Inday TrendingInday Trending
Masyadong Mapaglaro sa Pag-ibig ang Dalaga; Paano Kung Mahanap Niya ang Katapat Niya?

Masyadong Mapaglaro sa Pag-ibig ang Dalaga; Paano Kung Mahanap Niya ang Katapat Niya?

Ngiting-ngiti si Lorraine nang makauwi siya sa bahay nila. Napatunayan niya na naman kasi walang lalaki na hindi mahuhumaling sa kaniya.

Katatapos niya lang makipag-date kay Gerald, ang lalaking gustong-gusto ng kaniyang Ate Nina.

Ang totoo, akala niya ay papalya siya sa pang-aakit sa lalaki. Ngunit kagaya rin ito ng iba. Muli siyang napangisi nang maalala ang pag-uusap nila kanina.

“Akala ko gusto mo si Ate?” tanong niya.

Ngumiti ito bago hinawakan ang kamay niya.

“Ikaw ang gusto ko. Lumapit lang naman ako kay Nina para mapalapit sa’yo,” sagot nito.

Napaisip si Lorraine. Ang totoo, ni minsan ay wala namang ginawang masama ang kaniyang ate. Naiinis lang kasi siya na ito ang magaling at matalino. Ito rin ang parating bida sa paningin ng kaniyang mga magulang!

Kaya naman kinukuha niya ang atensyong hindi kayang ibigay ng kaniyang pamilya sa mga lalaking nahuhumaling sa ganda niya.

“Kung hindi ako masaya, hindi rin siya pwedeng maging masaya.” Iyon ang katwiran niya.

Nang makauwi siya sa bahay nila ay naabutan niyang nanonood ng TV ang kaniyang kapatid. Dahil sa namumula nitong mga mga mata ay nahinuha niya na kagagaling lang nito sa pag-iyak.

Tinabihan niya ang kapatid sa upuan.

“Kakatapos lang namin mag-date ni Gerald, Ate. Masaya pala siyang kasama,” humahagikhik na kwento niya.

Tumango ito ngunit hindi nagsalita. Nanatili ang mata nito sa pinapanood.

“‘Wag mo nang iyakan ‘yun. Lumapit lang siya sa’yo para mapalapit sa’kin. Boring ka raw at manang. Magaganda at makukulit na gaya ko ang tipo niya,” eksaheradong kwento niya pa sa kapatid.

Halos hindi na mabilang ni Lorraine kung ilang beses niya nang sinabi iyon sa kaniyang kapatid. Ilang lalaki na rin ang nasulot niya mula rito.

“Akyat na ako sa taas,” matamlay na paalam nito matapos ang ilang minuto.

Nagdiwang ang kalooban ni Lorraine. Pakiramdam niya na naman kasi ay siya ang nanalo.

Kinabukasan din ay binasted niya si Gerald. Hindi niya naman talaga gusto ito, gusto niya lang talagang agawin ito mula sa ate niya, na alam niyang gustong-gusto ang lalaki.

Gulat na gulat pa ito nang sinabi niya na lumayo na ito sa kaniya.

“Lorraine, bakit? Akala ko ba gusto mo rin ako?” takang-takang tanong nito.

Napairap siya.

“Wala akong sinabi. Ikaw lang ang nag-isip nun. Nakipag-date lang naman ako sa’yo dahil gusto ka ng ate ko. Pero ngayong ayaw niya na sa’yo, hindi na rin kita mapapakinabangan,” walang prenong katwiran niya.

Bakas sa mukha nito ang sakit at pagtatampo.

“Tigilan mo na ang paglalaro sa damdamin ng mga tao. Pagsisisihan mo ‘yan!” tila babala nito bago malungkot na iniwan siya mag-isa.

Tinawanan niya lang ang sinabi ni Gerald. Ngunit hindi niya inaasahan na magkakatotoo pala ang sinabi nito.

Isang hapon ay umuwi siya mula sa eskwelahan. Nasa pinto pa lamang siya ay naririnig niya na ang matinis na tawa ng kaniyang kapatid.

Nang silipin niya ito sa kusina, laking gulat niya nang makita na hindi pala ito nag-iisa. May kasama itong isang lalaki.

Nakatalikod ang lalaki kaya naman hindi niya kaagad nakita ang mukha nito.

“Ate…” tawag niya sa kapatid.

Kasabay ng paglingon ng ate niya ay ang paglingon din ng estranghero. Tila tumigil sa pag-inog ang mundo nang mamasdan niya ang mukha ng lalaki.

