ng mga kapitbahay na nais bumili ng “Christmas tree” mula sa kanila.
Dahil sa dami ng tumubong puno ay marami rin ang nabenta ng mag-asawa. Libo-libo ang kinita nila dahil sa misteryosong Christmas tree!
Simula rin noon, ang tuyot na tuyot nilang lupa ay tila himalang lumusog. Kasalukuyan nila iyong tinataniman ng kung ano-anong pananim na siyang pinagkukunan nila ng kabuhayan. Ibang-iba na ang buhay nila ngayon kumpara noon.
Salamat sa misteryosong mga buto, tuluyan nang nabago ang buhay ng mag-anak. Gaya nga ng sikat na kasabihan, “Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.”
Sino ba ang mag-aakala na ang handog na buto ng isang estranghero ang siyang magpapabago ng buhay nila?