
Hinusgahan ng Magkumare ang Matandang Beki dahil Palagi Itong Dinadalaw ng Dalawang Binatilyo sa Kaniyang Bahay; Mapapahiya Pala Sila sa Huli
Nanlalaki na naman ang mga mata ni Aling Josefina. Napanganga pa siya at napahinto sa pag-inom ng inutang niyang softdrinks sa tindahan ni Aling Edna, nang makita niya ang pamilyar na dalawang binata na palaging dumadalaw sa kapitbahay nilang matandang beki na siyang may-ari ng dinadayong parlor sa kanilang barangay.
“Edna, halika rito’t sumilip ka sa bintana. Tingnan mo, hayan na naman ang dalawang boylet ni Madam Carlota!” tawag niya agad sa kaniyang kumare na noon ay agad din namang tumalima sa kaniyang sinabi.
Maya-maya pa ay pumalatak ito. “Napakal*swa talaga ng matandang ’yan. May edad na’y hindi pa matutong magtino. Ginagamit ang pera niya para bumili ng lalaki,” komento naman ni Aling Edna habang hindi inaalis ang tingin sa dalawang binatang ngayon ay pumapasok na sa loob ng bahay ng naturang matanda.
“Naku, sinabi mo pa! Nakakaaduwang isipin kung ano ang ginagawa ng mga ’yan sa loob!” nakangiwi pang dagdag ni Aling Josefina na ikinahagikhik nilang dalawa ng kaniyang kumare.
Nasa ganoon silang pag-uusap nang biglang dumating ang isa pang tsismosa sa kanilang lugar at nagtanong kung bakit sila humahagikhik.
“Ang saya ng dalawang ito, ano ba ang pinagtatawanan n’yo r’yan?”
Huminto naman agad sa pagtawa si Aling Edna upang sagutin ang tanong ng bagong dating. “Paano, nariyan na naman ’yong dalawang boylet ni Madam Carlota. Siguradong gagawa na naman ng kababalaghan ang beki kasama sila kaya kami ni Josefina’y tuwang-tuwa rito,” paliwanag pa niya bago muling humagikhik.
“Aba, oo. Pagkapasok na pagkapasok nga ng dalawang binata’y nakarinig na ako ng kaluskusan sa loob, e!” singit naman ni Aling Josefina, kahit hindi naman talaga iyon totoo. Idinagdag lamang niya iyon upang mas maging kahiya-hiya ang kanilang kapitbahay. “Hindi ko rin maintindihan sa mga binatang ’yan, kung bakit kay guguwapo naman ay pumapatol sila sa isang baklita!”
“Ay, gan’on? Nakakadiri naman ’yang si Madam Carlota. Kaya ayokong pinalalapit d’yan ang binata ko, e. Paano ba nama’y noong nakaraang linggo, tinawag niya ang anak kong binata, si Lawrence, kunwari’y nakikisuyong magpabili!” Umingos pa ang bagong dating na si Aling Verna bago nagpatuloy. “Kung ’di ko pa alam, baka type din ng beking ’yan ang anak ko,” dagdag pa nito.
“Naku, dapat pala ay nababalaan na rin natin ang ibang kabataang binata rito sa lugar natin para hindi na mabiktima n’yang si Madam Carlota. Sasabihan ko nga ang mga kumare ko para pag-ingatan ang kanilang mga anak,” sabi naman ni Aling Josefina na sinang-ayunan pa ni Aling Edna.
Ang dalawa ang nanguna sa pagpapakalat ng tsismis tungkol sa kapitbahay nilang kilala sa tawag na Madam Carlota. Ipinamalita nilang nambibiktima ito ng mga binata sa pamamagitan ng pag-aalok ng pera kahit na ang totoo ay wala naman talaga silang matibay na basehan. Dahil lamang sa palaging pagpunta ng dalawang binata sa bahay nito ay marami na silang naisip na masasamang bagay tungkol dito. Hanggang sa makarating na mismo ang balitang iyon kay Madam Carlota at sa dalawang binatang tinutukoy sa naturang tsismis!
Nagalit ang dalawang binata, hindi dahil sa nadamay sila sa tsismis na ’yon kundi dahil sa mga ipinapakalat nina Aling Josefina at Aling Edna tungkol kay Madam Carlota. Dahil doon ay agad silang sumangguni sa barangay upang ipagbigay-alam sa mga ito ang katotohanan.
Ipinatawag ng kapitan sa tanggapan ng kanilang barangay ang mga taong sangkot sa pagpapakalat ng maling balita tungkol kay Madam Carlota. Naroon din ang dalawang binatang nagngangalang Aljon at Alister na napag-alaman nilang magkapatid pala—at isiniwalat ng mga ito ang tunay nilang relasyon kay Madam Carlota.
“Hindi na ho ako magpapaligoy-ligoy pa. Nagpatawag ho ako ng pag-uusap dito sa barangay hall dahil gusto kong linawin ang mga tsismis na ipinapakalat ninyo tungkol sa amin at sa tinatawag ninyong matandang beki na si Madam Carlota. Hindi niya kami ‘boylet’ dahil kami hong magkapatid ay mga pamangkin niya! Siya ang aming Uncle Carlo na siyang nagpaaral sa amin simula noong elementary hanggang ngayong magtatapos na kami ng kolehiyo! Ako ho ay malapit nang magtapos bilang architect habang ang kapatid ko naman ay isa nang engineer. Ang dahilan ho kung bakit lagi kaming dumadalaw kay Uncle Carlo ay dahil ayaw naming maramdaman niya na nag-iisa lang siya sa buhay dahil nandito kami. Sana ho, bago tigilan n’yo na ang panghuhusga sa kapwa dahil wala hong magandang maidudulot ’yan sa buhay namin at pati na rin sa sarili n’yo,” galit ngunit malamang paliwanag ni Alister sa mga tsismosang kaharap nila na ngayon ay pawang mga walang masabi at nakayukod na lamang.
Napahiya ang mga ito. Sa wakas ay natahimik din ang makakati nilang dila na walang ibang alam gawin kundi ang manghusga ng kapwa. Ngayon ay magsisilbi na itong leksyon sa kanila lalo na at ang kapitan na mismo ang nagsabi na sa susunod ay ipadadampot na sila sa pulis. Ngayon kasi ay maaari nang kasuhan ang mga tsismosa.