Ang gwapo-gwapo ng estranghero! Halos marinig ni Lorraine ang tibok ng puso niya dahil sa lakas ng pintig noon. Sa unang pagkakataon ay may bumihag ng puso niya.

“A-ate, s-sino ‘yang k-kaibigan mo?” utal-utal na usisa niya sa kapatid.

Nagniningning ang mata ng kaniyang kapatid nang sumagot ito. Doon pa lang ay napagtanto na ni niya na may gusto kay Hiro ang kaniyang Ate Nina.

“Lorraine, si Hiro, kaibigan ko. Hiro, si Lorraine, kapatid ko,” pagpapakilala nito sa kanila.

“Nice to meet you!” magkapanabay na sabi pa nila ni Hiro, kaya naman nagkatawanan sila.

Matapos magpakilala ni Hiro ay agad nitong ibinalik ang atensyon nito sa kapatid niya, ngunit tuloy-tuloy pa rin ang pagkabog ng dibdib ni Lorraine.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay may nagustuhan siya, hindi dahil malapit ito sa ate niya, kundi dahil totoong gusto niya ito.

Nang mga sumunod na araw ay nakilala niya pa si Hiro dahil halos araw-araw ito sa bahay nila. Mas lalong nahulog ang loob niya sa lalaki nang makilala niya ang tunay na ugali nito—mabait, maalalahanin, at magalang. Kaya nga maging ang mga magulang nila ay gustong-gusto ito.

Kapansin-pansin din na sadya itong lumalapit sa kaniya. Mukhang parehas sila ng nararamdaman!

Naglakas ng loob siya na magtapat dito ng tunay na nararamdaman. Gusto niya rin kasi na maging nobyo niya na ito para hindi na ito maglalapit pa sa ate niya.

“Hiro, alam ko ang nararamdaman mo para sa akin. Gusto kong malaman mo na pareho tayo ng nararamdaman. Gusto rin kita,” aniya sa lalaki.

Ngunit nagulat siya sa isinagot nito. Ibang-iba iyon sa mga naging sagot ng mga lalaking nauna sa buhay niya.

“S-sorry kung napaasa man kita, Lorraine. Gusto ko lang mapalapit sa’yo dahil kapatid ka ng babaeng gusto ko. Si Nina ang gusto ko…” paliwanag nito, bakas ang hiya sa gwapo nitong mukha.

“Hindi ko lang alam kung paano ko sasabihin sa kaniya. Ayoko kasi na masira ang pagkakaibigan namin,” dagdag pa nito.

Dismayado si Lorraine.

“Bakit hindi ako? Mas maganda ako, mas bata… mas higit ako kay ate. Pwede naman nating ilihim ang lahat, hindi niya kailangang malaman,” alok niya pa.

Marahas itong umiling.

“Sorry, Lorraine. Siguro sanay ka na maraming nagkakagusto sa’yo. Si Nina ang gusto ko, at hindi na mababago ‘yun. Siya ang pinakamabait at pinakamagandang babae na nakilala ko. Hinding-hindi ko siya sasaktan,” anito.

May sinabi pa ito na hindi niya inaasahan.

“Masyadong mababa ang kumpiyansa ni Nina dahil pakiramdam niya ay higit ka sa kaniya. Lahat ng lalaki na ginusto n’ya ay nakuha mo. Hindi ‘yun mangyayari ngayon, Lorraine,” wika pa nito bago siya iniwan.

Naiwan siyang luhaan at hindi makapaniwala. Kung sino pa kasi ang lalaking tunay na inibig niya, ‘yun pa ang hindi niya nakuha ang pagmamahal.

Iyon pala ang pakiramdam ng hindi siya gustuhin pabalik ng taong gusto niya.

Naalala niya tuloy ang sinabi ni Gerald noon.

“Tigilan mo na ang paglalaro sa damdamin ng mga tao. Pagsisisihan mo ‘yan!”

Napangiti nang mapait si Lorraine sa sumagi sa isip niya. Marahil ay iyon nga ang karma niya.

Makalipas ang isang buwan ay nalaman na lamang ni Lorraine magkasintahan na si Hiro at ang kaniyang Ate Nina.

Bahagya mang nasaktan, sa unang pagkakataon ay naging tunay siyang maligaya para sa kapatid at kay Hiro. Dahil kasi sa nangyari ay nagbago na siya. Hindi man napunta sa kaniya ang lalaking iniibig, ang makita itong masaya sa piling ng tunay nitong mahal ay sapat na para sa kaniya.

Advertisement