
Pamilya na ang Turing Niya sa Matandang Kasambahay; Sa Paghihiwalay Nila ay may Handog Siyang Magandang Regalo Rito
“‘Nay Lagring, si Lina po, bagong kasambahay natin dito sa bahay,” wika ni Laura sa matanda nilang kasambahay. Matagal na itong naninilbihan sa bahay nila.
Kitang-kita niya ang pagkunot ng noo ng matanda. Kalituhan ang nasa mukha nito nang lumapit sa kaniya.
“Ano kamo, hija? Hindi ko yata masyadong narinig ang sinabi mo,” anito.
Palihim na lang siyang napabuntong hininga bago inulit ang sinabi. Nang sa wakas ay magkaintindihan sila ay ito naman ang nagtanong.
“Aba’y bakit naman kayo kumuha ng bagong kasambahay? Narito pa naman ako at buhay na buhay pa,” natatawang sabi nito.
Nginitian niya ang matanda.
“Para naman po may katuwang ka na, ‘Nay. Mula ngayon, dito na siya maninilbihan sa bahay, kaya gusto ko po na ituro niyo sa kaniya ang lahat ng dapat niyang matutunan,” bilin niya.
Tumango naman ang matanda at sinenyasan si Lina na sumama sa kusina.
Pinanood niya ang dalawa na mag-usap mula sa may ‘di-kalayuan. Napapitlag siya nang marinig ang tinig ng kaniyang asawa.
“Mahal, nakapagdesisyon ka na ba ng gagawin mo kay Nanay Lagring? Paaalisin mo na ba siya ngayong nakahanap ka na ng maayos at mas batang kasambahay?” usisa nito.
Hindi agad siya nakasagot. Sa katunayan, iyon ang plano niya. Bukod kasi sa nagiging makakalimutin na ito, mahina na rin ang pandinig nito at pisikal nang nanghihina sa mga gawain. Hindi na ito kagaya ng dati.
Dahil pareho silang abala sa trabaho na mag-asawa, kailangan nila ng magbabantay at mag-aasikaso sa mga anak nila na naiiwan. Kamakailan ay nag-alala sila matapos silang manakawan nang hindi nito namamalayan. Mabuti na lang at wala pa ang mga anak nila sa mga oras na iyon at walang napahamak.
Nag-aalala na sila na baka maulit muli ang pangyayari. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit ginusto nilang kumuha ng mas batang kasambahay kagaya ni Lina.
“Ano pa nga ba? Uunti-untiin ko si Nanay para ‘di siya mabigla. Ipapasundo natin siya sa kamag-anak niya at sasagutin natin lahat ng pamasahe na kakailanganin. Bibigyan din natin siya ng pera para sa matagal niyang serbisyo sa atin. Gusto ko pag-alis ni Nanay dito, komportable pa rin ang magiging buhay niya,” aniya sa asawa.
Sa totoo lang ay may kurot sa kaniyang puso ang naging desisyon niyang ito. Mula pa kasi noong bata siya ay kilala niya na si Nanay Lagring. Orihinal na kasambahay kasi ito ng kaniyang Lola, na ipinasa sa kaniyang ina, na ipinasa sa kaniya noong nag-asawa siya at bumukod.
Samakatuwid, tatlong henerasyon na ng angkan ang pinagsilbihan nito kaya kung tutuusin ay parte na talaga ito ng pamilya.
“Nabanggit mo na rin naman, hindi ba’t ipinahanap mo sa akin ang pamilya ni Nanay para sunduin na siya pauwi? Sinubukan ko hanapin pero sabi nila matagal na raw wala doon ‘yung pamilya niya. Matagal na panahon na raw ang nakalipas at wala nang nakakakilala sa angkan nila,” kwento ng asawa niya.
Nagulat siya sa narinig ngunit inaasahan niya na iyon. Ang alam kasi niya labing limang taong gulang pa lang si Nanay Lagring nang lumuwas pa-Maynila at mapadpad sa kanilang pamilya. Sa kanila na ito tumanda dahil hindi naman ito nagkaasawa at nagkaanak.
“Ano sa tingin mo ang magandang gawin?” muli ay tanong ng asawa niya. Alam niya na maging ito ay ninanais na mapabuti ang matanda.
