
Binalewala ng Lalaki ang mga Pagbabanta sa Buhay ng Kaniyang Mag-ina; Ikinagulat Niya nang Totohanin Ito ng Nananakot sa Kanila
Habang iniisa-isa ni Liza ang mga natanggap nilang sulat sa bahay ay may natatanging sulat na pumukaw sa kaniyang atensiyon.
Maya-maya ay nag-ring ang kanilang telepono at may nakakakilabot na tao ang nagsalita sa kabilang linya. Pinagbantaan siya nito at ang buhay ng kaniyang mag-ama kaya naman sa kaniyang takot ay agad niyang binaba ang telepono.
Agad niyang ipinaalam sa kaniyang asawa ang nangyari pagkauwi nito.
“Hon, biglang may nagpadala na naman uli ng d*ath threat sa’yo ngayong umaga. Kagaya ng dati ay tumawag na naman ‘yung taong nagpadala at nanakot. Pero ngayon hindi lang buhay mo ang pinagbantaan niya. Pati na rin sa’min ng anak mo. Bakit meron na naman uling ganyan? Mahigit isang taon na rin ang nakalipas nung makatanggap ka niyan. Parehas na parehas ‘yan dun sa dati. Iisang tao lang ba ‘yan?” tanong ni Liza.
“Wala lang siguro ‘yan. Huwag mo nang intindihin ‘yan,” tugon ni Jhoel sa asawa.
“Hindi mo maaalis sa’king mag-alala lalo na’t sa susunod na linggo na ‘yung birthday ng anak natin,” sambit ni Liza.
“Nananakot lang ‘yan. Ganyan din naman dati ‘di ba? Araw-araw din nagpapadala at tumatawag pero wala namang nangyari ‘di ba?” pangungumbinsi ni Jhoel.
Mula noon ay araw-araw na naman silang nakakatanggap ng mga d*ath threats hanggang sa mismong ika-pitong kaarawan ng anak nilang si Yesha.
Nung una ay kinakabahan si Liza dahil sa mga d*ath threats ngunit dahil sa wala naman ngang nangyayari sa kanila kahit noon ay hindi na muna niya ito inintindi bagkus ay tinutukan na lang niya ang selebrasyon ng kaniyang anak sa clubhouse ng kanilang subdivision.
Maraming mga bisita ang nagdatingan mula sa kanilang mga ka-anak at sa mga kaklase ni Yesha. Masaya ang lahat sa mga palarong pambata at pang matanda na inihanda para sa selebrasyon.
Maayos ang naging takbo ng programa hanggang sa dumating na ang oras na kakantahan na ng lahat si Yesha upang hipan niya ang kaniyang cake.
“Hon, nakita mo ba si Yesha? Kanina lang nakikipaglaro siya sa mga pinsan niya tapos bigla na lang siyang nawala,” nag-aalalang sinabi ni Liza.
Agad na pinagtanungan ng mag-asawa si Yesha sa kanilang mga bisita ngunit wala silang nakuhang kahit na anong impormasyon kaya naman lalong nag-alala si Liza. Lalo siyang kinabahan nung bigla niyang naalala ang taong nagpapadala sa kanilang ng d*ath threats.
Maya-maya ay nag-ring ang selpon ni Jhoel. Nung sagutin niya ito ay ikinagulat niyang marinig ang pamilyar na boses ng tao sa kabilang linya. Ipinaalam nito na siya ang nagpapadala ng threats sa kanila at na kasalukuyan nitong hawak ang anak nilang si Yesha.
“Kung gusto mong abutan na buhay ang anak mo, puntahan mo agad ‘tong address na itetext ko. At siguraduhin mong mag-isa ka lang pupunta,” sambit ng tao sa kabilang linya.
Kahit na nagbilin ang taong dumukot sa kanilang anak na mag-isa lang dapat na pupunta roon si Jhoel ay binalewala niya ito. Agad siyang tumawag sa mga pulis at sa isang ospital upang humingi ng tulong.
Nangamba si Liza sa ginawa ni Jhoel kaya hindi niya napigilang magtanong at kontrahin ang naging desiyon ng kaniyang asawa ngunit pinanindigan nito ang kaniyang desisyon.
“Kilala ko ‘tong taong ‘to. May deperensiya ‘to sa pag-iisip. Kapag hindi tayo humingi ng tulong ay baka lalong mapahamak ang anak natin,” sagot ni Jhoel.
Agad na pumunta ang mag-asawa kasama ang mga awtoridad sa abandonadong gusali na itinext ng dumukot sa kanilang anak.
Umakyat si Jhoel at humarap sa dumukot sa kanilang anak upang kausapin habang sina Liza at mga awtoridad ay nakatago at nag-aabang ng magandang pagkakataon upang iligtas si Yesha.
