
Mahilig Manlait ng Kustomer ang Manager ng Kapihang Ito; Pahiya Siya nang Matiyempuhan Siya ng Anak ng May-ari
“Ma’am, alam n’yo, kung ako sa inyo, babawasan ko ang pag-inom ko ng matatamis. Masiyado na kasi kayong tumataba. Feeling ko nga, may diabetes na kayo, e. Diet din ’pag may time, ha?”
Napangisi pa ang manager na si Resty matapos niyang sabihin iyon sa isa sa mga kustomer nila ngayon sa pinagtatrabahuhan niyang sikat na kapihan sa Maynila. Paano ba naman ay naiinis siya dahil mukha namang mahirap ang naturang babae ngunit ang lakas pa ng loob nito na magkape sa kanilang shop, gayong halata namang para lamang iyon sa mga elegante at mayayamang tao. Nakayuko tuloy na lumabas ang babae matapos niyang iabot ang in-order nito.
Madalas kasi niyang ipagmalaki sa kaniyang mga kakilala na nagtatrabaho siya bilang manager sa naturang kapihan kaya naman ayaw niyang isang araw ay pagtawanan siya ng mga ito kapag nakita nilang may nakakapasok na mahihirap sa kanilang shop—iyong mga kostumer na kung tawagin niya ay hampaslupa, dahil hindi magara ang pananamit ng mga ito.
Napailing naman ang mga crew na nakarinig sa sinabi niya. Ang totoo ay hindi rin sang-ayon ang mga ito sa mga ginagawa niya ngunit wala silang magawa dahil ayaw nilang mawalan ng trabaho. Tanging iling at makahulugang tinginan na lang ang kanilang nagagawa sa tuwing manlalait ng kustomer ang kanilang manager na si Ma’am Resty.
Maya-maya pa, isang babae ang pumasok sa kanilang shop. Masama agad ang tingin ni Resty rito lalo na at nakita niyang mukhang mumurahin ang suot nito at mukhang pambahay lang! Hindi ito nababagay sa kanilang sikat at eleganteng coffee shop na para lang sa mayayaman!
Inis na inis si Resty. Kung pwede lang na paaalisin niya ang babae sa kanilang kapihan ay ginawa na niya, ngunit ayaw niya namang mag-eskandalo dahil nakakahiya naman sa iba nilang kustomer!
Dahil doon ay hinintay na lamang niya na um-order sa kaniya ang babae. Minabuti niyang siya na talaga ang mag-asikaso rito upang masabi niya ang gusto niyang sabihin, nang sa ganoon ay hindi na ito bumalik pa sa kanilang shop.
“Hi! P’wede, pa-order ako ng—”
Hindi pa man natatapos ang babae sa sasabihin nito ay pinutol na ni Resty iyon ng isang malutong na panlalait…
“Wala ho ba kayong ibang damit na mas maayos, kapag papasok kayo sa shop namin, ma’am?” sarkastikong tanong ni Resty sa naturang kustomer matapos niya itong pasadahan ng nandidiring tingin mula ulo hanggang paa.
Nagtaka naman ang dalaga sa kaniyang inasal. “Bakit, may problema ba sa suot ko?” tanong pa nito sa kaniya.
“Malaki,” mariing sagot ni Resty. “Mahal ang bayad sa mga produkto namin. Kaya kung hindi mo kayang bumili ng maayos na damit, siguradong hindi rin kaya ng buksa mo ang presyo ng mga itinitinda rito, ma’am,” muli ay sarkastikong pananagot niya sa dalagang kostumer.
Agad namang tumaas ang isang kilay ng kausap niya kaya naman lalong nainis si Resty. Ang lakas naman kasi ng loob nitong pagtaasan siya ng kilay!
“Excuse me, may pambili ako, ano!” kunot ang noong sagot sa kaniya ng babae.
“Talaga ba? Hindi kasi halata,” patuloy pa ring pagtataray ni Resty rito na sinundan niya pa ng nakaiinsultong pagngisi.
“Sandali, lahat ba ng kostumer dito tinatrato mo nang ganiyan?”
“Hindi. Iyong mga katulad mo lang na hampaslupa,” muli ay sagot pa ni Resty na nagpailing sa babae.
“Bago ka ba rito?” muling tanong ng babae. Biglang sumeryoso ang mukha nito at tila galit na sa kaniya.
Hindi naman nagpatalo si Resty at pinagkrus ang kaniyang mga braso. “E, ano naman sa ’yo ngayon?”
“Bakit hindi mo itanong sa mga crew na mas matagal sa ’yo, kung sino ako?”
Ikinagulat ni Resty ang sunod na sinabing iyon ng babae sa kaniya. Hindi pa man niya nagagawang itanong kung sino ito ay isang crew ang lumapit sa kanilang pwesto.
“Siya si Miss Mayumi, ang unica-hija ng may-ari nitong coffee shop, at ng iba pang negosyo ng Torrez Family,” anito na halos ikapanlumo ni Resty.
Nanlaki ang kaniyang mga mata at halos matuyuan siya ng laway sa narinig. Sa pagkakataong ito ay ang babae naman na si Mayumi ang nakangisi sa kaniya.
“Pumunta lang ako rito para sana magkape. Nariyan lang naman sa tapat ang condo unit ko kaya hindi na ako nagbihis pa ng maganda. Isa pa, wala naman sa patakaran ng shop ‘naminֹ’ na bawal pumasok dito ang mahihirap at ordinaryong tao, kaya bakit ganiyan ka?” tanong nito sa kaniya. “Hindi mo ba alam na bago naging elegante at mukhang pangmayaman ang kapihang ito, ang naging kostumer muna namin ay masa? Iyong mga ordinaryong taong ngayon ay minamata-mata mo!” dagdag pa nito kaya’t napayuko na lang si Resty habang nanginginig ang tuhod. Hindi niya naman kasi akalain na makakaharap niya mismo ang anak ng may-ari nitong coffee shop!
Matapos ang araw na iyon ay natanggal sa trabaho si Resty at naging balita sa maraming kompanya ang tungkol sa ginawa niya lalo na at maraming koneksyon ang pamilya nina Mayumi. Ngayon ay wala na tuloy siyang maipagyayabang dahil halos wala na ring tumanggap sa kaniya sa trabaho. Isang malaking pagkakamali ang ginawa niyang iyon at ngayon ay nagsisisi na siya.