Napaisip siya. Hindi niya kayang pabayaan ang matanda na itinuring niya nang pamilya mula pa noon. Ito ang kasama niya simula noong bata siya sa tuwing abala ang kaniyang mga magulang. Ito rin ang tagapag-alaga niya sa tuwing may sakit siya at kasa-kasama niya sa halos lahat ng mahalagang araw ng kaniyang buhay.
Napakarami na nitong ginawa para sa kaniya, kaya oras na para bumawi naman siya rito.
Bumaling siya sa asawa.
“Gusto kong ipagpatuloy natin ang paghahanap sa pamilya ni Nanay. Sa tingin mo posible kaya iyon?” aniya rito.
“Matatagalan pero ‘wag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat. Magpapatulong ako sa mga kakilala kong eksperto. Kung kinakailangan na suyurin ko ang Pilipinas, gagawin ko,” pangako nito.
Iyon ang kanilang naging plano. Habang sinasanay ni Nanay Lagring si Lina sa bago nitong trabaho ay palihim naman nilang inaasikaso ang paghahanap sa pamilya nito. Ilang buwan din ang inabot bago nila nahanap ang pakay.
Nang makasigurado ay agad nilang pinlano ang surpresa para kay Nanay Lagring. Nang araw rin na iyon ay maingat niyang kinausap ang matanda.
“’Nay, napag-usapan na po namin itong mag-asawa, at sa tingin po namin oras na para magpahinga kayo sa pagiging kasambahay namin.”
Kagaya ng inaasahan ay agad itong umalma.
“Kaya ko pa naman, hija! Pwede pa ako magtrabaho! Dahil ba ito sa may edad na ako? Hindi niyo na ba ako kailangan?” sunod-sunod nitong tanong. Bakas ang lungkot sa mukha nito.
Umiling siya at hinawakan ang kamay nito.
“Hindi po, ‘Nay. Kung pwede lang, gusto po namin kayong makasama nang mas matagal pa. Napakalaki po ng utang na loob namin sa inyo. Hindi lang po kayo empleyado sa amin kundi pamilya,” paliwanag niya.
“Kung ganun, bakit niyo ‘ko pinapaalis?”
Ngumiti siya.
“Gusto ko rin po na maging masaya kayo, makapagpahinga kahit papaano, at makasama ang tunay niyong pamilya. Ang tagal n’yo na po silang hindi nakakasama at sigurado ako na sabik na sabik na silang makasama kayo.”
Natahimik si Nanay Lagring. Maya-maya ay narinig niya ang mahina nitong paghikbi.
“Wala na akong pamilya bukod sa inyo, Laura. Matagal na kaming nagkahiwa-hiwalay at wala akong ideya kung saan ko sila hahanapin. Saan na ako nito tutungo?” umiiyak na tanong nito.
Nangiti siya sa sinabi nito.
“Hindi po totoo ‘yan dahil mayroon po kayong mga bisita ngayong araw.”
Sa senyas niya ay binuksan ng asawa niya ang pinto kung saan bumungad ang tatlong matandang babae at isang matandang lalaki—ang mga kapatid ni Nanay Lagring.
“Ate? Ikaw na ba ‘yan?” umiiyak na tanong ni Lola Teresita.
Matagal na nagyakap ang magkakapatid. Pawang may luha sa mata ang mga ito, kaya maging si Laura ay hindi napigilang maging emosyonal sa pagtatagpo ng magkakapatid.
Labis-labis ang pasasalamat ng mga ito, lalong-lalo na si Nanay Lagring.
“Maraming salamat, Laura! Hindi ko ito makakalimutan. Ito na ang pinakamagandang regalo na nakuha ko sa buong buhay ko!” luhaang bulalas ng matanda.
Bagama’t umiiyak ay kitang kita niya kung gaano ito kasaya, bagay na nakapagpasaya rin nang labis sa kaniya.
Niyakap niya ito nang mahigpit.
“Kung alam n’yo lang po, Nanay. Walang-wala ito kumpara sa nagawa mo para sa pamilya ko. Maraming-maraming salamat din po sa inyo,” lumuluhang bulong niya sa matanda.