
Malaki ang Tampo ng Dalaga sa Kaniyang Ina; Madala Niya Kaya ang Tampo Hanggang sa mga Huling Sandali Nito?
Mahimbing ang tulog ni Sally nang magising siya dahil sa pagtawag ng kaniyang bunsong kapatid. Isang masamang balita ang hatid nito.
“Wala na si Nanay,” humahagulhol nang wika nito.
Kinapa ni Sally ang kaniyang damdamin para sa kung anumang emosyon. Subalit wala siyang maramdaman maliban sa munting sakit na gumuhit sa kaniyang dibdib.
“Matanda na si Nanay, inaasahan na rin naman natin ito, dahil pabalik-balik na siya sa ospital. Tumigil ka na sa pag-iyak dahil marami tayong aasikasuhin,” kalmadong sagot niya sa kapatid.
Mas lalo lamang itong napaiyak dahil sa sinabi niya.
Ang totoo, sa kanilang apat na magkakapatid ay ito ang pinakamalapit sa nanay nila. Ito kasi ay lumaki sa pangangalaga ng kanilang ina.
Ngunit ibang-iba siya sa mga kapatid. Sa edad kasi na katorse ay ipinadala na siya ng kaniyang ina sa mga kamag-anak nila sa Maynila para maging kasambahay doon. Kailangan daw kasi nila ng pera at kulang na kulang ang kinikita nito sa pagsasaka para mapunan ang pangangailangan nila.
At dahil siya ang panganay, siya ang naatasan na tumulong sa pagtataguyod na pamilya nila.
Halos hindi niya naranasan na maging bata, dahil pinunan niya ang puwang ng ama nilang maagang nawala sa mundo.
Hindi niya man minsang nasabi sa kaniyang ina, malaki ang tampo niya rito. Pakiramdam niya kasi ay isinakripisyo siya nito noon para lamang mabuhay ang mga kapatid niya.
Iyon ang dahilan kung bakit malayo ang loob niya sa ina. Hindi naman kasi ito naging ina sa kaniya.
Pinalis ni Sally ang luha na tumulo mula sa kaniyang mga mata.
Bilang nakatatanda, at pawang nagluluksa ang mga kapatid niya ay siya na ang nag-asikaso ng lahat.
Mula sa pagkuha sa labi nito mula sa morgue, hanggang sa pag-aayos ng burol nito sa probinsya ay siya ang nag-asikaso.
Nang maayos na ang lahat ay nagpaalam siya sa mga kapatid.
“Ate, babalik ka na sa Maynila? Hindi ka ba mananatili man lang para sa burol ni Nanay?” namimilog ang matang tanong ni Raymart, isa rin sa mga kapatid niya.
Umiling siya. Alam naman ng mga ito na hindi talaga malapit ang loob niya sa kanilang ina.
“Hindi na, may mga binayaran naman ako na mag-aasikaso ng lahat dito, kaya wala kayong dapat ipag-alala,” aniya sa mga kapatid.
Umiling si Raymart.
“Hindi naman ‘yun ang punto ko, Ate. Nakaburol ang nanay natin, hindi ba dapat manatili ka muna rito? Kailangan mo na ba talagang bumalik sa Maynila?” malungkot na tanong nito.
Hindi agad siya nakasagot. May mga mamamahala naman sa negosyo niya, kaya’t pwede siyang manatili.
“Babalik naman ako sa araw na libing…” katwiran niya.
Nagkomento na rin si Lindsay, ang bunso nila.
“Oo nga, Ate. Mga huling araw na natin makakasama si Nanay. Dumito ka na lang muna hanggang sa ilibing siya. Matagal-tagal na rin naman simula nung umuwi ka rito sa bahay ni Nanay,” pakiusap nito.
Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang sundin ang hiling ng kaniyang mga kapatid.
“Sige, dito na muna ako.”