Sa kanilang pag-uusap ay nabunyag na ang dumukot sa kanilang anak ay ang dating kasintahan ni Jhoel na si Sarah. Pinangakuan umano siya ni Jhoel na pakakasalan at pananagutan ang anak nilang si Rhia ngunit pinaasa lamang siya nito sapagkat kasal na pala si Jhoel kay Liza ng mga panahong iyon. Nang dahil raw doon at dahil sa pagkawala ng kanilang anak ay nasiraan daw siya ng bait at nanatili sa isang mental institution. Ngunit noong siya raw ay nakalabas at nakita ang masayang buhay ng pamilya nila Jhoel ay muli siyang namuhi rito.
Ikinagulat ni Liza ang kaniyang mga narinig. Hindi niya napigilang lumantad at magsalita.
“Huwag niyong idamay ang anak ko sa gulo niyong dalawa! Maawa ka sa anak ko. Wala siyang kasalanan. Pakawalan mo na siya!” pakiusap ni Liza.
“Ano ‘to? Bakit may kasama ka? Ang usapan natin, tayong dalawa lang ang mag-uusap!” bulyaw ni Sarah bago tutukan ng patalim si Yesha.
Nang dahil dito ay naglabasan na ang mga awtoridad. Pinakiusapan nila si Sarah na bitawan ang patalim at pakawalan ang bata ngunit hindi niya sila pinakinggan. Hinawakan niya nang mas mahigpit si Yesha at unti-unting umatras sa kanilang kinatatayuan habang ipinapagpatuloy niya ang paglalabas niya ng sama ng loob.
“Kahit paano ay may kasalanan din ang anak mo. Parati na lang siya ang kumukuha ng oras at atensiyon ni Jhoel kaya wala nang natira para sa anak ko. Hanggang sa dulo, umasa ang anak ko sa pagmamahal ng kaniyang ama pero binigo pa rin siya nito! Nang dahil sa kalokohan ng anak mo sa eskwelahan ay hindi nakapunta si Jhoel sa naghihingalo naming anak noon!” salaysay ni Sarah.
Lalong naiyak si Yesha sa kaniyang narinig kaya naman sinubukan ni Liza na kumbinsihin si Sarah.
“Huwag kang gumawa na pagsisisihan mo balang araw. Sigurado akong hindi magugustuhan ng anak mo ang ginagawa mo kung nakikita ka niya ngayon. Ina ka rin. Maawa ka sa bata,” pakiusap ni Liza.
Biglang napa-isip sa Sarah. Pagtingin niya kay Yesha ay nakita niya ang mukha ng kaniyang anak na umiiyak. Biglang lumambot ang kaniyang puso. Agad niyang binitawan ang patalim at niyakap ang bata.
Sa takot ni Yesha ay nagpumiglas siya sa bisig ni Sarah. Hindi niya napansin na nasa gilid na siya ng gusali kaya nang namali siya ng apak ay muntik na siyang mahulog rito. Agad lamang siyang nahawakan ni Sarah kaya hindi siya tuluyang nahulog.
Ngunit dahil alanganin ang pagkakahawak ni Sarah sa bata at mahigit sa kalahati na ng katawan niya ang nakasabit sa gusali ay dumulas din ang katawan ni Sarah at nahulog sa mataas na gusali kasama ni Yesha.
Hindi na sila naabutan ng mga awtoridad upang hatakin at iligtas sapagkat napakabilis ng pangyayari.
Hindi makapaniwala si Liza sa kaniyang nasaksihan. Matagal siyang natulala bago tuluyang humagulgol nang napagtanto niya na wala na ang nag-iisa niyang anak. Nilapitan siya ni Jhoel upang pakalmahin ngunit agad niyang sinampal ito. Isinisi niya kay Jhoel ang mapait na sinapit ng kanilang anak.
Mula noon ay hindi na nagkaayos pa ang pagsasama nina Jhoel at Liza. Walang araw na hindi sinisi at ipinamukha ni Liza ang mga kasalanan ni Jhoel lalo na sa nangyari kay Yesha. Nang hindi na matagalan ni Liza si Jhoel ay tuluyan na siyang nakipaghiwalay rito.
Labis ang naging pagsisisi ni Jhoel sa mga nangyari. Hindi niya inasahan na maraming buhay ang masisira at mawawala nang dahil sa kaniyang mga ginawa. Ngunit kahit na anong pagsisisi niya ay wala na siyang magagawa upang ibalik ang mga buhay na nawala. Habambuhay siyang inusig ng kaniyang konsensiya na naging dahilan ng pagkasira ng kaniyang pag-iisip. Marahil ay iyon na ang karma niya.