Inday TrendingInday Trending
Ininsulto ng Babae ang Nobya ng Kapatid Dahil sa Pagiging ‘Single Mom’ Nito; Matatauhan Siya Kapag Nalaman Niya ang Dahilan Nito

Ininsulto ng Babae ang Nobya ng Kapatid Dahil sa Pagiging ‘Single Mom’ Nito; Matatauhan Siya Kapag Nalaman Niya ang Dahilan Nito

“Mama, Papa, Ate… si Shane po, girlfriend ko,” bungad na ani Gelo sa kaniyang pamilya matapos dumating ang nobya niyang si Shane sa kanilang tahanan.

Agad namang lumawak ang ngiti ni Geline, ang kaniyang ate, at akma na sanang babatiin ang nobya niya nang bigla nitong makita ang batang nagtatago sa likod ni Shane. “Sino ang batang ’yan, Gelo?” tanong niya.

“Oh… siya si Shyla. Anak ni Shane sa dati niyang kinakasama,” sagot naman ng kaniyang kapatid na halatang kinakabahan. Nagpapapalit-palit ang tingin nito sa kaniya at sa kanilang mga magulang.

“Ano kamo, Gelo? May anak na sa iba ’yang nobya mo?” tanong pa niya.

“Oo, ate. Single mom siya… wala namang problema roon, hindi ba?” sagot naman ni Gelo na may himig ng pakiusap.

Sasagot na sana si Geline nang biglang sumingit ang kaniyang ina sa usapan. “Siyempre naman, hijo! Halika, papasukin mo na ang nobya mo’t nakahanda na ang pagkain sa mesa,” anito na nagpanganga kay Geline.

“Mama, anong walang problema? Paano n’yo nasasabi ’yan? Nag-uwi ng isang babaeng may anak sa iba ang bunso natin, pagkatapos ay sasabihin n’yong walang problema?!” galit na tanong ni Geline sa ina.

“Ate…” Sinubukan siyang pigilan ng kapatid na si Gelo, ngunit nanatiling mataas ang boses ni Geline sa mga ito.

“Nawawala ka na ba sa katinuan mo, Gelo? Baliw ka na ba para pumatol sa isang babaeng pinagsawaan na ng iba?” tanong pa niya na ikinatahimik ng lahat.

“Aalis na lang ako, Gelo. Sorry po sa abala. Magandang gabi po,” tuloy-tuloy namang sabi ng nagmamadaling si Shane na bagama’t pinakitaan ni Geline ng hindi maganda ay nanatiling magalang sa kanila. Tinangka naman itong pigilang umalis ni Gelo ngunit mabilis itong nakasakay sa kaniyang sasakyan, kasama ang kaniyang anak.

Dahil doon, pagbalik ni Gelo sa loob ng kanilang bahay ay halata ang galit sa mukha nito. “Ano ba’ng problema mo, ate?” tanong nito sa kaniya. “Taong humarap sa atin si Shane, bakit kailangan mong bastusin?!” anas pa nito na sinegundahan naman ng kaniyang ina.

“Hinding-hindi ko matatanggap na ganoong klaseng babae ang nobya mo, Gelo! Paano kung kaya sila naghiwalay ng dati niyang asawa ay dahil malandi siya? Baka naman iniwan siya dahil hindi siya marunong mag-alaga ng mister, at ganoon din ang gawin niya sa ’yo kung sakaling magkatuluyan kayo?” sunod-sunod namang paliwanag ni Geline.

“Hindi ganoon si Shane, ate! Sana, nagtanong ka muna bago mo siya trinato nang ganoon! Hindi mo siya kilala!” sagot naman ng kaniyang kapatid. “Sinasaktan siya ng dati niyang nobyo, ate. Alam mo ba kung gaano katagal niyang tiniis ’yon para sa anak niya? Muntik na rin siyang masawi dahil doon kaya naman nang matauhan siya ay nagpasiya siyang buhayin na lang nang mag-isa ang anak niya. Hindi katulad ng iniisip mo na puro lang naman haka-haka, ate!” bulyaw pa sa kaniya ni Gelo.

“At paano ka naman nakasisiguro na hindi niya gawa-gawa lang ang tungkol doon, aber?” ngunit talagang ayaw patalo ni Geline.

“Nakita ko mismo gamit ang sarili kong mata ang pananakit ng kinakasama niya sa kaniya noon, ate. Nandoon ako dahil ako ang nagligtas sa kaniya!”

Sa huling sinabing ’yon ni Gelo ay natahimik na si Geline. Bigla siyang nawalan ng sasabihin sa kapatid dahil sa mga narinig na sinabi nito.

“Isa pa, anak, siguro ay dapat mo na ring malaman ang totoo…” pagkatapos ay singit pa ng kaniyang ina. “Bago ko nakilala ang Papa Aurelio mo ay isa rin akong single mom sa iyo, Geline. Ang totoo mo kasing ama ay iniwan ako para sa ibang babae at hindi ko na alam kung nasaan siya ngayon,” nayuyukong pag-amin ng kaniyang ina.

Nagulat man sa kaniyang narinig ay agad na tinamaan ng kaniyang konsensiya si Geline. Pakiramdam niya, kahit hindi sinasadya ay nagawa niyang insultuhin ang kaniyang ina na siya palang taong mag-isang nagtaguyod sa kaniya noon!

Dahil doon ay tila ba natauhan siya. Parang nasampal siya ng isang katotohanang iniwasan niyang isipin kanina dahil lang ayaw niyang mapasama ang kapatid niya. Masiyado pala siyang naging mapanghusga.

“S-sorry, Gelo! Sorry mama!” Napaluhod na lang si Geline habang humahagulhol.

Mabuti na lang at pinatawad siya ng kaniyang ina at kapatid, ganoon din ni Shane nang manghingi siya ng tawad dito makalipas ang ilang araw. Inamin niyang nagkamali siya at ngayon ay natutunan niya na ang kaniyang leksyon.

Advertisement