“Magpahinga ka na muna, Ate. Alam namin na napagod ka sa pag-aasikaso kay Nanay,” wika ng mga kapatid niya bago siya inihatid ng mga ito sa isang bakanteng silid.
Sa unang gabi niya sa bahay kung saan sila lumaking magkakapatid ay namamahay siya. Matagal-tagal na rin kasi siyang hindi nakauwi roon.
Malalim na ang gabi ay hindi pa rin makatulog si Sally. Kaya naman naisipan niyang maglakad-lakad sa labas.
Ngunit nadaanan niya na bukas ang isang kwarto. Tila may kung anong humihila sa kaniya papasok doon.
Napagtanto niya na lang na silid pala iyon ng kaniyang ina nang tuluyan na siyang makapasok sa loob.
Payak na payak ang itsura ng silid. Bagaman kasi suportado nila ang kanilang ina ay sinabi nito noon na ayaw nito ng magarbong buhay.
Ang umagaw sa atensyon niya ay ang isang makapal na photo album na nakapatong sa lamesa sa gilid ng kama.
Halos tuklap na ang balat noon, ngunit hindi iyon kinapitan ng kahit na anong alikabok, tanda na madalas iyong nagagamit ng kanilang ina.
Ngunit nang buklatin niya iyon at isa-isahin ay tumulo ang luha niya. Puro larawan niya kasi ang laman ng photo album.
Bawat larawan ay may kalakip na deskripsyon na ang nanay niya mismo ang nagsulat.
“Ang panganay ko. Napakaganda at napakabait. Nagsakripisyo sa pagtatrabaho para sa kaniyang mga kapatid.”
“Sana ay maghimala ang Diyos at bigyan kami ng mas maayos na buhay. Miss na miss ko na ang anak kong tuloy-tuloy sa pagkayod.”
Walang patid ang pagtulo ng luha ni Sally habang isa-isang binasa ang mga nakasulat sa papel sa ibaba ng bawat larawan niya.
“Marahil ay tumanda na ang anak ko. Hindi niya na kailangan pa ang kaniyang ina. Kayang-kaya niya nang mabuhay mag-isa.”
“Proud na proud ako sa narating na aking panganay. Nakuha niya ang lahat dahil sa kaniyang sipag at tiyaga.”
Sa dulong-dulo ng makapal na album ay isang mensahe ang sinulat ng kaniyang ina para sa kaniya.
“Maraming salamat, Sally. Ikaw ang tumayong katuwang ko, kaya malaki ang naging sakripisyo mo. Nahihiya ako, sa’yo, anak, pero proud na proud ako sa lahat ng naabot mo. Salamat dahil itinaguyod mo ang pamilya natin. Ang laki-laki ng pagkukulang ko sa’yo. Alam kong may sarili ka nang buhay, pero kung sakaling maisipan mong umuwi, nandito lang si Nanay, lagi kang hinihintay. Mahal na mahal kita, anak.”
Labis-labis ang pagdurugo ng puso ni Sally. Inakala niya na ipinasa ng kaniyang ina ang lahat ng responsibilidad sa kaniya, ngunit ang totoo ay wala lang itong ibang pagpipilian. Nangungulila rin pala ito sa presensya niya.
“Sorry, Nanay. Sorry kung hindi na ako nakabalik sa’yo…” umiiyak na bulong niya habang mahigpit ang pagkakayakap sa makapal na photo album.
Bilang pagbawi ay hindi niya iniwan ang kanilang ina sa mga huling sandali nito. Naroon lamang siya sa tabi nito, tahimik na nakatunghay sa payapa nitong mukha.
Sa araw ng libing ng kanilang ina ay bumuhos ang luha niya. Ngunit isang mensahe na ibinulong niya sa hangin ang hiling niya na marinig nito, kahit hindi niya alam kung paano.
“Salamat, Nanay. Naging mabuti kang ina sa amin. Mahal na mahal kita. Hanggang sa susunod nating pagkikita.”