
Nilait ng Babaeng Ito ang Tauhan sa Kinakainan Nilang Restawran; Malaki pala ang Magiging Utang na Loob Niya Rito
Inis na inis na si Ginang Florencia Torelba dahil napakatagal i-serve ng kanilang order. Kanina pa nagngangangawa ang kaniyang limang taong gulang na anak at natutulilig na ang kaniyang tainga. Nagsisisi tuloy siya na dito pa nila napiling maghapunang mag-anak. Kung hindi nga lang nila anibersaryong mag-asawa ay hindi siya mag-aayang kumain sa labas.
Halos umusok na ang kaniyang ilong sa sobrang paghihintay. Dahil doon, nang dumating ang isa sa mga tauhan ay bigla niya itong binungangaan.
“Bakit napakatagal naman yata ng service n’yo? Kanina pa kami naghihintay rito at halos tumirik na ang mga mata namin dahil sa gutom! Bakit napakakupad n’yong lahat dito, ha?!” galit na sabi niya sa tauhan nang mailapag na nito ang kaniyang mga in-order na pagkain.
“Ma’am, kalma lang po. Sorry po sa inconvenience, pero nakalagay naman po sa menu ang preparing time ng bawat meal,” mahinahong sagot naman ng tauhan sa kaniya kaya bahagyang napahiya si Ginang Torelba na lalo namang nakapagpainit sa kaniyang ulo.
“Wala akong pakialam! Ang sabihin mo, talagang makupad lang kayo, lalo ka na! Palibhasa mga wala kayong pinag-aralan! Wala kayong alam! Makukupad! Lumayas ka nga sa harapan ko,” tuloy-tuloy pang sabi niya sa kawawang tauhan na ngayon ay pinagtitinginan na ng iba pang kostumer. Sinubukan pa siyang pigilan ng kaniyang asawa ngunit talagang hindi nagpaawat si Ginang Torelba.
Walang nagawa si Kian, ang naturang tauhan, kundi ang bumuntong-hininga na lang at kainin ang lahat ng masasakit na salitang sinabi niya laban dito. Sa katunayan ay halos sanay na rin naman ito dahil halos araw-araw na lang yata nitong nararanasan ang ganoon sa iba’t ibang kostumer na halos pare-parehong matapobre katulad na lamang ni Ginang Torelba.
Nagpatuloy na lang sa trabaho si Kian, ngunit ilang sandali lang ang lumipas ay isang palahaw ang narinig niya sa ’di kalayuan…
“Anak ko! Tulong! Tulungan n’yo ang anak ko! Nabubulunan siya!”
Nang lumingon si Kian ay napag-alaman niyang nanggagaling pala ang sigaw na iyon kay Ginang Torelba. Nagsisimula nang magkaroon ng komosyon sa mesa ng mga ito dahil nabubulunan pala ang limang taong gulang nitong anak.
Hindi nagdalawang-isip si Kian at lumapit siya sa kanilang pwesto. Agad niyang dinampot ang bata at isinagawa ang lahat ng natutunan niya sa eskuwela upang iligtas ito. Ang totoo kasi ay nag-aaral bilang isang nurse si Kian at nagtatrabaho siya bilang waiter sa restawran na iyon upang may pangsuporta siya sa sarili. Alam niya ang kaniyang ginagawa. Ilang sandali ang inabot ng pagliligtas niya sa bata. Lahat ay kabado at nakatutok sa pagsubok niyang iligtas ito, habang naghihisterikal naman si Ginang Torelba.
Nakahinga ang lahat nang sa wakas ay suminghap na ng hangin ang bata. Natanggal na ang nakabarang pagkain sa lalamunan nito at sa wakas ay malayo na ito sa tiyak na kapahamakan. Naririnig na rin nila ang wang-wang ng ambulansya na mabilis na tinawagan ng iba pa niyang mga kasamahan kaya naman nadala agad ang bata sa ospital. Minabuting sumama ni Kian doon upang masigurong ligtas ang bata.
“Misis, wala na ho kayong dapat na ipag-alala pa. Ligtas na po ang inyong anak sa tiyak na kapahamakan. Salamat sa mabilis at mahusay na pag-a-apply ng tamang procedure sa bata. Gusto ko nga palang itanong kung sino ang nagligtas sa kaniya?” tanong ng doktor kay Ginang Torelba at noon lamang naalala ng babae ang tauhan na siyang nagligtas sa kaniyang anak. Itinuro niya ito habang sa isip niya ay nahihiya siyang harapin ang binata dahil nagawa niya itong lait-laitin kanina gayong ito pa pala ang magliligtas sa buhay ng kaniyang anak.
Malaki ang utang na loob ni Ginang Torelba kay Kian dahil sa ginawa nito at wala siyang ibang paraang naiisip upang bumawi rito kundi ang bigyan ito ng pera…
“T-tanggapin mo ito. Reward ko ’yan sa ’yo dahil sa ginawa mo para sa anak ko,” aniya sa binata ngunit napailing ito.
“Kahit simpleng pasasalamat lang ho ay tatanggapin ko. Hindi n’yo ho kailangang bayaran ang pagkakawang-gawa ko. Hindi ho lahat ng mahihirap ay mukhang pera,” sagot naman nito sa kaniya.
Muling napayuko si Ginang Torelba. “Sorry, hijo. Ngayon ay naiintindihan ko na na mali ang nagawa ko sa ’yo. Patawad sa mga salitang binitiwan ko at salamat sa pagliligtas mo sa buhay ng anak namin. Habang buhay kong tatanawing utang na loob ito sa ’yo,” sinserong saad pa ni Ginang Torelba at doon ay napangiti si Kian.
“Wala pong anuman,” sagot niya pagkatapos ay nakipagkamay siya sa ginang.
Nagpatuloy sa pagtatrabaho si Kian, at sa paglipas ng panahon ay nakapagtapos din siya bilang nurse, sa wakas. Minsan ay nagkikita pa rin sila ni Ginang Torelba dahil ngayon ay nagtatrabaho na siya sa ospital na malapit sa opisina nito. Ngunit hindi ’tulad noon, ngayon ay puno na ng respeto si Ginang Torelba para sa kaniya at sa iba pang mga tauhan na nakakadaupang palad nito.